CHAPTER 10
PANG-APAT na pagtungo na iyon ni Rayanisa sa mansiyon ng mga Legaspi. Ilang beses na rin siyang nagpapabalik-balik sa Chef A ngunit ayaw siyang harapin ni Adrian.
Awang-awa na sa kanya si Manang Lourdes. Noong huling pagtungo niya sa mansiyon ay niyakap siya nito nang mahigpit. Sana raw ay hindi siya magsawa na ipaglaban ang pag-ibig niya kay Adrian. Alam daw nitong mahal din siya nito. Ngunit ngayon ay iba na ang sinasabi sa kanya ng ginang.
“Habang may panahon ka pa, Raya, m-magmahal ka na lang ng iba. Naiintindihan ko na ngayon kung bakit ka kinalasan ni Adrian. Walang patutunguhan ang relasyon ninyo. Walang solusyon ang predikamenteng kinalalagyan niya ngayon,” maluha-luhang sabi nito.
Napamata siya rito. “A-alam n’yo na…?”
“Oo, anak. Pinilit ko siyang sabihin sa akin ang dahilan kung bakit ka niya kinalasan dahil naaawa na ako sa iyo. Kaya napilitan siyang magtapat sa akin. At nauunawaan ko siya kung bakit niya ginawa iyon.”
“Pero mahal na mahal ko siya at handa po akong magsakripisyo. Hindi naman po ako maghahanap. Basta hayaan lang niya ako sa t-tabi niya.” Pumiyok na siya sa puntong iyon. “Kaya kong mag-stay sa tabi niya habangbuhay. Huwag lang sanang g-ganito na ayaw niyang magpakita sa ‘kin.”
Niyakap siya ng ginang. Sa balikat nito siya umiyak nang umiyak. “Raya, kung minsan, kailangan nating talikuran ang isang bagay na gustung-gusto natin, para magkaroon ng lugar at ng pagkakataon sa puso natin ang isa pang bagay na siya palang inilaan para sa atin.”
Hindi siya umimik ngunit kinokontra niya sa isip ang sinabi nito. Totoo nga siguro iyon para sa ibang mga tao, pero para sa kanya, alam niyang hindi iyon totoo.
NAKASILIP si Adrian mula sa siwang ng pinto ng den na kinaroroonan niya. Parang ginugutay sa maliliit na piraso ang puso niya habang nakikita niyang umiiyak si Rayanisa. Ganito rin ang naramdaman niya nang araw na makipagkalas siya rito.
Umisip siya ng paraan para magawa niyang kalasan ito kahit naging napakahirap para sa kanya.
Kung ano ang pinagdaraanan nito ay ganoon din siya, o baka mas malala pa. Dahil may mga pagkakataong sa labis na pangungulila niya ay gusto na niyang lumuhod pabalik dito tanggapin lang siya nito muli.
Hindi niya ito maaaring harapin. Tiyak na hindi niya mapipigil ang sarili niya at baka mabilis pa sa alas kuwatrong bawiin niya ang mga sinabi niya rito. Bukod doon, ayaw niyang marinig at makitang pinabababa nito ang sarili sa harap niya. Dahil natitiyak niyang gagawin nito pati ang lumabag sa moralidad maipadama lang sa kanya na para dito ay wala siyang kakulangan.
Pero kailangan niyang pangatawanan ang mga nasabi niya rito. Umaasa siyang makakalimutan din siya nito. At kapag dumating na ang sandaling iyon, sana ay mapunta ito sa isang mabuting lalaki. Sa isang lalaki na kung hindi man mahihigitan ay mapapantayan ang pagmamahal niya rito.
Sana lang, bago dumating ang araw na iyon, nakahanap na siya ng lunas sa sumpang nakaatang sa kanya.
I’m sorry, Raya… I’m sorry I lied…
BINABASA MO ANG
Kissing The Naked Cinderella Man (COMPLETED)
Romance(Unedited) Published In 2013 under Phr Imprint