CHAPTER 1
NAPAIGTAD si Rayanisa nang marinig ang alarm ng lumang cell phone niya. Kasisimula pa lang niyang maglaro. Kainis! Kung kailan ninety-one thousand na ang score ko sa Candy Crash.
Parang napakabilis naman yata ng oras. Alas kuwatro na nga ba? Hudyat iyon na kailangan na niyang tapusin ang game sa kanyang Ipad para harapin ang pagdidilig ng malawak na garden niya sa harapan ng bahay. Kapag natapos siya roon, ang pagluluto naman ng hapunan ang gagawin niya.
Sa gabi, kapag nakapaghapunan na, haharapin niya muli ang trabaho niya. Hindi siya tatayo mula roon iyon hangga’t hindi siya nakakaramdam ng antok. Sa umaga naman paggising niya, isang oras siyang nagwo-workout bago gawin ang iba pang morning routines at pagharap sa trabaho. Ginawa niyang mini-gym ang dating laundry room sa bahay niya dahil maganda ang ventilation doon.
Dati siyang staff sa isang accounting firm sa Santa Rosa. Isang taon lang ang itinagal niya roon. Hindi siya nakatagal sa mapulitikang sistama sa firm na napasukan. Nagdisisyon siyang mag-free lance na lang.
Madalas, nagsasawa na siya sa routine ng kanyang buhay. O mas tama sigurong sabihin na malungkot ang ganoong routine kung walang ibang taong makakasama. Lalo na ngayon, kamamatay lang ng alaga niyang black Labrador na si Pitch may dalawang linggo na ang nakakaraan. She was practically alone now.
Magtatatlong taon na siya na laging ganoon na lang nang ganoon ang ginagawa – gumigising, nagtatrabaho, inaaliw ang sarili kahit man lang sa pamamagitan ng mga simpleng bagay gaya ng paglalaro ng internet games para hindi maging malungkot. Lungkot na ayaw nang mawala sa kanya.
Hindi pala ang alarm ng cell phone niya ang tumutunog kundi ang door bell. Alas dos-beinte pa lang ayon sa table clock. Malamang na ang kapitbahay niyang si Ate Glory ang nasa labas. Baka hihiram lang ito ng alinman sa garden tools niya. Mahilig din sa paghahalaman ang kapitbahay niyang iyon.
Itinabi na niya ang gadget, sinuklay ng mga daliri ang mahaba at tuwid niyang buhok at lumabas na ng silid. Paglabas niya ng pinto ay wala naman siyang nakitang tao sa hanggang leeg na bakod. Babalik na sana siya sa loob nang makarinig siya ng dumaraing na boses. Kunot-noong iginala niya uli ang tingin sa labas. Hindi pa nagkasya, binuksan niya ang gate at pinasadahan ng tingin ang kaliwa at kanang panig ng kalye.
Muli, may narinig siyang ungol at literal na napatalon siya. Dahil ang umuungol ay nasa gilid lang ng gate malapit sa kanyang kinatatayuan. Isang lalaki iyon na nakahiga, may sugat sa kanang noo at walang saplot kundi briefs!“OBEN, tawagan mo nga uli si Adrian. Bakit wala pa rin siya hanggang ngayon? Alas dos-beinte na, ah. Akala ko ba, ang sabi mo kanina, pauwi na siya?”
“Oo nga Ate Lourdes,” sagot nito. Mensahero at family driver ito sa mansiyon. “Pero kaninang alas dose pa ‘yon. Nang tumawag uli ako kaninang ala-una, hindi na niya sinasagot ang cell phone niya.”
Kinabahan siya. Hindi ugali ni Adrian ang hindi tumupad sa mga sinasabi nito. Kahit na katiwala lang sila ng asawa niya sa mansiyon ay itinuturing siyang kamag-anak ni Adrian. May pagkasuplado man ito kung minsan ay magalang naman sa kanila na mga tagapaglingkod lang doon. Ugali nitong magpaalam kapag may pupuntahan ito, sa ibang bansa man, out-of-town o kahit sa malapit. Ganoon pinalaki si Adrian ng mga lolo’t lola nito.
