Eat My Dust

28.1K 247 3
                                    


CHAPTER 1

“P’WET ng kabayo!”
Isang malakas na boses-lalaking tawa ang kasunod noon na narinig ni Lucie mula sa kanyang likuran, tawang dulot ng magkahalong pagkasorpresa at pagkaaliw.
Nagulat lang si Lucie kaya lumabas sa bibig niya ang ekspresyong iyon. Binunggo ang hulihan ng bisikletang sinasakyan niya. Nakahinto siya noon sa kanto, hinihintay na makatawid ang kotseng nasa kalsadang kasanga ng kalyeng kinaroroonan niya. Bisikleta rin ang bumunggo sa bike niya. Hindi naman kalakasan ang pagkakabangga, ngunit natural lang na magulat siya. Makakaya sana niyang unahan kanina ang kotse dahil madali lang isingit sa traffic ang bisikletang dala niya, ngunit advocate siya ng traffic rule na ‘First to stop, first to go’. At naunang huminto sa crossing ang kotse kaya ito ang pinauna niya.
“Ang bagal mo naman,” nang-iinis na sabi ng lalaking sakay ng bisikletang bumunggo sa kanya, na noon ay umagapay sa tabi niya, bago ito mabilis na umusad, sumingit sa likod ng tumatawid na kotse, at naunahan pa siya.
“Eat my dust!” Iyon ang dating sa kanya ng sinabi nito. Naiwan sa imahinasyon niya ang pilyong ngiti nito habang umaagwat sa kanya.
Inis na inis siya. Kung hindi lang sa madalas na paalala ng daddy niya na lagi siyang maging mahinahon bago mag-react sa kahit na anong nakakagalit na bagay, hinabol na sana niya ang hambog na lalaki at inaway ito.
Sayang, guwapo pa naman ang lalaki. Sa palagay niya, bata lang siya ng kaunti rito sa edad niyang disinuwebe. Parang laging nakatawa ang mga mata nito at ang ibabaw ng ilong nito ay namumula gaya ng may katamtamang kapal ng bibig nito. Lagi siguro siyang nagbibisikleta kaya bilad sa araw ang balat niya.
Naiinis pa rin siya kahit nakauwi na sa kanila. Dahil ilang metro bago siya tumapat sa kanila ay pumutok ang goma ng hulihang gulong ng bike niya. May kamalasan yatang dala ang hambog na lalaking ‘yon, sumaisip niya, ayaw isipin na malamang ay nadagdagan na naman ang dati nang mabigat niyang timbang.
Iginarahe niya ang bike niya sa tabi ng pick up truck ng daddy niya at pumasok na siya sa loob. Mamaya na lang niya papalitan ang sumabog na gulong noon.
Naghuhugas siya ng mga kamay sa kitchen sink nang ipatong ng Mommy niya ang isang baso ng malamig na lemon juice sa counter sa tabi niya. Tiningnan niya ito.
“Uminom ka muna bago ka magsalita,” sabi nitong parang si Confucious na mas alam pa kung ano ang tumatakbo sa isip niya kaysa sa sarili niya.
“Thank you po.” Ininom nga niya ang lemon juice. Straight til the last drop.
Nakangiti na ang Mommy niya nang muli niyang tingnan. “Ngayon, ano ba ang nagpainit sa ulo ng dalaga ko?”
Napangiti na rin siya. “Hay, Mommy, da bes ka talaga. Alam na alam n’yo kung ano ang magpapabura ng pagkaasar ko.” Naupo siya sa silyang nasa tabi ng kitchen table. Halos lumangitngit iyon dahil sa kabigatan niya. “Nainis lang po talaga ako pero na-realize ko na ngayon na hindi naman grabe ang dahilan. May bike na bumunggo ng bike ko habang naghihintay ako ng turn sa crossing. Tapos, nang-iinis na tinawanan ako ng lalaking sakay no’ng bike. Pagkatapos no’n, nilampasan na niya ako na parang sinasabing kainin ko ang alikabok niya.”
Nabura ang ngiti nito. “Binunggo ka? Nahulog ka ba? Tumumba ba ang bike mo?”
“Hindi po gano’n kalakas ang bunggo sa bike ko, parang sagi lang. Gusto lang talaga siguro akong inisin ng bike rider na ‘yon.”
“Anak, alam kong ipinanganak kitang may napaka-imaginative na isip,” napapangiti na uli na sabi nito at naupo rin sa silyang kaibayo ng inuupuan niya. “Pero sana kapag tungkol din lang sa mga pangit na ginagawa at reactions ng ibang tao, huwag mo na munang paganahin. Kasi kunsumisyon lang ang ibibigay no’n sa iyo.”
“Sabagay nga, Mommy, tama kayo d’yan. Kaso lang…” napapangusong sabi niya.
“Kaso lang, ano?”
“Ewan ko po ba. Hindi kasi maalis sa imagination ko ang nakangising mukha niya.”
Dinunggol nito ang punong-braso niya at nanunuksong sinulyapan siya. “Dagdag na naman ‘yan sa collection mong isang milyong crushes.”
“Naku, Mommy, I’m sure, kapag naligo ako mamaya, matatanggal din siya sa isip ko. Isa pa, hindi ko na makikita ang lalaking ‘yon. Teka nga po pala, nasa’n po ba si Daddy? Bakit po nasa garahe ang pick up niya pero wala naman siya?”
“Nariyan lang sa kabilang bloke. Naglipat kasi noong isang araw ‘yong dating batchmate niya noong college sa isang bagong bahay na malapit dito. Nagkagulatan pa nga sila nang makasabay naming mag-jog kahapon. Kapitbahay lang pala natin sila.”
“Gano’n po pala.”
“Gano’n nga. Kaya, Lucie, tandaan mo sana itong sasabihin ko. Hindi mo masasabi kung sinu-sinong mga tao ang pagtatagpuin ng Diyos sa duration ng buhay natin dito sa lupa. Kaya malay mo, ang kinaaasaran mong future crush na lalaking bumunggo sa bike mo, makita mo uli isa sa mga araw na ito.”
Kumatok siya sa ibabaw ng kitchen table at umiling. “Huwag na lang po, ‘My. ‘Di bale na lang.”

Isla Sanctuario (Love Heals) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon