KINAGABIHAN noon, nagising na naman si Diwa sa tunog galing sa banyo. Lagaslas ng tubig galing sa shower. Walang tigil ang buhos ng tubig na parang may naliligo. Ilang segundong nakatitig lang sa kisame si Diwa, nakikinig at nakikiramdam. Pinalo pa niya nang mahina ang braso para masigurong gising na talaga siya.
Totoo nga ang sinabi ni Rique. Mag-isa lang siya sa bahay pero may nagsa-shower. Kung naging ibang tao siya, kanina pa niya tinakbo ang pinto. Pero si Diwata Malasanta siya na sanay sa engkuwentro sa mumu. Hindi na bago ang ganoong eksena.
Bumangon si Diwa at bumaba na sa kama. Walang tunog ang mga hakbang niya palapit sa banyo. Maingat niyang pinihit ang doorknob at itinulak ang pinto. Sinadya niyang iwan na bukas ang ilaw kaya kita niya agad ang loob. Bukas nga ang shower pero base sa naaninag niya sa shower curtain, wala namang naliligo.
Huminto bigla ang buhos ng shower kasabay ng pagkurap-kurap ng ilaw.
Hindi umatras si Diwa. Kinakabahan pa rin siya sa mga ganoong eksena pero kaya na niyang pakisamahan ang takot. Walang ibang makagagawa ng bagay na ginagawa niya kaya pinipilit niyang tatagan ang loob.
"A-Alam kong nandito ka," mababang sabi niya, tumingala sa kumukurap-kurap na ilaw. "Kausapin mo ako. Kung may kailangan ka, sabihin mo. Nandito ako para makinig sa gusto mong iparating sa amin." Sabi niya na parang nasa tabi lang ang kausap. "Diwa ang pangalan ko. Si Rique, 'yong bagong may-ari ng bahay na 'to, kaibigan niya ako. Hindi namin intensiyon na guluhin ka...o kayo, kung may iba ka pang kasama." Hindi iyon ang unang pagkakataon na ginawa ni Diwa ang ginagawa niya pero naroon pa rin ang kaba. Sino ba namang normal na tao ang hindi lalakas ang kabog sa dibdib sa ganoong eksena?
Maingat na hinawi niya ang shower curtain—sabay lang ng pagkamatay ng ilaw—na segundo lang ay sumindi rin.
Walang tao sa tapat ng shower.
Nagpatay-sindi uli ang ilaw.
At napasinghap si Diwa nang mapansin niya ang salamin—may paisa-isang letrang lumilitaw—mga letrang kulay pula...
Dugo!
Napasandal siya sa pinto, napahawak sa sariling dibdib. Nagliwanag uli ang ilaw sabay ng pagkakabuo ng isang salita sa salamin—TULONG.
At sa minsang pagkurap ni Diwa ay nasa tabi na ng salamin ang babaeng una nang nagpakita sa kanya nang nagdaang gabi. Pero kung kagabi ay walang kakaiba sa bestidang suot ng multo, ngayon ay duguan na ang buong katawan nito!
Hindi na niya nagawang kumilos. Napatitig na lang sa babaeng nagsusumamo ang tingin sa kanya. Nangilabot nang husto si Diwa sa sumunod na nangyari—kumurap-kurap uli ang ilaw kasabay ng pagkalat ng dugo sa paligid ng banyo—sa tiled wall sa shower, sa nakatakip na toilet, sa dingding malapit sa may pinto—kumakalat ang dugo na parang may duguang katawan na lumalapat sa bawat bahagi ng banyo na naiiwanan ang bakas ng dugo. Sa sahig ng shower ang pinakamaraming kumalat na dugo na hindi alam ni Diwa kung saan galing.
Nagliwanag ang paligid—wala lahat ang dugong nakita niya sa paligid.
Napalunok si Diwa. Mas dumiin ang hagod sa dibdib. "A-Anong tulong ang...ang kailangan mo?"
Hindi umimik ang babae, nakatingin lang sa kanya. Mayamaya, lumabas na ng banyo at naglakad palabas ng kuwarto. Segundo ang lumipas bago nakabawi si Diwa. Sinundan niya ng tingin ang multo. Nang nasa may pinto na ito, nilingon siya na para bang gustong sumunod siya. Wala halos sa loob na humakbang ang dalaga. Naglakad nang marahan ang babae. Tahimik na sumunod si Diwa. Ang direksiyon sa kusina ang tinungo nito. Sige lang din siya sa pagsunod hanggang lumabas ito ng kusina at tumuloy sa laundry area. Huminto lang ang babae nang nasa likod na sila ng bahay. May itinuturo na naman ito, tulad ng unang gabing nagpakita sa kanya na itinuro ang drawer.
Walang nakitang kakaiba si Diwa sa itinuturo nitong bakanteng espasyo sa likod-bahay. Vegetable garden ang naroon. Nakita na niya iyon noong isang araw. Tuyo at lanta na ang mga tanim, patunay na wala na ang nag-aalaga.
"Ano'ng gusto mong gawin ko sa—"
Pero paglingon ni Diwa sa babae, wala na ito. Mag-isa na lang siya sa lugar. Napalunok ang dalaga nang maramdaman niya ang lamig ng hangin. Minsan pa niyang tiningnan ang vegetable garden bago ang nagmamadaling pagpasok sa loob ng bahay.
Sinubukan niyang tawagan si Rique pero naka-off ang cell phone nito.
BINABASA MO ANG
ROGUE (PREVIEW)
HumorSa ngalan ng datung, bes, go ka sa isang bahay na may mumu. Tapang at ganda lang ang armas mo. Kaya lang, parang nag-day off ang mga mumu. Ang nakasagupa mo, HOT INTRUDER na MAGNA--Magnanakaw ng kiss! Ano'ng gagawin mo? Sumbong o Pag-ibig? To VA...