Makulit Na Pasyente

11.9K 236 2
                                    

CHAPTER 2

SINIPAT-SIPAT ni Adan ang printed na saya na gawa sa manipis at malambot na cotton na iniabot dito ni Rayanisa. Wala na siyang maibigay na damit na maaaring magkasya rito kundi iyon. Binigyan din niya ito ng isang bagong tooth brush mula sa mga nakatabi niya. “Nagsusuot ka ng ganito?” hindi makapaniwalang tanong nito sa kanya.
“Oo kapag nasa peak ang summer at nawalan ng power dito,” aniya. “Presko ‘yan sa katawan at malamang na kasya rin sa iyo.” Maluwang ang saya at garterized. Maaaring isuot iyon sa baywang o sa dibdib.
“Hindi pa ako nakapagsuot ng damit ng babae kahit kailan. At hindi pa ako nakakagamit ng pink toothbrush,” napapailing na sabi nito.
“Paano mo naman nalaman? Wala ka ngang natatandaan sa past mo.”
“I just know. Basta. Nararamdaman kong hindi pa.”
“Well, there’s always a first time. Iyan lang ang puwede mong isuot na mayroon ako rito. At kailangan mo nang isuot ‘yan pagkaligo mo para malabhan ko na ‘yang suot mo ngayon. Bukas pa ng umaga tayo makakabili ng damit at mga importanteng gamit mo. Hirap akong mag-drive sa gabi kaya hindi-”
“I can drive.” Mukha talagang hindi nito isusuot ang saya na ibinigay niya.
Tiningnan niya ito. “Paano mo nalaman na nakakapag-drive ka?”
“I just know. Alam ko ang mechanics ng pagpapatakbo ng isang kotse.”
Napapalatak siya. “Nakakatawang alam mo na marunong kang mag-drive pero kahit pangalan mo hindi mo alam. Granted nga na marunong kang mag-drive, wala ka namang dalang driver’s license kaya malabo kitang payagan na i-drive ang kotse ko.”
Napu-frustrate na isinampay na lang nito ang saya sa balikat nito “Pakihintay ‘tong damit na huhubarin ko.” Pumasok na ito sa banyo.
Napatingin siya sa kisame. Great! Lubus-lubusin mo na ang pang-aalila sa akin. Humalukipkip siya. Wala pang isang minuto siyang naghihintay roon nang bumukas muli ang pinto.
“Here,” nakangising sabi nito nang iabot sa kanya ang pinaghubaran nito.
Pairap na kinuha niya iyon bago niya ito iniwan. Kailangan niyang gawin iyon dahil mukha na namang nanunukso ang hilatsa ng mukha nito. Ngunit bago siya makatalikod ay nakita na muna niyang nakatapis ito ng tuwalya.
Naiinis siya sa sarili habang nilalabhan ang mga pinaghubaran nitong damit. Hindi niya maiwasang hindi maapektuhan ng ka-macho-han nito. Sana lang ay bumalik na ang memorya nito at makauwi na ito sa sariling pamilya nito.
Bigla siyang natigilan. Paano kung may asawa’t anak na pala ito? Nakagat niya ang ibabang labi niya. Hindi niya gusto ang ideya ngunit isang malaking posibilidad iyon. Dapat niyang ingatan ang sarili niya na hindi mahulog ang loob dito.
Matapos i-spin dry ang mga nilabhan niya ay may nag-door bell. Delivery boy pala ang nasa labas. Nag-order na lang siya ng pizza dahil pareho na silang gutom ni Adan at wala nang oras para magluto pa.
Lumabas si Adan nang nakatapi lang ng tuwalya. Panay ang haplos nito sa nangingitim na baba at sideburns.
“Bakit hindi mo isinuot ang saya na binigay ko sa iyo?” sita niya rito.
“Hindi ako komportable.”
“Kaysa naman gayan na paparada ka ritong nakatapi lang ng tuwalya.” At alam niyang wala itong ibang suot sa ilalim ng tuwalya dahil nilabhan din niya ang briefs nito. Nakakaasiwa na sila lang nito sa bahay. Parang laging nagbabaga ang paligid sa presensiya lang nito. Ngayon lang siya uli nakadama ng sexual awareness sa isang lalaki pagkatapos ng naunsiyaming first love niya. At kahit sa ex-boyfriend niya, hindi niya naramdaman noon ang ganitong awareness.
Naupo na ito sa harap ng mesa kahit hindi niya pa niyayaya ito.  “Okay lang. Wala naman akong effect sa iyo.”
How I wish! Naupo na rin siya sa katapat nito. Parang torture sa dibdib niya ang hubad na katawan nito. “Help yourself. Pizza lang ang hapunan natin ngayon.”
Tahimik na kumain ito. Wala ngayon ang pagbibiro nito gaya kanina. Dalawang hiwa lang ng pizza ang nakain niya ay sumuko na siya. Ito ang umubos ng laman ng pizza box. “May painkillers na binigay ang doktor kanina, di ba?”
“Meron nga.” Kinuha niya ang iniresetang pain reliever ng doktor at iyon ang ipinainom niya rito. Marahil kumikirot na naman ang sugat nito sa ulo kaya hindi ito nag-iiimik habang kumakain sila.
Sa master bedroom niya ito pinatulog. Silid iyon ng namayapa niyang mga magulang. Katabi lang iyon ng silid niya.
Humugot siya nang malalim na hininga nang makapasok na siya sa sariling silid niya. Kailangan na niyang gawin ang nakabinbing trabaho para hindi niya mai-focus sa estranghero ang isip niya.
Sa dinami-dami ng mga bahay sa lugar nila ay sa bahay pa niya tumapat ang lalaki para humingi ng tulong. Hindi niya alam kung tama ba ang ginawa niya na hindi niya ipinaalam sa mga pulis na nakatagpo siya ng isang sugatang lalaki sa gate ng bahay niya. Paano kung sangkot pala ito sa isang krimen? Paano kung madamay siya?
Muli nagbuntong-hininga siya at kinuha ang cell phone niya. Nag-text siya sa kaibigan niyang si Mariz. You won’t believe this. May inampon akong wounded hunk na may amnesia. Natutulog na siya sa kabilang room.
Wala pang isang minutong nai-send niya ang text ay tumatawag na si Mariz.

Kissing The Naked Cinderella Man (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon