NAPAPAILING na inilapag ni Diwa sa bedside table ang cell phone na bigay sa kanya ni Rique. Ayon sa lalaki, hindi na tao ang walang cell phone sa panahon ngayon. Sinabi nito iyon na parang naghihintay ng bayolenteng reaksiyon galing sa kanya. Nakatingin lang siya rito at nagkibit-balikat.
Binigyan siya ng cell phone para maging tao. Tinuruan rin siyang gamitin ang gadget-para maging tao pa rin. Natatanga at natatawa si Diwa sa sarili pero mas naaliw siya kay Rique. Kung ibang tao siguro ang nag-alok at nagsabi ng mga narinig niya, hindi maganda sa pandinig. Pero si Rique, mas natatawa siya kaysa ma-offend. Ang gaan ng mood nito. Parang bata lang na may kakayahang bumili ng bagong laruan at masayang ibigay sa kalaro nang walang kapalit. Pati ang kilos nito, parang laro lang din ang ginagawang pagtuturo sa kanya. Nang lumipat sa mukha nito ang tingin ni Diwa, nakita niyang kahit nang-aasar ang tono, seryoso ito na gawin siyang 'tao'. Hindi iisang beses na matiyagang inulit ang ilang functions para makuha niya.
Si Maya ang naalala niya kay Rique. Parehong-pareho ang dalawa pagdating sa pagpapakita ng malasakit sa kapwa. Sigurado na siyang isa si Rique sa mga artistang hindi namimili ng kaibigan. Alam na niya ngayon kung bakit naging kaibigan ito ni Maya.
Bago mag-tanghali kanina, sinundo siya ni Rique sa apartment. Tumuloy sila sa pinakamalapit na mall para bumili ng gadget at kumain. Gusto niyang maawa sa lalaki na kailangan pang magsuot ng disguise para hindi makilala. Naka-wig ito, kulot at sabog, maitim ang mukha, naka-long sleeves, jeans at naka-dark shades. Walang visible na skin sa suot.
Sino nga ba naman ang mag-iisip na si Enrique Ruiz ang kasama niya?
Si Diwa naman, lumabas na suot ang paborito niyang kulay kapag nagpapanggap na witch-all black. Blouse and knee-length skirt, na bigay pareho sa kanya ni Maya. Nakalugay ang itim na itim niyang buhok. Naka-hat siya ng itim rin at naka-dark shades-shades pa rin ni Maya.
Bagay nga silang magkasama ni Rique. Isang mukhang naligaw na African at isang witch na lumabas ng lungga para maghasik ng lagim. Walis na lang ang kulang at lilipad na siya!
Naalala ni Diwa ang usapan nila ni Rique habang papasok ng restaurant. Pinagtitinginan sila ng mga taong naroon pero wala namang humarang sa kanila.
"Walis na lang ang kulang," bulong ni Rique kay Diwa.
"Gusto mong sumakay?"
Nagkatawanan sila. Hindi naisip ni Diwa na mag-eenjoy siyang kasama si Rique. Tawa rin ng tawa ang lalaki sa mga hirit niya. Pareho silang walang pakialam sa paligid. "Ngayon mo lang nagawa 'yan, 'no?" si Diwa kay Rique pagkatapos ng tawanan nila. May pakiramdam siyang nang sandaling iyon lang naging malayang kumilos ang actor dahil sa suot na disguise. Kung si Enrique Ruiz ito, sigurado siyang may limitasyon ang kilos. Binabantayan ang bawat galaw para sa mga matang nasa paligid.
Tumango si Rique.
"Nakaka-miss rin maging free, Diwa," ang sinabi nito. Inilibot sa paligid ang tingin. "Thanks to you," ang idinugtong nito. "May kasama akong gumala nang walang fans sa paligid."
"Thanks to you," sabi naman ni Diwa. "Makakauwi ako nang 'di naliligaw."
"Lunch muna tayo bago ka umuwi?"
"Basta ba libre mo, eh."
Pumuwesto sila sa sulok ng restaurant. Hindi na maawat ni Diwa ang kung ano anong kuwento ni Rique. Pinakinggan lang niyang dumaldal ang actor. Parang na-miss nito na may kakuwentuhan. Ramdam din niyang hindi na nag-aalangan si Rique na sabihin ang kahit ano. Gusto tuloy isipin ni Diwa na tama ang sinasabi ni Maya, madali siyang makagaanan ng loob kapag hinayaan niya ang kahit sinong makalapit. Tigilan daw niya ang pananakot at pagtataboy sa mga taong gusto siyang maging kaibigan. Piling-pili lang kasi talaga ang hinahayaan niyang makalapit sa kanya.
Ang mahabang kuwento ni Rique, nauwi kay Maya at sa huli, sa multo sa bahay nito. Handa raw itong magpaalipin sa kanya, itaboy lang niya ang multo. Natawa si Diwa. Base sa pagngiwi ni Rique nang itanong niya kung uuwi ito sa bagong bahay habang naroon siya, alam na ni Diwa na para siyang mandirigmang isasabak mag-isa sa giyera-multo nga lang ang makakasagupa niya.
At tama ang dalaga sa naisip niya.
Nang nasa bahay na siya ni Rique, sinubukan niyang tawagan ito pero nakapatay na ang cell phone. Ang sinabi nito pagkahatid sa kanya kanina, may taping na hindi maiwan. Ang kutob ni Diwa, kahit pa walang taping ay hindi na sasagutin pa ng actor ang tawag niya.
Artistang matatakutin.
Iniwan talaga siyang mag-isa kasama ang mga mumu!
Ibinagsak na lang ni Diwa ang sarili sa kama. Nasa kuwarto siya ni Rique. Doon may nagpaparamdam kaya doon din siya mag-aabang. Iniwan nitong bukas ang drawers. Isa sa mga drawers, may baril. Licensed daw iyon at loaded-ipuputok lang niya kung kailangan. Hindi pa siya nakahawak ng totoong baril pero kung kakalabitin lang naman ang gatilyo, mabilis na lang gawin.
Ipinaalala ni Diwa sa sarili na multo ang hinihintay niyang magpakita, hindi masamang loob. Wala namang epekto sa multo ang baril ni Rique. Hindi mapapatay ang patay na. Napakamot sa kilay si Rique nang sinabi niyang holy water na lang sana kaysa baril. Water lang daw ang mayroon ito, hindi holy. Natawa na lang din si Diwa.
Umalis si Rique bago pa man bumaba ang araw. Bago mag-alas kuwatro kanina, may dumating na naka-motorsiklo, may delivery para kay Rique. Sinabi niyang kakaalis lang ng lalaki. Siya na ang pumirma at tumanggap sa sealed package. Ipinasok niya sa drawer ang maliit na package na parang supot lang at wala talagang laman. Ang gaan lang.
Lampas alas sais, kumain na si Diwa. Ang dinner na in-order ni Rique bago umalis kanina. Pagkatapos kumain, nagligpit lang siya sa kusina, nag-ikot-ikot sa bahay para bumaba ang kinain niya, at umidlip na. Kailangang gising siya buong gabi sa mga susunod na oras. Tulog muna para buo ang lakas laban sa mumu. Napahaba nga lang ang dapat ay idlip lang. Pasado alas diyes na ng gabi nang magising siya.
Nagising si Diwa sa pakiramdam na hindi na siya mag-isa sa kuwarto...
BINABASA MO ANG
ROGUE (PREVIEW)
HumorSa ngalan ng datung, bes, go ka sa isang bahay na may mumu. Tapang at ganda lang ang armas mo. Kaya lang, parang nag-day off ang mga mumu. Ang nakasagupa mo, HOT INTRUDER na MAGNA--Magnanakaw ng kiss! Ano'ng gagawin mo? Sumbong o Pag-ibig? To VA...