Kiss Me And I'm Gone

9.2K 194 5
                                    

CHAPTER 6

“WALA akong nakitang discrepancy sa financial report nila sa nakalipas na tatlong buwan.”
Nagkibit-balikat lang si Rayanisa sa sinabi ni Adrian. Dalawang araw na sila nito sa Hong Kong. Alam niya na malinis at maayos ang takbo ng Legaspi Money Remittance Center sa Hong Kong branch. Ang totoo, bago sila magtungo roon ay alam niyang maayos ang takbo ng mga negosyong gusto nitong ilipat sa pangalan niya. Kailangan lang niyang tuklasin kung bakit biglang nagbago ito ng pakikitungo sa kanya. “Mission accomplished na pala tayo rito. Puwede na tayong lumipat sa Singapore branch kung gano’n.”
Napailing ito. “Hindi ko alam kung bakit mo ginagawa ito. Alam mong maayos ang check and balance sa lahat ng negosyo ni Lolo Joaquin. Nag-aaksaya lang tayo ng oras sa pag-iinspeksiyon.”
“I don’t think so. Kapag nagnenegosyo ka, kailangan mong malaman ang lahat ng avenues, ang ins and outs ng negosyo mo. Dapat pamilyar ka sa mga pasikut-sikot sa loob nito. That way, kapag nagkaproblema, alam mo kung paano bibigyan ng mas effective na solusyon.”
“Hindi na ako sasama sa iyo sa Singapore. Babalik na ako bukas sa Pilipinas. Malaking oras na ang nauubos ko sa pagsunod sa kapritso mo.”
Nasaktan siya sa sinabi nito. Ngunit ang woman’s intuition niyang makulit ay ayaw pa ring sumuko. Naniniwala pa rin siyang mayroon itong hindi sinasabi sa kanya. Naging maganda ang pakikitungo nito sa kanya bago ito bumalik sa dating buhay nito matapos itong magka-amnesia. Imposibleng walang dahilan kung bakit naging kabaliktaran na ngayon ng dati ang pakikitungo nito sa kanya. At iyon ang gusto niyang tuklasin. “Fine. Babalik na tayo sa Pilipinas bukas. Saka na lang natin ituloy ang pag-o-occular inspection sa Singapore branch?”
Marahas na hinagod nito ng mga daliri ang buhok nito. Napansin tuloy niyang medyo mahaba na iyon.
It looked sexy on him. Na kumakapit na ang alun-alon nitong buhok sa batok nito. Parang masarap paglaruin doon ang mga daliri niya, alamin kung kasing dulas at kasing lambot iyon ng palagay niya.
Nagbaling siya ng tingin sa takot na mahulaan nito ang tinatakbo ng isip niya. On second thought… Bakit nga ba kailangan niyang ikubli rito na attracted siya rito? “We’re done here. Kailangan naman nating mag-relax ng kaunti. What do you think?”
“Gawin mo kung ano ang gusto mo. Wala akong ganang maglibang. Babalik na lang ako sa hotel.”
Nakagat niya ang ibabang labi niya. Ilang rejection pa ba ang kailangan niyang mataggap mula rito bago niya matuklasan kung ano ang itinatago nito sa kanya? She squared her shoulders. “Bawal magpaka-kill joy habang nandito tayo. Kaya sasama ka sa akin. Sige na. Kahit dinner lang. Gutom na ako. At gusto kitang i-treat sa pagiging amenable mo mula nang dumating tayo rito,” aniyang pabiro ngunit kaakibat ang sarkasmo.
“Raya, please-”
“Adrian, please,” tinagtag niya ang braso nito. Dama niya ang resistance doon ngunit hindi na ito nagpilit hatakin ang braso nang higpitan niya ang hawak doon. “Hindi ko naman hinihingi ang puri na kinakaingat-ingatan mo. Gusto ko lang may makasama at makausap habang kumakain sa isang restaurant na hindi ko naiintindihan ang lengguwahe ng mga nakapaligid na tao.”
“Alright,” sabi nito kasunod ng buntong-hininga.

