Engaged!

11.9K 305 18
                                    


CHAPTER 11
  
NATUWA si Yumi nang makitang suot na ni Amira ang bestidang tinahi ni Mabel. Ang tela ay mula pa sa mga hinabi na binili noon ni Lola Celestina para sa kanya. Hindi na niya nagawang ipatahi ang iba sa mga iyon. Kinuha niya ang may pinakamagandang disenyo at kinutsaba si Sky na magpuslit ng damit ni Amira. Iyon ang sinukatan ni Mabel.
Tuwang-tuwa ang mga kapatid niya nang matahi ni Mabel ang bestida. At higit nilang ikinatuwa ang kasiyahan sa mukha ni Amira nang matanggap ang regalo nila.
Oo nga at nararamdaman niya na palagay na ang loob ni Amira sa kanila, liban lang kay Ailene na civil lang ang pakikitungo rito, ngunit may napapansin pa siya sa tahimik niyang kapatid. Ilang ulit na niyang nakikita ang palihim na pagmamatyag ni Amira kay Aunt Carrie. May nahahalata rin kaya ang kapatid niya sa kanilang madrasta?
Nilapitan ito ni Yumi, hinawakan sa balikat. “Amira…”
Nagulat at napakislot pa ang kapatid niya. Daig pa nito ang nahuli sa pang-uumit.
“May alam ka rin ba tungkol sa kanya?”
“Ha? Sino ba ang tinutukoy mo, Ate Yumi?”
“Si Aunt Carrie.”
Sandaling tinitigan siya ng kapatid, tila binabasa ang nasa isip niya. “Ikaw, Ate Yumi, ano ang alam mo tungkol sa kanya?”
Ano nga ba ang alam niya tungkol sa kanilang madrasta bukod sa hindi magandang kutob? Kutob na naramdaman niya mula nang mapasukan niya si Aunt Carrie na kinakausap ang comatose nilang ama.
“Ano ba’ng gagawin ko sa iyo para gumising ka na? Alfie, gumising ka na. Don’t ever dare die now. Masasayang ang mga pinaghirapan ko sa pamilya ninyo.”
“Ate Yumi? Bakit ka natulala?”
Naputol ang alaala ni Yumi sa tinig ni Amira. “Ahm, wala… May naalala lang ako.” Inakbayan niya ito. “Nararamdaman kong may alam ka tungkol sa mga motibo ni Aunt Carrie. Kung ano man ang balak mo, kung ano man ang plano mong gawin, dobleng pag-iingat ang gawin mo. Ingatan mo sanang mabuti ang sarili mo, Amira. Baka hindi matahimik sa hukay ang lolo natin kapag may nangyaring masama sa iyo.”
Ginagap nito ang likod ng palad niya na nakahawak sa punong-braso nito. “Don’t worry, Ate Yumi, mag-iingat ako nang todo. Huwag mo akong alalahanin. Kaya ko ang sarili ko.”
“I wish I can hold on to that promise.” Hindi naikubli ni Yumi ang pag-aalala ngayong tiyak na niyang may alam nga ang kapatid sa kanilang Madrasta. “Hindi mo ba puwedeng sabihin sa akin kung ano ang alam mo?”
“In time, Ate Yumi, sasabihin ko rin sa inyo ng mga kapatid natin.”
Hindi man lang napanatag ang loob niya sa sinabi nito. “Paano ka namin matutulungan niyan?”
Ngumiti ito sa kanya. “I know you’ll pray for me.”

