Nandito si Nanay

206 23 8
                                    

Hindi ko na napigilan ang palad ko, muli itong tumama sa manipis niyang pisngi at nag-iwan ng mapulang marka. Halos maluha ako nang makita ang pagtagilid ng ulo niya patungo sa kaliwa pero alam ko sa sarili kong hindi tama kung pangungunahan ako ng awa. Humikbi siya kaya’t napaiwas ako ng tingin. Ramdam ko ang panginginig ng katawan ko kasabay ng mabigat kong paghinga. Nag-unahan na rin sa pagpatak ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Hindi ko na alintana ang mga kapitbahay na panay ang panonood sa mga pangyayari na parang isa itong pelikula.

Lumapit ako at hinawakan siya sa braso—mahigpit, mariin. Lumunok siya bago humarap sa akin. Ang mga mata niyang basang-basa ng luha ay tila nagmamakaawa. Ang labi niyang dumudugo dahil marahil sa makailang-ulit kong pagsampal sa kanya ay nakaawang at mamasa-masa dahil sa luha. 

"Anak, sino... sino'ng nakabuntis sa'yo?" 

Nang umiling siya ay mas lalong sumiklab ang galit sa puso ko. Muli ko siyang sinampal saka mas diniinan ang pagkakahawak sa kanya. Malakas ang paghikbi niya ngunit pinili kong maging bingi sa pagtangis niya. Nagtangka siyang lumayo pero mabilis kong nahila ang buhok niya. 

Hindi ko makontrol ang sarili ko. Umaapaw ang galit sa pagkatao ko. Hinigit ko ang damit niya at pilit siyang pinarahap sa'kin. Mas lalong lumakas ang bulong-bulungan sa paligid dahilan para magpanting ang tainga ko sa inis. 

Binalingan ko ang mga tsismosa't tsismosong pawang nakasilip sa bintana at pinagduduro. 

"Putang ina! Magsilayas kayo sa paningin ko at baka hindi ko kayo matantya!" Agad silang nag-alisan nang hawakan ko ang isang vase at akmang itatapon sa kanila. 

Unti-unting nanghina ang tuhod ko. Umupo ako sa sahig at sinapo ang ulo.

"Fifteen ka lang!" sigaw ko. "N-naisip mo ba kung ga'no kasakit sa'kin 'to? Sa'min ng tatay mo? Sa'n kami nagkulang?" Nabasag ang tinig ko sa huling salita. 

Humagulgol ako sa harapan niya, siya nama'y yumuko lang at tinakpan ng palad ang mukha. Ang sakit, sobrang sakit. Wala nga yatang binatbat ang bawat sampal na ibinabato ko sa kanya sa sakit na tumutusok sa pagkatao ko bilang ina. Pumikit ako ngunit pagkaraan ay naramdaman ko ang pagyakap niya sa'kin. Katulad ko ay nanginginig din siya. 

"Nanay, sorry."

Natigilan ako sa mga salitang binitawan niya. Sa loob ng isang oras na pagwawala't pagtatanong ko ay ngayon lang siya nagsalita. Tinakpan ko ng palad ang bibig ko para pigilan ang malakas na paghikbi. Nakakatawa dahil kahit ang mga simpleng salita pala ay may kakayahang tumunaw ng galit—ng yelo sa dibdib. Ang galit ng isang ina ay madaling natatabunan ng pag-ibig para sa anak. Niyakap ko siya nang mahigpit at sabay kaming tumangis.

"N-nanay." Yumuko siya't humikbi. "G-ginalaw p-po ako ni Tatay."

Umawang ang labi ko. Parang tinutusok ng karayom ang puso ko—nahihirapang huminga, nasasaktan para sa kanya. Humagulgol ako sa kaisipang sariling ama pa niya ang bumaboy sa kanya. 

"C-Cielo, nandito si Nanay." Sabay kaming umiyak habang magkayakap.

Walang inang kayang tiisin ang anak. Walang inang hindi lalaban kapag anak na ang nangangailangan.

Final EntriesWhere stories live. Discover now