ISANG malaking restaurant sa bisinidad ng Tsim Sha Tsui ang pinuntahan nila. Bukod sa Chinese cuisine ay nagsisilbi rin doon ng American at French cuisine.
May live band sa restaurant na iyon. Isang westerner na babae ang nadatnan nilang kumakanta sa stage. R&B ang kinakanta nito habang ang malamyos na accompaniment ay sinasabayan nito ng malamyos ding indayog ng katawan.
They had white wine. Bumagay iyon sa honey roasted Peking duck na specialty ng restaurant. Ngunit wala sa pagkain ang pansin niya. Ang mga mata, pandama, pang-amoy at tainga niya ay nakatuon lang kay Adrian. Kung gaano kahahaba ang mga daliri nito, kung gaano kalantik ang makapal na pilik-mata. Kung paanong tila nilalasing siya hindi ng white wine kundi ng panlalaking samyo nito.
Tahimik lang ito habang kumakain sila. Ibang-iba na ito sa makulit na lalaking kinupkop niya noon at ipinagluto pa siya. Ng lalaking isinayaw siya habang kumakanta. Ng lalaking humalik sa pagitan ng kanyang mga mata. Hindi niya alam kung paano pupukawin dito ang napaka-romantic na lalaking iyon. And she felt desperate to rouse that man in him.
Tinapos agad nito ang pagkain na parang nagmamadali ito. Pinipilit niyang huwag sumama ang loob niya ngunit lahat na lang ng kilos nito ay nagpapahiwatig ng rejection. Parang sukal sa loob nitong makasama siya nang matagal. Nasa dessert na siya nang biglang kantahin ng singer ang kantang The Way You Look Tonight.
Nabuhayan siya ng loob. “They’re playing our song!” bulalas niya kay Adrian. Tumayo siya at ibinigay ang kamay niya rito. “Hindi mo naman siguro papahiyain ang isang babaeng nagyayayang isayaw siya, di ba?”
Hindi nga ito nagsalita ngunit nagbuntong-hininga naman bago tila napipilitang tumayo at kunin ang kamay niya.
Muli, ipinagwalambahala niya ang rejection sa kilos nito. Naramdaman niya agad ang sagitsit ng kilabot na lumukob sa kanya sa simpleng paglalapat ng kanilang mga palad. Maaaring malayo na ang loob nito sa kanya ngayon, ngunit nananatili pa ring buhay ang chemistry sa pagitan nilang dalawa.
Siya na ang kusang humilig sa dibdib nito nang nasa gitna na sila ng dance floor. Dama niya ang pag-alon ng dibdib nito. Dinig din niya ang mabilis at eratikong tibok ng puso nitong natitiyak niyang gaya rin ng mabilis na tibok ng puso niya.
“You’re lovely… With your smile so warm… and your cheeks so soft… There is nothing for me but to love you… And the way you look tonight…”
Malungkot siyang ngumiti habang mabagal na umiindayog ang kanilang mga katawan kasabay ng musika. Tama ngang babae ang kumakanta ngayon ng kantang iyon. Dahil sa pagitan nila ngayon ni Adrian, parang siya ang nagsasabi rito ng mga lyrics ng kanta at hindi ito sa kanya.
She let out a sigh. Lalo niyang idinikit ang katawan dito. Muling umalon ang dibdib nito. Nang mag-angat siya ng tingin, nakita niya ang tila pinaglalabanan nitong emosyon. Naantig siya ng paghihirap ng loob na nakamarka sa mga mata nito. Why, Adrian?
Hindi na niya tinapos ang kanta. Niyaya na niya itong maupo silang muli kahit ayaw pa sana niyang lumayo sa mga bisig nito at katawan. “Alright,” sabi niya rito nang makabalik na sila sa mesa, “kung ayaw mong dugtungan natin kung ano man ‘yong naiwan natin noong bago ka umalis sa bahay ko, o-okay lang sa akin. Gusto ko lang na isipin mong kakampi mo ako. Na mapagkakatiwalaan akong kaibigan. Nararamdaman kong may problema ka. I’m willing to listen if you’ll just tell me.”