“MAY MAGSU-SHOOT ba ng pelikula rito?” tanong ni Yumi kay Jairus nang makita ang setup ng film making sa Kiltepan Peak. Niyaya siya nitong manood ng sunrise. Alas kuwatro pa lang ng madaling-araw ay sinundo na siya nito sa kanila.
Mula nang magkaayos sila ng binata ay araw-araw na silang nagkikita kahit busy ito sa opisina. Nakikita niya ang sobra-sobrang efforts ni Jairus para lang mapasaya siya at manatiling mainit ang kanilang relasyon.
“Siguro. Hon, doon na tayo sa harapan para hindi tayo maunahan sa puwesto,” yaya nito matapos iabot sa kanya ang cup ng kape na binili nito.
Humigop siya roon, habang sakop ng mga palad nito ang mga kamay niyang nakahawak sa papar cup. Dama ni Yumi ang init ng kape sa kanyang lalamunan, ngunit higit doon, dama niya rin ang init ng pagmamahal ni Jairus sa mga mata nitong nakatitig sa kanya. “Ikaw naman ang humigop ng kape,” sabi niya rito nang mapansin na iisa lang na cup ang binili nito.
Lately ay nasasanay na si Yumi na laging kasalo itong uminom sa iisang baso. At madalas din nitong ginagawa na ikinukukong ang mga kamay niya sa mga palad nito umiinom man siya o hindi.
Nang muling humigop ng kape si Yumi ay may kumislap, hindi lang isa, tatlo pa yata. Napalingon tuloy siya sa silangan. Wala pa naman ang araw para kunan ng litrato. Muli na namang kumislap ang flash ng mga camera nang si Jairus naman ang umiinom ng kape. “Jairus, bakit parang tayo ang kinukunan ng shoot?”
Ngumiti lang ito. Nang maubos nila ang kape ay iniitsa lang nito ang cup sa isang basurahan. Nagsisimula nang maaninag ang liwanag noon sa silangan.
Nabigla si Yumi nang biglang iluhod ni Jairus ang isang tuhod nito. “Yumi… my lovely Yumi… Will you be my wife?” Kasing kinang ng mga mata ni Jairus ang emerald-cut diamond na tampok sa platinum band na iniabot nito sa kanya.
Nakangiti si Yumi ngunit namamalisbis naman ang mga luha sa labis na kaligayahan. “Yes, Jairus… I’ll be you’re wife…” Nangilid din ang luha sa mga mata ni Jairus nang iabot niya ang daliri para isuot nito roon ang singsing.  
Nagpalakpakan ang lahat ng nasa paligid kasabay sa paglitaw ng haring araw sa silangan, kasabay ng napakatamis na halik na ibinigay sa kanya ni Jairus. Wala siyang pakialam kung may mga nakakakita sa kanila. She will enjoy her engagement to the hilt.
Halos mapugto ang kanilang hininga nang sa wakas ay magkalas sila. Noon lang napuna ni Yumi na sila nga ang kinukunan ng shoot, pati na ng pictures. “Hmm… ikaw pala ang salarin,” tukso niya kay Jairus. Malapad na naman ang ngiti nito.
Tumawa ito na parang kiniliti. “Did you like it?”
“’Love it. Na-surprise talaga ako. Napakilig mo pa ako nang sobra. Bakit nga pala naisip mo pa na gawan ng AVP ang pagpo-propose mo?”
“Alam ko kasi na hindi makakatiis ang mga kapatid mong hindi ibisto sa iyo ang surprise ko. At baka hindi rin nila ako mapatawad kapag nalaman nilang nag-propose ako sa iyo nang hindi nila nakita. Kaya para manatiling sorpresa ang surprise ko, at para mapanood pa rin ang proposal ng mga kapatid mo, ‘eto, pinagawan ko ng AVP.”
Ikinawit niya ang mga kamay sa braso nito. “Ang galing talaga ng mahal ko.”
“Finally, bumilib ka rin sa akin.”
Natawa siya.  Tumingin siya sa silangan. Nagbabadya ang magandang sikat ng araw sa maghapon. Nanaig ito sa mga ulap sa paligid. “How I wish na kasama natin ngayon si Lolo Alfonso. Sigurado akong pasado sa kanya ang ini-stage mong engagement. Baka nga with flying colors pa.”
“Ikaw lang naman d’yan ang pirming kay Brian lang bilib.”
“’Selos ka? Sa’n galing ‘yon?”
Dumukwang si Jairus at pinatakan ng halik ang labi niya habang nakatingala siya. “Hindi ako nagseselos sa kanya. Nagseselos ako sa idea na i-pair ka sa kanya.”
“Sino ba ang nagpe-pair sa amin?”
“May nabanggit sa akin si Aunt Carrie nang mag-dinner ako sa inyo noong Friday. Akala niya raw, si Brian na ang magiging boyfriend mo dahil sa kanya ka na ipini-pair ng lahat.”
“Ow? Bakit hindi ko alam? At bakit naman ako ipe-pair kay Brian?” Kay Vera, mas posible pa.
“Eh di ba nga siya talaga ang crush mo noon. At ako, bestfriend mo lang.”
Hindi makapaniwala si Yumi na may kaunti pa ring insecurity ito kay Brian. “Teka nga, sandali. Saan ba galing ‘yang tungkol kay Brian na ‘yan? Ang alam ko nilinaw ko na ‘yan sa iyo, di ba? At saka ito.” Iwinagayway niya sa harap nito ang daliri niyang suot ang engagement ring. “Mas malinaw ito kaysa sa mga nasabi ko na.”
Inakbayan siya nito at hinapit. “Nabanggit mo kasi si Lolo Alfonso. Naalala ko tuloy ‘yong sinabi niya sa akin noong kababalik mo pa lang dito.”
Naging interesado si Yumi sa binanggit ni Jairus. “Ano ba’ng sinabi ni Lolo sa iyo?”
“Na baka raw maging karibal ko si Brian sa iyo.”
Napaisip si Yumi. Hindi magsasalita ang lolo niya ng ganoon kung wala itong purpose. Malamang na tinatakot lang nito si Jairus para mapadali ang pakikipag-ayos sa kanya. Ngayon lang napagtanto ni Yumi na alam ng lolo niya ang tunay na damdamin sa kanya ni Jairus. Hinarap niya ang nobyo nang makasakay na sila sa Trekker nito. “Nasabi mo ba dati kay Lolo Alfonso na may gusto ka sa akin?”
“Hindi. Kahit nga kay Lolo Amos hindi ko sinabi ang totoong feelings ko sa iyo.”
“Ah, magaling lang sigurong makiramdam ang mga lolo natin.” Suspetsa ni Yumi, malamang na noon pang una silang ipagkasundong pakasal ng kanilang mga lolo ay alam na ni Lolo Alfonso ang totoong feelings nila sa isa’t isa ni Jairus.  In a way, naging matchmaker lang nila ang dalawang matanda.
Napangiti si Jairus. “Pero tayong dalawa, ang mamanhid natin, ano?”
“Nahalata mo rin pala.”
Nagkatawanan na lang sila, na nauwi sa ngitian at titigan.
“I love you…” sabi ni Jairus, parang walang balak paandarin ang Trekker.
At siyempre, lahat ng parte ng katawan na puwedeng kiligin kay Yumi ay kinilig. “I love you, too.”

Barely Heiressess Book 2 - Yumi  (Published 2015)  COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon