Rogue

8.5K 258 8
                                    

TUMAAS lang ang sulok ng mga labi ni Rogue matapos iabot ni Tracy Wanes ang puting sobre. Makapal ang laman—pera na kabayaran sa trabahong tinapos niya.

Ang unang trabaho, pasukin ang bahay ng subject at nakawin ang laptop. Ang subject: Ex boyfriend ni Tracy Wanes, si Hermes Alcalla. Nagawa na niya. Kaninang madaling araw lang tinapos ni Rogue ang trabaho. At ngayong gabi naman, isang bagong subject ang nasa listahan niya. Isa na namang artista—si Enrique Ruiz, screen partner ni Tracy Wanes. Gusto ng babae na pasukin niya ang bagong bahay na inuuwian ng actor. Sa bahay na iyon ipinadala ni Hermes ang flash drive na naglalaman ng sex video. Sa impormasyon na ipinasa ni Tracy, ipinadala na ni Hermes ang flash drive through a known courier. Nakarating na sa bahay ng actor ang sealed package.

Gustong tawanan ni Rogue ang sarili pagkarinig niya sa salaysay ni Tracy. Wala siyang balak tanggapin ang trabahong iyon. Labag sa batas at labag sa rule niya sa sarili. Mas gusto niyang panooring hampasin ng konsekuwensiya ng pinaggagawang hindi pinag-iisipan ang mga kabataang gaya ni Tracy na lunod sa kasikatan.

Pero matalik niyang kaibigan si Brave. Kasama sa iilan niyang piling-piling kaibigan sa AFP at PNP ang pulis na nagkataong pinagkakatiwalaan ng ama ni Tracy. Kung hindi dahil kay Brave at sa istilo ng ex-boyfriend ni Tracy na hindi rin niya gusto, hindi sila nag-uusap ng young actress nang sandaling iyon.

Ayon kay Brave, ginagamit ni Hermes ang sex video nito at ni Tracy—na kinunan ng lingid sa kaalaman ng babae—para i-blackmail ang actress. Artista si Tracy at non-showbiz naman si Hermes, malinaw na ang babae ang dehado kapag inilabas ang video. Hindi gusto ng actress ang pagpiyestahan ng media at netizen. Humingi ang babae ng tulong sa ama na ituro sa trusted na tao. Si Brave ang tinawagan ng ama ni Tracy—ama na walang alam kung ano ang pabor na hihingin ng anak. Si Rogue naman ang tinawagan ni Brave. Lihim rin ang plano ni Tracy. Ang halagang inalok sa kanya, dinoble pa para huwag ipaalam sa ama nito kung anong trabaho ang ipapagawa sa kanya. Si Brave naman ang bahalang humarap sa ama ni Tracy. Ang maruming laro ni Hermes, gustong tapatan ni Tracy.

Nababagot na rin si Rogue sa walang challenge na activities sa huling ilang buwan kaya pagkatapos makausap si Brave na nangakong 'lilinisin' ang daan niya, kinontak ni Rogue ni Tracy Wanes.

Tinapos niya ng walang bakas ang unang trabaho. Nakuha na ni Rogue ang laptop ni Hermes kung saan naka-save ang kopya ng sex video. Ang flash drive na lang ang kailangan niyang makuha sa bahay ng screen partner ni Tracy.

May nalaman pa si Rogue. Si Enrique Ruiz pala ang dahilan kaya nakipaghiwalay si Tracy kay Hermes. Napaamin niya si Tracy. Naglahad ito ng mga gusto niyang malaman matapos sabihin ni Rogue na hindi niya gagawin ang trabaho kung hindi siya nito makukumbinse na 'tama' ang gagawin niyang pagnanakaw.

Sa mga unang minuto, nag-imbento pa ng dahilan si Tracy. Walang ideya ang babae sa mga impormasyong ipinasa na sa kanya ni Brave. Hindi siya umimik, binuksan lang ang pinto ng kotse para lumabas. Nag-panic bigla ang actress, pinigilan siya—at umamin na ng totoong rason.

Gustong pigilan ni Hermes ang balak na paglapit ni Tracy sa kapwa artistang si Enrique. Blackmail. Ginagamit ni Hermes ang sex video na ikakalat nito kung hindi makikipagbalikan si Tracy. Nagmatigas si Tracy kaya ipinadala na ni Hermes kay Enrique ang isang kopya ng sex video. Ayon kay Tracy, nasa laptop ang tanging kopya ni Hermes ng video bukod sa nag-iisang flash drive na ipinadala ni Hermes sa actor.

Ang flash drive na lang ang kailangan niyang makuha at tapos na ang trabahong iyon. Babalik na uli si Rogue sa walang challenge na activities, sa palipat-lipat na lugar, sa nakakabagot niyang buhay.

"I trust you, Rogue," si Tracy pagkakuha niya ng sobre. Parang poste lang siyang nakasandal sa backrest, nakatutok sa unahan ng kotse ang tingin. "Get the thing no matter what," dagdag ng babae. "Kung kulang pa 'yan, sabihin mo lang—" hindi na nito natapos ang sinasabi. Kumilos na siya para lumabas ng kotse nito. Ganoon rin ang unang naging pag-uusap nila ni Tracy. Ang babae lang halos ang nagsasalita at nakikinig lang siya. Hula ni Rogue, desperada lang ang babae kaya pinagtiisan siyang kausap.

Kaswal lang ang mga hakbang na lumipat siya sa kabilang side ng kalsada. Naroon ang ang motorsiklo niya—ang karamay niya sa walang direksiyong buhay.

Mabilis na sumampa si Rogue sa motorsiklo. Nagsuot siya ng helmet at pinaharurot na palayo ang two-wheels. Gamit ang cell phone internet, hinanap niya ang address ng bahay ni Enrique at inikutan iyon. Pagkakita pa lang sa bahay, ilang ulit na niyang pinag-isipan ang gagawing pagpasok. Nagtanong rin siya sa pinakamalapit na kapitbahay—nalaman niyang walang tao. Na umalis na ang kotse ng bagong may-ari—na hula niya ay si Enrique.

Salamat sa koneksiyon ni Brave, nakapasok siya sa subdibisyon nang walang interogasyon at hindi na rin siya hiningan ng ID ng guwardiya.

Isang beses pa siyang umikot. Wala talagang tao sa bahay. Mukhang magiging madali ang huling trabaho niya. Isang pasada pa ng tingin sa bahay, pinaharurot ni Rogue ang motorsiklo palabas ng subdibisyon.

Ilang oras pa ang kailangan patayin ni Rogue. At dahil wala siyang uuwian, kakain na lang siya sa kung saan abutan ng gutom habang naglilibot nang walang direksiyon. Babalik rin siya sa subdibisyon bago lumubog ang araw. Doon na niya hihintaying lumatag ang dilim.

Tatapusin niya ang trabaho bago ang unang silip ng rayos ng araw sa susunod na bagong umaga.

ROGUE (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon