"Don't cha wish your girlfriend was hot like me. Don't cha wish your girlfriend was a freak like me. Don't cha..." sabay na birit ni Anna sa kanta ng Pussycat Dolls na ipinapatugtog sa radyo habang naliligo siya.
Sabado ngayon kaya't maaga siyang naggising kanina imbes na ang usual niyang gising ng alas-dose ng tanghali. Friday night and Saturday night kasi ang itinuturing niyang rest day niya sa pagsusulat. Kaya kapag Biyernes at Sabado ng gabi ay hindi siya nagpupuyat sa magdamagang pagtipa sa harap ng computer niya kundi natutulog.
Nakagawian na niyang kapag Sabado ay gawin lahat ng natambak na gawaing-bahay niya. Tapos na niyang pag-evacuate-in ang mga alikabok at kalat na isang buong linggo ding namalagi sa loob ng bahay niya. Nalabhan at naisampay na rin niya ang mga maruruming damit niya.
Ang natitira na lang niyang gawain ay ang pagluluto ng hapunan na pinag-iisipan pa niya kung itutuloy niya pa o kung kakain na lang siya sa labas. Iyon ang isa sa mga bagay na labis niyang nami-miss noong kasama pa niya dito sa bahay ang Lola Zsazsa niya. Noon ay obligado talaga siyang magluto sa oras ng pagkain dahil may kasama siya sa bahay. Pero ngayon, madalas ay kinatatamaran na niya ang pagluluto.
Madalas lutong ulam at kanin na ang binibili niya sa karinderya ni Aling Mameng sa kanto ng subdivision nila. O hindi kaya ay instant noodles, pancit canton a kung anu-ano pang hot water lang ang katapat ang kinakain niya. Lalo na kapag nasa gitna siya ng pagsusulat ng mga romance novels niya. Ang katakawan niya ay naisasantabi dahil ayaw paistorbo ng utak at mga kamay niya sa pagtipa sa keyboards ng computer
niya.
Matapos magbanlaw sa tapat ng shower, nagtapis siya ng twalya saka lumabas ng banyo. Mayroon ding banyo sa second floor at mas malapit iyon sa silid niya pero dahil wala namang shower doon at may kahinaan pa ang agos ng tubig mula sa gripo, dito niya sa ibabang banyo mas gustong maligo.
Pakiramdam pa naman niya ang dumi-dumi niya matapos niyang i-general cleaning ang may kalakihan din namang bahay na iniwan kay Lola Zsazsa ng yumao nitong unang asawang si
Jimmy Lovelace. Tiyahin ng kanyang ina si Lola Zsazsa at siyang tanging natitira niyang kapamilya.
Kaya naman nang maulila siya sa ina niyang siyang nagpalaki sa kanya mag-isa mula nang iwan sila ng ama niya noong limang taong gulang pa lamang siya, sa poder na nina Lola Zsazsa at ng asawa nitong si Lolo Jimmy siya pumisan.
Isang Amerikanong doktor si Lolo Jimmy. Nakilala ito ni Lola Zsazsa sa States nang magtrabaho ang huli bilang nurse sa parehong ospital na pinagtatrabahuhan ni Lolo Jimmy. Sampung taon matapos magpakaasal ng mga ito, ipinasya ng mga itong dito na sa Pilipinas manirahan.
Hindi nagka-anak ang mga ito bagamat may mga anak sa Amerikanang unang asawa si Lolo Jimmy. Two years ago lang, sa mismong araw pa ng ika-twenty-fourth birthday niya binawian
ng buhay si Lolo Jimmy.
Labis-labis ang dalamhati niya sapagkat mas parang tatay kaysa lolo ang turing niya kay Lolo Jimmy. Mabait ito at palabiro. At ni minsan mula nang mapunta siya sa poder nito mula noong fourteen siya ay hindi naging iba ang turing nito sa
kanya.
Subalit bukod sa pagkawala nito sa buhay nilang mag-lola,
isa pang dahilan ang ipinagdalamhati niya sa pagyao nito. Ayaw man kasi niyang aminin kahit sa sarili pero pakiramdam niya, sa pagkawala nito ay tuluyan na rin siyang nawalan ng kuneksyon sa lalaking unang minahal. Apo kasi nito sa unang naging asawa si James Lovelace, ang kanyang first crush, puppy love, first love, first kiss, first lahat-lahat at first major major heartbreak.
BINABASA MO ANG
Hot Intruder-The Gallant Intruder
Romance"I can only promise to love you for as long as my heart beats. That's all a man can really promise." Hindi inaasahan ni Anna na malalagay sa panganib ang buhay niya nang mabulabog ang tahimik na buhay niya ng isang intruder na sinusubukang nakawin a...