Ginahasa ang nakababatang kapatid ni Sophia kaya nabaliw ito at hindi makausap kung sino ang gumawa noon sa kanya. Naniniwala siya na ang dati nitong amo na si Don Jose ang gumahasa sa kapatid niya kaya naisipan niyang maghiganti. Pumasok siya bilang isang katulong sa pamamahay nito. Nalaman niya sa ibang katulong na napakabait ni Don Jose pero hindi siya naniniwala dahil pakitang-tao lang ang pinapakita nito.
Isang araw, habang naglilinis siya, lumapit sa kanya ang anak ni Don Jose na si Ramon. Napatigil siya sa paglilinis para yumuko at bumati rito. Natuwa naman si Ramon sa inasal niya.
"Huwag kang yumuko, hindi ko makikita ang kagandahan mo," pabirong sabi nito. Napangiti si Sophia sa sinabi ni Ramon at nagkaroon din siya ng ideya kung paano na siya makakapaghiganti. Aakitin niya ito at papatayin.
Pagkatapos ng araw na yun, palagi na silang magkasama hanggang sa naging magkasintahan sila. Isang gabi, naikwento ni Sophia ang nangyari sa nakababata niyang kapatid at kinamumuhian niya ang tao na yun. Gusto siyang tulungan ni Ramon gaya nang inaasahan niya. Lalo niyang nakumpirma na mahal na talaga siya ng binata. Nagkaroon siya bigla ng kaunting pagkahabag kay Ramon, kaya naman bago pa magbago ang isip niya ay niyaya niya ito kinabukasan sa loob ng kanyang silid.
Bakas sa mukha ni Ramon ang saya nang makasapasok na sila sa loob ng silid.
"Hindi ko aakalain na mas agresibo ka kaysa sa akin," natatawang sabi nito.
Nang tumalikod sa kanya si Ramon ay nanginginig niyang hinawakan ang balisong na nasa kanyang bulsa. Inalala niya ang lahat ng nangyari sa kanyang kapatid kaya naman bumalik agad ang galit niya at handa na talaga siyang patayin si Ramon.
Humarap sa kanya ang binata kaya naman hindi na niya nailabas pa ang balisong sa kanyang bulsa.
"Mahal kita, Sophia. Nag-aalala ako sa maaaring mangyari sa paghihiganti natin. Pwede bang kalimutan na natin yun? Hindi ko kakayanin kung sakaling mawala ka sa piling ko."
Sa gabing iyon, napagisipan niya na itigil na ang paghihiganti dahil mahal na niya talaga si Ramon at mahal din siya nito. Gusto niyang mabuhay nang maayos kasama ni Ramon. Ibinigay na rin niya ang kanyang sarili sa binata. Nangako ito sa kanya na bukas ay ipapaalam na nila sa ama nito ang relasyon nila.
Kinabukasan ay masayang sinalubong ni Sophia si Ramon. Tamang-tama at katabi lang nito ang ama.
"Magandang umaga po, Don Jose..." Tumingin siya kay Ramon na nakatingin rin sa kanya. "Magandang umaga, Ramon."
"Ano nga pala ang sinasabi mo kanina Ramon?" tanong ng ama nito.
"Magpapakasal na kami ni, Ana." Nakangising tumingin sa kanya ang binata.
"Yung anak ni kongresman Johnny?" tumawa ang matanda. "Yan ang gusto ko sa'yo Ramon, marunong kang pumili ng babae mo."
Nanginig sa galit si Sophia. Hindi siya makapaniwala dahil sa narinig, pakiramdam niya pinagkaisahan siya ng mag-ama.
Lumapit sa kanya si Ramon.
"Kumusta pala ang kapatid mo?" Nilapit niya ang kanyang bibig sa tainga nito.
"Wag kang mag-alala, mas masarap ka sa kama kaysa sa kanya, Sophia."
