Sanggano Is Back! ;-D

7.3K 305 19
                                    

APAT na araw nang tuliro si Diwa. Mas matapang siya kaysa sa karaniwang babae pagdating sa 'meeting' sa multo pero kung nagugulo na ang tulog niya, ibang usapan na. Hindi kaya ng dalaga ang wala halos tulog ng ilang araw. Baka siya naman ang matuluyuan at maging isa pang ligaw na kaluluwa sa bahay ni Rique.

Hindi na niya kayang magtagal sa bahay na Rique. Hindi na nagpakita uli ang multo pero pagkatapos nang gabing iyon, hindi na siya nito pinatatahimik. Naririnig niya ang mga hikbi gabi-gabi, may nagsa-shower lagi sa banyo sa parehong oras na una niyang narinig. At hanggang sa panaginip ni Diwa, nakikita na niya ang babae. Iyak nang iyak at duguan, humihingi ng tulong.

Tawag nang tawag si Diwa kay Rique pero out of coverage area pa rin ang numero nito. Nasa probinsiya pa rin ang kaibigan, sa location ng shooting ng ginagawang pelikula katambal si Tracy Wanes.

Hindi na talaga kinaya ni Diwa ang kakulangan ng tulog. Kung ang multo lang, hindi niya susukuan. Matitiis pa niya ang mga pagpaparamdam hanggang dumating si Rique. Ang hindi na talaga niya kaya ay ang walang sapat na tulog. Para na siyang high. Ang gaan sa ulo at parang malalaglag na ang mga mata niya. Hilo na rin siya lagi. Kung hindi pa siya makakapagpahinga nang tama, baka mag-collapse na lang siya at wala man lang makaalam. Nagdesisyon si Diwa na umuwi na muna sa apartment ni Maya. Umaasa siyang makatulog nang mahaba-habang oras. Saka na siya babalik sa bahay ni Rique, kapag nasa Maynila na rin ang kaibigan.

Pagkapasok sa apartment, ibinagsak na lang niya ang sarili sa sofa. Halo halo na ang pakiramdam niya—masama. Kailangan na talaga niya ng tulog o bibigay na ang katawan niya. Pumikit si Diwa. Sana lang talaga, wala na sa panaginip niya ang multo. Gusto niyang matulog nang mahabang oras.

Napadilat uli si Diwa nang makarinig siya ng tunog sa pinto. Parang pumitik ang lock? Pati ba naman sa apartment, sumunod na ang multo?

Gumalaw ang doorknob, kasunod ay bumukas ang pinto—napanganga si Diwa. Hindi multo ang dumating. Si Rogue na parang walang anuman ang walang permisong pagpasok sa apartment.

"Hi, witch," bati nito sa nakakalokong tono pero blangko sa emosyon ang mukha at mga mata. Napabuntong-hininga na lang si Diwa. Masyado siyang pagod at puyat para makipag-argumento. Sa pagitan ng multo at ni Rogue, mas okay nang si Rogue ang nakita niyang pumasok sa bahay.

Nasa dibdib na naman niya ang pamilyar na kabog. Wala nga lang sapat na lakas ang katawan niya para pagbigyan pa ang sarili. Gusto na muna niyang magpahinga. Mas sumandal si Diwa sa backrest ng sofa.

"Hindi na ako kumatok," sabi ni Rogue. "Hindi ka naman magbubukas kaya nag-volunteer na akong pagbuksan ng pinto ang sarili ko," at tumaas ang sulok ng mga labi nito. "Kumusta ka naman?" Parang magkaibigan sila na naupo sa tapat niya.

Hindi na talaga alam ni Diwa ang gagawin sa lalaki. Bahala na ito sa trip gawin. Hindi siya naniniwalang naroon ito para magnakaw uli. Wala namang ibang kinuha si Rogue sa bahay ni Rique kundi 'yong bagong deliver na package. Saka na niya iisipin kung ano'ng gagawin niya sa sangganong guwapo. Mas gusto ni Diwa na matulog muna. Masama na talaga ang pakiramdam niya.

"Kung mang-aasar ka, puwede sa ibang araw na lang?" Si Diwa sa mahinang boses. "'Di muna ako lalaban ngayon. Gusto kong matulog, Rogue..." at ipinikit na nga niya ang mga mata.

"Naalala mo ang pangalan ko?"

Hindi na siya dumilat. Tinatangay na talaga siya ng pagod at antok. "Kung mukha mo nga naalala ko, pangalan pa kaya..."

"Hey, witch!" Narinig niyang mas malakas na sabi nito. "Tutulugan mo lang ako?"

"Paggising ko, away tayo..." halos bulong na lang na sagot niya. Tuluyan na siyang tinangay ng antok. Huling narinig ni Diwa ang magaang tawa ni Rogue bago siya nakatulog.

ROGUE (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon