Seed Of Love

12.5K 338 68
                                    


CHAPTER 4

“YOU LOVE someone else,” tukso ni Yumi kay Jairus habang magkatabi silang nakatunghay sa ibaba mula sa itaas ng tree house. Bakasyon noon mula sa unibersidad na pinapasukan ni Jairus sa Maynila. Nasa ikalawang taon na ito ng kursong Architecture. Sa Saint Louis University sa Baguio naman siya nagkolehiyo. Galing ang binata sa kanila at nang sabihin ni Lolo Alfonso na dadayo ito sa mga McGranahan para makipagkuwentuhan sa lolo ni Jairus ay sumabay na sila sa sasakyan.
Tinawanan lang ni Jairus si Yumi. “Hindi, ah.”
“Eh bakit pala hindi mo pinapansin ‘yong magandang bakasyunistang nagpapa-cute sa iyo dito? At saka ‘yong kinukuwento mong chick doon sa school n’yo na nagpadala sa iyo ng tatlong bar ng imported chocolates?”
“Ayoko lang sa babae ng nang-aagaw ng papel sa lalaki. Hindi makahintay na sila ang ligawan.”
Siniko ito ni Yumi. “Huu, feeling cute ka, gano’n? Eh bakit si Ruth na kaklase mo noong high school? Mahinhin ‘yon at hindi nagpapa-cute sa ‘yo. Pero hindi mo rin pinansin kahit buong klase n’yo na ang nagpe-pair sa inyong dalawa. Ang ganda-ganda kaya ni Ruth. Hindi ka man lang nagka-crush sa kanya?”
“Hindi.”
“Bakit nga?”
“Eh sa hindi, eh. Ang kulit nito.”
“Alam mo, dalawa lang ang dahilan kung bakit hindi magkaka-crush sa isang ideal girl ang isang lalaking kagaya mo: Una, dahil may gusto na siyang ibang girl. Pangalawa, dahil she-man siya.”
Nalukot ang noo ni Jairus at pasulimpat na tiningnan siya. “’Oy, hindi ako bakla. Papatunayan ko pa sa ‘yo kung gusto mo.”
“Ows? Sige nga.” Nakadama ng excitement si Yumi. Ano kayang patunay ang gagawin ni Jairus? Hahalikan kaya siya nito? Iniharap niya ang sarili sa binata at ngumiti nang ubod-tamis.
“Bukas na lang.”
Disappointed na napamata rito si Yumi. “Bakit bukas na lang?”
“Wala naman kasi dito si Vera.”
Nag-skip yata ang tibok ng puso ni Yumi. “S-si Vera ang crush mo?”

NAPATUNGANGA na lang si Yumi matapos ang pakikipag-usap niya sa telepono sa pinsang si Chinggay. May dumating daw na notice sa shelter na nagsasabing kailangan nang umalis ng mga ito roon dahil gagamitin na ng may-ari ang lupa. Nang ipakita raw ng pinsan niya sa abogado ng mga ito ang notice ay nag-imbestiga ang abogado. Nakasangla pala ang titulo ng two-thousand square meters na lupang kinatitirikan ng shelter sa Pasong Tamo. Matagal na raw na nailit iyon ayon sa lumabas sa imbestigasyon sabi pa sa kanya ni Chinggay. Suwerte na lang daw na ngayon lang gustong kuhanin ng bagong may-ari.
Kapatid ng asawa ni Lola Milagros na si Lolo Emilio ang lola ni Chinggay. Ang pinsan niya ang nagpapatakbo sa Kanlungan, isang three-storey shelter para sa mga battered at physically challenged women na inabandona na ng mga kaanak. Tinutulungan lang si Chinggay ng ilang kamag-anak at kaibigan. Walo ang sinusuwelduhang staff ng Kanlungan, bukod pa sa ilang volunteers na dumadalaw lang doon ngunit pinakakain din. Sa ngayon ay humigit-kumulang sa limampu ang nakikipanuluyan doon.
Ang great grandmother nila na si Lola Talia ang nagpasimula ng shelter. At ngayon ay nanganganib na mawala sa kanila ang napakahalagang legacy na iniwan ng Lola Talia niya.
Ang huling mga sinabi ni Chinggay ang dahilan kung bakit shocked si Yumi. 
Hindi ka maniniwala kung sino ang pinagsanglaan ng lupa ng shelter, Yumi. Na-trace ng abogado namin na sa isang Alfonso Banal Sr. isinangla ang lupa twenty-eight years ago.”
Napasinghap si Yumi. “Kay Lolo? Paanong nangyari ‘yon? Napakalayo ng Sagada sa Makati at… Chinggay, sino raw ang nagsangla?”
“Si Tita Marinel.”
Hindi makapaniwala si Yumi na magagawang isangla ng mama niya ang titulo ng lupa na nakapangalan pa noon sa Lolo Emilio at Lola Milagros niya. Hindi man mayamang-mayaman ay may kaya rin ang kanyang lolo at lola. Kaya nga nagawa ng mga ito na ipagpatuloy ang pagtulong sa mga napagmamalupitang kababaihan.
Bukod sa ilang pag-aaring lupa ay may mga commercial establishments at apartments din ang mga Lola Milagros niya. At ang mama niya ang nag-iisang tagapagmana ng mga ito. Kaya nakapagtataka kung bakit magagawa ng mama niya na isangla ang lupa ng shelter sa Lolo Alfonso niya.
“Yumi, ipinapatawag ka ng lolo mo sa kuwarto niya,” sabi sa kanya ng lumapit na punong kawaksi na si Manang Coring.
“Sige po, Manang, susunod na ako. Salamat po.” Mabibigat ang mga paa na humakbang si Yumi patungo sa silid ng lolo niya. Paglingon niya sa bintana sa tapat ng hall ay nakita niya ang papalayong Trekker ni Jairus. Nagtungo pala roon si Jairus nang hindi man lang niya namalayan. Dumalaw lang marahil ito sa lolo niya.

Barely Heiressess Book 2 - Yumi  (Published 2015)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon