The Heir And The Heiress

9K 192 8
                                    

CHAPTER 5

KATULAD ni Adrian ay magmamana rin si Rayanisa sa mga kayamanan at ari-ariang naiwan ng namayapang Fidela at Joaquin Legaspi. Bukod sa halagang nakatalaga para ipamana sa mga matatapat na tagapagsilbi sa mansiyon ay paghahatian nila ang may limampu’t dalawang money remittance centers at anim na hotel na nakakalat sa Pilipinas, sa Middle East at sa Southeast Asia. Paghahatian din nila ang tatlumpu’t pitong apartment buildings at mga shares sa apat na condominium, pati na ang nakakalulang halaga ng mga bank accounts ng mag-asawa.
Para kay Rayanisa, nakakalula nga ang ganoon kalaking kayamanan. Masaya siya ngunit para siyang biglang nalunod. Dahil alam niya na kaakibat noon ang isang napakalaking responsibilidad.
Bukod kay Atty. Cristobal ay kasama rin nila sa meeting ang business adviser ng mga Legaspi na si Atty. Tioseco, at ang representative ng accounting firm na nagsisilbi sa mga Legaspi na si Mr. Atayde.
Gusto sana niyang makausap si Adrian nang sarilinan pagkatapos ng meeting nila. Marami siyang gustong itanong dito. Gaya ng kumusta na ito. Kung nahuli na ba ang taong nanakit at kumuha ng mga gamit nito at sasakyan bago ito magka-amnesia. Ngunit parang distant na ito sa kanya. Bahagyang ngiti lang ang lumitaw sa mga labi nito nang magbatian sila kanina, malayung-malayo sa flirty at makulit na lalaking kinukop niya sa kanyang bahay. Masama kaya ang loob nito dahil nagkaroon pa ito ng kahati sa mga kayamanang naiwan ng mga umampon dito?
Ayaw niyang isiping ganoon ito kaganid sa kayamanan. Hindi ganoon ang palagay niya sa lalaking nakasama niya ng dalawang araw at isang gabi.
Pero ang lalaking iyon ay walang alaala. Labag pa rin sa loob niyang isipin na makasarili ito.
Nang matapos ang meeting ay nilapitan niya ito. Ngunit hindi pa man niya naibubuka ang bibig ay inunahan na siya nito.
“Ah, Raya, kung may questions ka tungkol sa mga properties na paghahatian natin, si Atty. Tioseco na lang ang tanungin mo. May kailangan pa kasi akong asikasuhin kaya mauuna na ako sa inyo.”
Nasasaktan siya. Parang napakalayo na talaga nito. “Mas gusto mo bang hindi na lang ako naging kahati ng kayamanan ng mga lolo mo?”
Kununot ang noo nito, tumawa ng pagak. “Ano bang sinasabi mo? Kung tutuusin, mas ikaw ang may karapatan kaysa sa akin. Ikaw ang kadugo nila. Ang totoo nga niyan, baka mas naging magaan pa sa akin kung sa iyo na lang ipinamana nina Lolo Joaquin ang mga kayamanan nila.”
“What do you mean?”
“Raya, I’m sorry, but I really have to go.”
Wala siyang nagawa kundi panoorin na lang ang paglabas nito sa pinto.
It’s good to see you, Adrian…

NAKAALIS na si Atty. Tioseco ay nakatulala pa rin si Rayanisa. Hindi siya makapaniwala sa ibinalita nito. Idino-donate daw sa kanya ni Adrian ang money remittance centers at hotels na napunta rito matapos nilang maghati roon.
Hindi niya alam kung ano ang dahilan ni Adrian para gawin iyon. Mali nga yata ang unang akala niya na ayaw nitong magkaroon ng kahati sa mga kayamanang iniwan dito, sa halip ay kabaliktaran noon ang gusto nitong mangyari.
Hindi muna niya tinanggap ang mga dokumento ng paglilipat sa pangalan niya ng mga ari-ariang ibinibigay sa kanya ni Adrian, sa kabila na pilit iniiwan ng abogado sa kanya ang mga dokumento. Sinabi niya rito na gusto niya munang makausap si Adrian bago siya magpasya kung tatanggapin iyon o hindi.
Gusto niyang malaman kung ano ang dahilan nito para ipaubaya sa kanya ang napakalaking kayamanang iyon. Dahil sa pangkaraniwan, hindi iyon gagawin ng isang tao kahit mayaman na ito.
Hati tuloy ang loob niya sa windfall na dumating sa buhay niya. Isang bahagi niya ay masaya. Magagawa na niya ngayon ang pangarap niyang makapagtayo ng isang foundation na ang magbebenepisyo ay mga mahihirap at marurunong na mga bata, ngunit walang sapat na kakayahan para makapag-aral at magkaroon ng pantay na oportunidad sa buhay. Maaari na rin siyang makapagtayo ng mga paaralan at mga dormitoryo para sa mga batang iyon. At maaari na rin siyang mag-travel sa kahit anong lugar na gusto niyang puntahan.
Ngunit kalahati ng puso niya ay naguguluhan. Ano ang gagawin niya sa napakalaking kayamanang minana niya? Lahat ng tao ay nag-aambisyon na yumaman. Kapag pala nariyan na ang kayamanan ay magiging mahirap pa rin. Lalo na kung katulad sa mga ari-ariang minana niya, na may mga taong doon umaasa. Kaya kailangan niyang mapalago pa upang matiyak na magiging self-sufficient at progressive ang mga negosyong minana niya.
Wala siyang ideya kung paano mapapanatiling nagpapatuloy at umuunlad ang mga iyon. Hindi pa niya naranasang magnegosyo. May alam lang siya sa negosyo, pero wala siyang karanasan sa pagpapatakbo ng isa. She just knew it will cost a lot of her brain, time and hardwork to stay afloat. Alam din niya na malaking responsibilidad ang kaakibat ng mga kayamanang minana niya. 
Sa pamamagitan ni Atty. Cristobal ay nalaman niya ang address ng tinitirhan ni Adrian. Mansiyon pala ang bahay ng lolo’t lola nito, napakalaki at napakarangya. Ngayon ay si Adrian na ang nagmamay-ari noon.
Ang babaeng katiwala roon na nagpakilalang si Manang Lourdes ang humarap sa kanya. Natuwa ito nang malamang siya si Raya. Marahil ay naikuwento na rito ni Adrian na siya ang kumupkop sa lalaki noong magka-amnesia ito. Mukhang mabait ito. Inistima siyang mabuti nito. Ngunit wala pala roon si Adrian. May inaasikaso raw ang lalaki at wala raw itong ipinagbilin kung kailan uuwi. Numero ng landline sa mansiyon at numero ng cell phone ni Adrian ang tanging naibigay ni Manang Lourdes sa kanya.
Natuwa na rin siya kahit paano. May link na siya sa wakas kay Adrian. Nag-text muna siya rito at nagpakilala. Itinipa din niya na tatawagan niya ito pagkaraan ng limang minuto. Ngunit nang tawagan niya ito ay nakapatay ang cell phone nito.
Hanggang sa sumapit ang gabi ay sinusubukan pa rin niyang tawagan ito. Recorded message lang ng network ang sumasagot sa kanya na nagsasabing out of coverage area ang numerong tinatawagan niya. Tumawag siya sa mansiyon dakong alas nuwebe ng gabi, ngunit ayon kay Manang Lourdes ay wala pa roon si Adrian.
Kinabukasan ay bumalik siya sa mansiyon. Alas sais pa lang ng umaga ay naroon na siya. Pipindutin pa lang niya ang door bell sa malaking wrought iron gate ng mansiyon ay bumukas na iyon at iniluwa ang nagulat na si Adrian. Naka-jogging outfit ito at marahil ay tatakbo sa labas. 
“Raya, what are you doing here?”
Napalunok siya. Sa kabila ng inis na nararamdaman niya rito kahapon dahil hindi nito sinasagot ang mga tawag niya, kumislot pa rin ang dibdib niya nang magtama ang kanilang mga mata. Naiinis siya na gumigiit pa rin ang atraksiyon na nararamdaman niya para dito. Lalo na ngayong naka-sando at jogging shorts lang ito, litaw na litaw ang ka-macho-han. Mabilis na hinamig niya ang poise na muntik nang malaglag. “Good morning. Gusto kitang makausap, Adrian. Kahit alam kong pinagtataguan mo ako.”
Binuksan nito nang maluwang ang pedestrian gate sa tahimik na pagpapapasok sa kanya. “Hindi kita pinagtataguan or you won’t see me here.”