Kagaya kagabi na nagpaalam itong hindi matutulog sa mansiyon. Stag party raw ng kaibigan nitong si Lionel na malapit nang ikasal. Sa Alabang na raw ito magpapalipas ng magdamag.
Kaninang alas diyes nga ng umaga ay tumawag ito sa kanya. Kagigising lang daw nito ngunit sinabing sa mansiyon manananghalian. Kaya nagtataka siya kung bakit lampas nang alas dos ay hindi pa rin ito nakakauwi.
Para na rin niyang anak si Adrian. Kung tutuusin, mas matagal pa niyang nakasama ito kaysa sa dalawa niyang anak na ngayon ay pareho nang may mga sariling pamilya. Kahit pa nga magbibinatilyo na si Adrian nang mapatira sa mansiyon.
Dalaga’t binata pa lang sila ng napangasawa niyang si Efren ay naninilbihan na sila sa mansiyon sa Forbes Park, sa mag-asawang Fidela at Joaquin Legaspi. Ang mag-asawang Legaspi ang isa sa pinakamayayamang negosyante sa buong Makati. Hindi lamang sa Pilipinas mayroong pag-aari ang mga ito. Malawak ang negosyo ng mag-asawa na umaabot pa pati sa ibang bansa. Ilan sa mga iyon ay ang mga hotel at money remittance centers sa iba’t ibang bahagi ng Middle East at South East Asia.
Sayang nga lang at kamakailan ay binawian ng buhay si Sir Joaquin nang maatake ito sa puso. Sumunod ito sa namayapang asawa na wala pang isang taong namamatay. Dahil doon ay naging lubos nang ulila si Adrian. “Tinawagan mo na ba uli?” tanong na naman niya kay Oben.
“Hindi na talaga makontak, Ate Lourdes,” sagot nito. “Kaninang ala-una nagri-ring pa. Pero ngayon wala na talaga.”
“Kung bakit naman kasi ayaw magpa-drive sa iba ng batang ‘yon. Si Lionel na lang ang tawagan mo. Itanong mo kung naroon pa sa kanila si Adrian.”
“Baka naman magalit si Adrian niyan. Ginagawa nating bata ‘yong tao.”
Posible ngang magalit sa kanila ang binata, pero talagang hindi siya mapakali. “Basta tanungin mo lang kay Lionel kung nakaalis na sa kanila si Adrian.”
“Sige, hahanapin ko muna sa directory ang numero niya.”
Nagtungo muna siya sa kusina. Nagtataka siya sa sarili kung bakit hindi siya mapakali. Hindi siya nagkakaganito kahit sa ibang bansa pa nagtutungo si Adrian o kung nagbabakasyon ito sa malalayong bayan ng Pilipinas.
Nang muli siyang bumalik sa den na kinaroroonan ng telepono ay wala na roon si Oben. Hinanap niya pa ito. Natagpuan niya ito sa garahe, naglilinis na ng van na ginagamit nila kapag may kailangang bilhin sa supermarket o kung saan man. “Anong sabi ni Lionel?”
Sumimangot ito. “Bakit daw sinusundan natin ang activities ni Adrian. Ano raw ang karapatan natin. Ginagawa raw nating bata si Adrian. Uuwi raw ‘yon kung kailan gusto.”
“Ano? Hindi ba naiisip ni Lionel na bilang mga kasambahay rito ni Adrian, nag-aalala lang tayo sa kaibigan niya?”
“Pero sinabi niyang nakaalis na raw doon si Adrian kanina pang alas dose.”
Napabuntong-hininga siya. Saan pa kaya nagsuot ang batang ‘yon?
BINABASA MO ANG
Kissing The Naked Cinderella Man (COMPLETED)
Romance(Unedited) Published In 2013 under Phr Imprint