Umiling-iling ito. “Hindi mo rin ako matutulungan kahit sabihin ko sa iyo.”
“So, may problema nga pala talaga.” Pinagmasdan niya ito. Wala na ang tortured expression na nakita niya rito kanina. Mabilis nitong naisara ang mga emosyon sa anyo nito. “Kahit kung sa akala mo hindi kita matutulungan sa problema mo, puwede naman kitang pakinggan. Iba pa rin ‘yong may isang taong napaghihingahan ng mga kabigatan sa dibdib mo. Like I said, I’m willing to listen.”
“Bumalik na lang tayo sa hotel.”
Napakagat-labi siya. Mahirap talagang mapasok ang makapal na harang na ipinalibot nito sa sarili. “Mahal mo pa rin ba ‘yong ex-girlfriend mong nag-asawa sa bestfriend mo?” hindi pa rin sumusukong tanong niya.
Pagak ang tawang lumabas sa bibig nito. “Hindi ko nga siya naaalala kung hindi mo lang sinabi.”
“O may bagong girl na nagugustuhan ka pero hindi mo siya puwedeng ligawan?”
Hindi siya nito sinagot.
“Bawal ba siyang ligawan?”
Tumingin ito sa kanya, tumitig sa mga mata niya. “Tama ka, Raya. Bawal ko siyang ligawan.”
Aw! That hurts. May ibang babae na palang nagugustuhan ito. Nakalimutan lang ba nito ang babaeng iyon dahil sa amnesia nito kaya naging napaka-sweet at romantic nito sa kanya noong bago ito umalis sa bahay niya? “B-bakit bawal siyang ligawan?” tanong uli niya. “Committed na ba siya? May asawa na?”
Tumayo na ito sa puntong iyon. “Raya, seryoso ako. Gusto ko na talagang bumalik tayo sa hotel.”
Wala na siyang nagawa kundi sumunod dito. Ang bigat-bigat ng dibdib niya. May ibang babae palang napupusuan ito. Wala na siyang pag-asang magustuhan din nito. Isusuko na lang niya ito. Nahihirapan nga lang siyang tanggapin sa sarili.
Nananahimik na naman si Adrian habang lulan sila ng taxi pabalik sa tinutuluyan nilang hotel. Siya ang hindi nakatiis sa katahimikan.
“Maganda siguro siya.”
Nilinga siya nito, tahimik na nagtatanong.
“’Yong girl na nagugustuhan mo. Siguro ma-appeal niya. Pihadong sexy siya at malambing kaya nagkagusto ka sa kanya.” Tama ‘yan, Raya. Saktan mo ang sarili mo. Baka kapag patuloy kang nasaktan, mamanhid din sa charm ng lalaking ‘yan ang puso mo.
“Sexy nga siya in a different way.”
Sapol na naman siya. Ganyan nga, Raya. Huwag kang iilag kahit masaktan ka. “Maganda siguro siyang magdala ng damit, maasikaso. Mayaman din siguro siya gaya mo.”
Tumutok ang mga mata nito sa kanya. “Maasikaso nga siya. Pero mas gusto kong ako ang mag-asikaso sa kanya.”
Pinilit niyang ngumiti. Ngunit nang magsalita siya, hindi halos maglagos ang tinig sa lalamunan niya. “She’s one lucky girl then.”
“You’re wrong. In fact, laking malas niya sa akin. Sobrang malas,” malungkot na sabi nito bago magbaling ng tingin.
Lalo siyang naguluhan sa sinabi nito.

NANGHIHINAYANG si Rayanisa nang makarating kaagad sa tinutuluyan nilang hotel ang sinakyan nilang taxi ni Adrian. Gusto pa niyang makasama ito, makausap. Pakiramdam niya nauubusan na siya ng oras. Dahil hindi na niya maaari pang patagalin ang pagkikita nila. Lalo lang siyang masasaktan.
Mahal niya ito.
Nahirapan siyang aminin iyon sa sarili dahil hindi pa siya nagmahal nang ganoon kabilis. Ni hindi pa nga niya ito gaanong kilala. Ngunit napatunayan niya ngayon na hindi pala niya kailangan ang  mahabang panahon para ma-realize kung may feelings na siya sa isang tao o wala. Kung minsan, may kagaya rin pala niya na nagmamahal kaagad pagkaraan ng ilang oras na pagkikita.