“Hindi nga pala. Pero kailangan ko pang magpunta rito sa ganitong oras para lang magbaka-sakali na hindi ka pa nakakaalis. At siguro alam mo rin na nagkakalyo na ang daliri ko sa pagta-try na makontak ka pero pinagpapatayan mo lang ako ng cell phone mo.”
Sinuklay nito ng mga daliri ang buhok nito. “Raya…”
“What? I need answers, Adrian. Bakit biglang parang napaka-distant mo na? Bakit mo pinapunta sa bahay si Atty. Tioseco para ibigay ang documents ng pagdo-donate mo sa akin ng mga property na minana mo? Bakit basta mo na lang ipamimigay ang mga ipinamana sa iyo ng lolo’t lola mo?”
“Let’s get inside,” sabi lang nito at nagpauna na patungo sa front door. Pinauna siya nitong pumasok ngunit muli na naman itong naunang maglakad nang maisara na nito ang pinto. Sinundan niya ito sa grandiyosong hall patungo sa dulong pinto na magbubukas pala sa komedor. Isang kawaksi ang nadatnan nila roon na naghahain sa hapag. “Let’s have breakfast first,” sabi sa kanya ni Adrian na ipinag-urong siya ng silya sa kanan ng kabisera.
“Tapos na akong mag-almusal,” sagot niya ngunit naupo siya.
“Samahan mo na lang pala ako.”
Mas gusto sana niyang magkaharap sila. Na makikita niya ang ekspresyon ng mukha nito. Hindi ganitong sideview lang nito ang nabibistahan niya.
Tahimik lang ito habang nag-aalmusal. Habang lumalaon naman ay natetensiyon siya, nasu-suspense. Gusto na niyang kulitin dito ang mga sagot sa tanong niya ngunit nagtimpi siya.
He was brooding. May kung ano sa anyo nito na nagsasabing hindi niya magugustuhan ang sasabihin nito.
“Mas lolo’t lola mo sila kaysa sa akin,” sabi nito matapos pahiran ng table napkin ang bibig.
“Hah!” aniyang napapailing. “Kaya mo ba ipinamimigay sa akin ang mga ipinamana nila?”
“Kaya hindi dapat ‘lolo’t lola mo’ ang ginagamit mong pantukoy tuwing babanggitin mo sila sa akin.”
“Pero bakit mo nga ipinamimigay sa akin ang mga properties na ipinamana nila sa iyo?”
“Isipin mo na lang na iyon ang pasasalamat at pagtanaw ko ng malaking utang na loob sa pagtulong mo sa akin noon. And because I think you can handle them. Ako, wala akong flair sa pagnenegosyo. Hindi iyon ang interes ko. Baka mapabayaan ko lang at malugi pa ang mga iyon.”
“You can always hire people to run them for you.”
“Kailangan ko ring makialam at iyon nga ang iniiwasan ko. Ayokong matali sa mga obligasyong kailangan ko lang gawin pero hindi ko gustong gawin. Besides, marami pa rin naman silang ipinamana sa akin. Hindi ko ipaghihirap kahit mapunta sa iyo ang mga negosyong ‘yon. Kaya sana tanggapin mo na lang.”
Kakaiba talaga ito. Hindi ito ganid sa kayamanan. He was a reluctant heir. Gusto niyang matawa. Ang tendency ng mga tao ay kumuha nang kumuha at magpayaman pa kahit mayaman na. Wala yatang ganitong tao kahit sa buong Pilipinas man. Nag-iisa lang ang uri nito. “Kung gusto mo talagang tanggapin ko ang mga properties at negosyong idino-donate mo, bakit parang napakalayo mo na? Bakit iniiwasan mo ako?”
Halos pabulong ito nang sumagot, na para bang hirap na hirap itong isatinig ang mga sasabihin. “Because that’s the way it should be. Nakikiusap ako, tanggapin mo na ang mga properties na ibinibigay ko sa iyo. At pagkatapos, hindi na tayo magkikita pa. Kalilimutan mo nang nagkakilala tayo.”
Manghang napamata siya rito. Tama ba ang narinig niya? Biglang sumama ang loob niya. Bakit dinidispatsa na siya nito ngayon? “Why? Did I in any way offended you? Ano ba’ng nagawa kong mali?”
“Wala, Raya. Wala kang nagawang mali. We have nothing in common. G-gusto ko lang manatili ang lahat gaya ng dati, noong hindi pa tayo nagkakakilala,” sabi nitong hindi tumitingin sa kanya.
“Bakit, dahil ba sa pinagseselosan ako ng girlfriend mo?” Iyon lang ang naisip niyang pinakalohikal na sagot sa gustong mangyari nito.
“Of course not. Wala akong girlfriend at the moment. In fact, kakakasal lang ng huling naging girlfriend ko.”
Ilang sandali siyang hindi makapagsalita. Lalo lang nagdala ng kalituhan sa kanya ang mga sinabi nito. Kahit pa nga sumisingit din doon ang tuwa na single pa pala ito.
Pero anong silbi noon kung sa simpleng mga salita ay pinalalayo siya nito? Hindi na tayo magkikita pa. Kalilimutan mo nang nagkakilala tayo.
Mabilis na gumana ang isip niya. Kung maghihiwalay man sila ng landas nito, puwes, hindi siya papayag na maging madali rito ang lahat. “Alright, pumapayag na akong i-donate mo sa akin ang mga properties at negosyong kaparte mo, pero sa isang kondisyon. Sasamahan mo akong mag-occular inspection sa mga iyon.”

Kissing The Naked Cinderella Man (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon