“'Wag kang magtitiwala kaagad sa kahit na sino. Sa panahon ngayon, sarili mo lang ang dapat mong pagkatiwalaan.” Narinig ko na naman ang boses ni Nanay na sinasabi ang kanyang paboritong pangaral. Paulit-ulit. Palakas nang palakas. Nakakarindi. Nakakainis. Mariin kong tinakpan ang dalawa kong tenga, upang makasigurong hindi ko na maririnig pa ang pangaral na pinakaayaw ko. Ang tanging pangaral ni Nanay na hindi ko nasunod, dahilan kaya nasa loob ako ng bilangguan ngayon.
Sa oras na makatakas ako mamaya mula sa impyernong lugar na 'to, titiyakin kong mapupunta rin sa impyerno ang walang hiyang naglagay sa'kin dito. Nang dahil sa pambibintang, paninisi at pandidiin nila sa'kin ay nasira ang buhay ko, maging ang buhay ng pamilya ko, kaya wawasakin ko rin ang buhay niya. Lintik lang ang walang ganti. Mata lang ang walang latay.
Marami akong natutunan sa loob ng bilangguan. Sa loob nito ako natutong magtiis, magalit, gumanti, manakit, makipag-away, at kahit pa pumatay. Ang mga rehas na nakapaligid sa'kin ang naghasa ng balisong na paborito kong paglaruan, na napupudpod sa tuwing may mga preso itong tinatanggalan ng buhay. Sa ilang taon kong pamamalagi sa kulungan, may isang bagay akong natutunan bilang isang preso, ito'y ang lumaban para mabuhay.
Napatigil ako sa paglalaro ng balisong nang tumayo si Paredes mula sa kamang nasa tapat ko. Hudyat na sisimulan na niya ang plano namin. Marahan siyang lumapit papunta sa pwesto ni Jimenez at walang pasabing nakipagsuntukan siya rito. Kaagad naman silang dinumog ng ibang preso. Naaayon ang lahat ayon sa plano naming tatlo.
Oras na para kumilos ako. Tumayo ako mula sa kama ko at lumapit sa mga rehas. Sumigaw ako para tawagin ang mga pulis na nasa labas, at kaagad naman silang pumasok. Sa pagpasok nila ay kaagad ko silang tinutulak paroon sa pwesto ng awayan hanggang sa ang lahat ng pulis ay naroon na, inaawat ang mga presong tila mga animal na nagsusuwagan ng sungay.
Maingat, pero mabilis akong lumabas ng seldang naiwang nakabukas at mabilis na tumakbo palabas. Hanggang sa makita ko na sa wakas ang gate palabas. Sa wakas makakapaghiganti na ako. Itinataga ko sa bato, bukas na ang lamay ng hayop na 'yon.
Nahinto ang pag-iisip ko nang palibutan ako ng mga pulis. Palpak na naman.
“Chief, si Paredes at Jimenez nawawala,” ulat ng isang pulis habang kinakaladkad ako ng iba. Naiyukom ko ang mga kamao ko.
Putang ina! Ginawa nila akong pain? Napangisi ako. Hindi ako makapaniwalang matapos kong pagplanuhan ang lahat ay magagawa pa nila akong pagtaksilan.
Hindi na ako nakapagtiis. Sinuntok ko ang mga pulis na nakapalibot sa'kin. Sa kanila ko ibinuhos ang pagkainis at galit ko. Wala akong pakialam kung batuta ang pang-ganti nila sa'kin ang mahalaga ay makapanakit ako, dahil sa ganitong paraan ko lang mailalabas ang galit na nararamdaman ko. Hindi para sa hayop na naglagay sa'kin dito, hindi rin para sa dalawang traydor na preso, kundi galit sa sarili ko. Hindi ko na naman pinakinggan ang pangaral ni Nanay. Hindi na ako nadala. Putang ina.