Pero may mahal na itong iba.
Masakit iyon sa kanya, mahirap tanggapin. At least crush lang niya si Kuya Cody. Nararamdaman niya ang feelings kapag nakikita niya, o kapag lang bigla niyang naiisip ito noon. Ang pagmamahal na naranasan niya sa first boyfriend niyang si Gani, iyon naman ang uri na unti-unti niyang naramdaman. Parang halaman iyon na pinagtiyagaan nitong diligan at alagaan hanggang sa yumabong at mamunga. Kaya kahit kailangan na niyang pakawalan at kalimutan ay hindi agad nawala sa sistema niya.
But it had faded in the passing of time. Walang hindi nababago ng panahon. Unti-unting naglaho ang pagmamahal niya kay Gani nang mag-break sila. Pumusyaw rin iyon sa paglipas ng panahon.
Kaya alam niyang lilipas din ang nararamdaman niya ngayon para kay Adrian. Sana.
But for the meantime, bakit ba kailangan niyang sikilin ang sarili niya? Kung tatapusin din naman niya ngayong gabi ang chapter ng buhay niya na kasama si Adrian, bakit hindi muna niya pasayahin ang sarili niya bago siya umiyak?
“Hindi na kita kukulitin na samahan akong mag-occular inspection sa natitira pang branches ng Legaspi Money Remittance,” sabi niya rito nang nasa harap na sila ng pinto ng hotel room na inookupa niya. Ang silid nito ay kasunod lang ng sa kanya.
“That’s good news,” sagot nito pagkaraan ng ilang saglit. Parang nalambungan ng lungkot ang mga mata nito sa sinabi niya. O baka naman tingin lang niya iyon.
“I’m sorry kung kinulit pa kitang samahan ako rito. Pero mula bukas, pangako, pagbalik mo sa Pilipinas, hindi na kita pupuntahan o kakausapin pa. Kung gusto mo pa ring ibigay sa akin ang mga properties na ibinibigay mo, ipadala mo na lang uli kay Atty. Tioseco ang mga dokumento sa bahay ko.”
“Bakit… biglang nagbago ang isip mo?”
Malungkot siyang ngumiti. “Naisip ko lang na may karapatan ka sa gusto mong gawin. Ako ang walang karapatang pigilan ka roon. I’m sorry I had to blackmail you para lang samahan ako rito. Baka kasi hindi na tayo magkita bukas. Hindi muna ako aalis dito sa Hong Kong.”
“Pero bakit?”
“Gusto ko pa ring mag-observe sa operation ng branch dito,” pagsisinungaling niya. Gusto lang niyang paunahin ito. Hindi niya maipapangako sa sarili niya na hindi siya mapapaiyak sa harapan nito kung patatagalin pa niya na magkasama sila.
“Sigurado kang okay lang na mag-isa ka rito?”
“Oo. Wala namang dapat ipag-alala. Kaya ko ang sarili ko.”
“Pero wala tayo sa Pilipinas. Paano kung may hindi magandang mangyari sa iyo rito? Mag-isa ka lang at-”
“So now, you’re worrying about me. Huwag, Adrian. Baka isipin ko na nagke-care ka sa akin.”
Napamaang ito.
Tumawa siya nang pagak kahit mas gusto sana niyang bumulalas ng iyak. “Joke lang. Isang bagay lang ang hihilingin ko sa iyo before I call it a night. At gaya nga ng sabi ko, baka ito na ang huling pagkikita natin.” Sinisikap lang niyang pagaanin ang pagsasalita niya ngunit para siyang mauulila ng mga sandaling iyon.
“A-ano ‘yon?”
“A proper goodbye. Goodbye, Adrian.” Tumingkayad siya at hinalikan ito sa mga labi. Kalalapat pa lang ng labi niya sa mga labi nito nang bigla itong mawala sa harapan niya.

Kissing The Naked Cinderella Man (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon