Ang Bote ng Pagmamahal

152 5 5
                                    

"Bili mo pa nga ako ng alak!" Saad ng aking Tatay habang winawagayway niya ang bote ng alak.

"Tama na po ‘yan, 'Tay. Masama ‘yan sa katawan," sambit ko naman. Tinignan niya ako nang masama saka niya ako hinatak sa may kwelyo. Sinabunutan pa niya ako pagkalapit ko sa kanya.

"Sino ka para sabihan ako niyan?! Wala kang karapatan! Anak lang kita, Cari!" Sabi pa nito. Sanay na ako sa ganitong eksena sa pang araw-araw na ginawa ng Diyos. Buti nga ganito lang ang ginagawa niya ngayon. Minsan kasi may kasama pang suntok at hampas ng bote kaya may mga marka ng hiwa o pasa sa mga braso at binti ko.

Okay lang nga sa akin kung ako lang ang ginaganito niya, pero ginagawa niya din ito kahit kay Nanay o sa dalawa kong kapatid. Kahit na 'di siya lasing ay pilit niya kaming sinasaktan kapag 'di siya nabibigyan ng pera ni Nanay o 'di ginagawa ang utos niya. Minsan nga tinatanong ko sa sarili ko kung bakit ito ang binigay na buhay ng Diyos sa akin. Nagagalit ako sa kanya. Bakit niya ba hinayaang mabuhay ang mga taong ganito? Bakit niya hinayaang magdusa kami nang ganito?

"Ano?! 'Di ka pa ba magtatanda kang bata ka?! Bilhan mo na ako ng alak!" Sigaw nito. Gusto ko din siyang saktan na katulad nang ginagawa niya sa amin pero anong magagawa ko? Kahit na galit ako sa kanya, Tatay ko pa rin siya. Pesteng pagmamahal 'to! Kaya 'di rin siya maiwan ni Nanay dahil mahal niya ang gago. Oo, gago si Tatay dahil 'di niya kayang panindigan ang pagiging ama niya para sa amin.

Gusto kong maramdaman ang pagmamahal ng isang Tatay pero 'di na ako umaasa. Kahit na ilang beses niya pa akong saktan o pagsalitaan ng masasakit na salita, e Tatay ko pa rin siya. Kadugo ko siya. Mahal ko pa rin siya. Itong galit na 'to? Panandalian lang 'to, kasi 'yon ang nakikita at naiisip ko pero iba ang sinasabi nitong puso ko. Mahal ko pa rin si Tatay kahit ganito siya.

Sinunod ko ang kanyang utos saka siya nalunod na naman sa kalasingan pagkabalik ko. Inayos ko ang pagkakahiga niya at kinumutan pa ito. "Galit na galit ako sa inyo, 'Tay. Gusto ko din kayong saktan. Nakikita ninyo ‘tong sugat ko? Gawa ninyo ‘yan pero kahit ganoon, patuloy ko pa rin kayong minamahal bilang Tatay. Ayokong umasa pero gusto kong paniwalaan na magbabago pa rin kayo balang araw."

Nagsimula nang tumulo ang mga luha ko. Tumakbo na ako pabalik sa kuwarto ko saka humiga. Iniisip na naman ang kinabukasan. Alam ko naman na ang mangyayari e, ibibili ko na naman siya ng alak sa kanto at sasaktan uli niya ako katulad nang ginawa niya kanina.

Tumingin ako sa may bintana saka kinausap Siya. "Lord, pasensya na kung nasisi ko na naman kayo. Minsan kasi nahihirapan na ako pero kahit ganoon pa man, salamat po sa binibigay ninyong isang bote ng pagmamahal dahil nahaharap ko pa rin ang bukas."

Final EntriesWhere stories live. Discover now