Mr. Alaskador

9.9K 183 11
                                    

CHAPTER 2

“IRENE, wala nga akong itinatagong sikreto sa iyo. Di ba alam mo naman ‘yon? Bakit mo ba ini-insist na mayroon?” naiinis nang sabi ni Lucie sa kaibigan at kaklase niya. Kanina pa siya kinukulit nito sa text. At ngayong nagkita na sila sa mall na panonooran nila ng sine ay iyon na naman ang iginigiit nito.
“Dahil nakausap ko mismo ang tao na nagpakilalang boyfriend mo.” Tinitingnan siya nito nang pasulimpat na isip mo may malaking kasalanan siyang nagawa rito.
“Boyfriend ko? Ako?” sabi niyang itinuro pa ang kanyang sarili.
“Oo nga. Cute siya, matangkad, smiling eyes.”
“Irene, hindi naman nababagok ang ulo ko para magka-amnesia ako at makalimutan ko kung nagka-boyfriend na ako o hindi pa. Saka sa taba ko bang ito may papatol na boyfriend sa akin?”
“Eh sino ‘yong James na nagpakilalang boyfriend mo no’ng magpunta ako sa inyo?”
Napangiwi siya. Napag-trip-an na naman siya ng mapang-asar na si Jaime. “Friend ni Daddy ang papa niya. Bagong kapitbahay namin sila.  Pero hindi ko siya boyfriend. Alaskador talaga ang isang ‘yon. Parang si Joey de Leon lang, mapambuska.”
Hindi pa rin ito mukhang kumbinsido. “Eh bakit nasa inyo?”
“Madalas lang tumambay sa amin ang isang ‘yon. Favorite niya lang akong asarin at kunsumihin.”
“Hmm… iba ang naaamoy ko. Baka naman kaya panay ang papansin sa iyo kasi gusto lang pumorma?”
Natawa siya. “Meron bang lalaking may balak pumorma sa babae na aasar-asarin ito? Siyempre, kung may gusto ang isang ‘yon sa akin, magpapakita siya ng maayos na asal para magustuhan ko siya.”
“Kung sabagay nga,” ayon nito. “Pero cute talaga siya, in fairness. Kung hindi lang love ko ang bf ko, malamang nagpa-cute na rin ako sa kanya.”
Nagkibit lang siya ng balikat. Ngunit nang nag-iisa na siya nang gabing iyon, hindi mawala sa isip niya ang sinabi ni Irene. May balak nga kaya si Jaime na ligawan siya?
Aaminin niya sa sarili niya na nakiliti siya ng idea. Dahil nitong huli, kapag inaasar-asar siya ni Jaime, kahit nabubuwisit siya rito, hindi na siya nakakakapa sa sarili niya ng malalim na pagkainis dito. Mas lamang na roon ang pagkaaliw. Hindi nga lang niya gustong malaman nito na naaaliw na siya rito dahil tiyak na sasamantalahin nito iyon para lalo pa siyang asarin. Asa ka pa, Lucie. Magkakagusto ba ‘yon sa isang gaya mong lumba-lumba?
Ngunit mula noon, natatagpuan na niya ang kanyang sarili na tinitingnan si Jaime sa romantic angle. Lalo na nang minsang magkomento ang papa nito sa daddy niya ng: Parang nararamdaman ko na darating ang araw na magiging magkumpare tayo,” sabi nito bago sumulyap sa kanila ni Jaime at pagkatapos ay makahulugang tumingin sa daddy niya. Tinawanan lang iyon ng kanyang ama.
“Na-late na yata tayo sa first screening,” sabi ni Irene nang nasa ticket booth na sila ng sinehan. “Bakit tayo na lang ang nasa pila?”
“For sure nasa loob na ng sinehan ang mga pumila rito kanina.”
“Naku, hindi tayo dapat ma-late sa pagsisimula.”
Naiintindihan niya ang pagpa-panic nito. Mula nang magsimula sa pag-aartista si Brad Pitt ay inangkin na nitong boyfriend ang Hollywood actor.
Nang makapasok sila sa sinehan ay may ilang rows pa sa likuran na iilan lang ang nakaupo. Naupo sila sa lugar na hindi sila gaanong maaabala ng mga taong makikiraan.
“Hindi tayo nakabili ng popcorn at coke,” sabi niya.
“Hay, mamaya na tayo mag-snack, treat ko.”
“Bibili muna ako. Hindi pa naman nagsisimula, o.”
“Magsisimula na po. O, ayan, dumilim na. Tiisin mo muna ang gutom. Hindi ka naman siguro mamamayat kung dalawang oras lang na hindi ka makakakain.”
“Insulto ba ‘yan?”
Tumawa ito. “Biro lang ‘yon, friend. Ikaw naman, o.”
Pinagbigyan na lang niya ito. May ilang minuto na silang nakaupo roon nang may lalaking maupo sa bakanteng upuan na katabi niya. Nasulyapan niyang may bitbit itong isang bucket ng popcorn. Bigla siyang nainggit. Mas masarap sanang manood ng sine kung may nginunguyang pop corn. Itinuuon na lang niya ang pansin sa silver screen kahit naglalaway siya sa popcorn.
Hindi pa siya natatagalan sa panonood nang biglang ipatong ng lalaking katabi niya ang popcorn bucket sa kandungan niya. Napakislot siya. “P’wet ng-” Tinakpan nito ang bibig niya. Inalis niya agad ang kamay nito roon. “Jaime?”
“The one and only,” sabi nitong ipinatong pa ang baba sa likod ng kamay nito. “Huwag ka nang mahiya,” mahinang sabi pa nito sa kanya. “Kumuha ka na. Alam kong favorite mo ‘yan.”
“Bakit ka nandito?”
“Shh… bawal dumaldal kapag nanonood ng sine.” Dumakot ito ng popcorn sa bucket sa kandungan niya at walang anumang sumubo ito.
Napapailing na lang na ibinalik niya sa panonood ang pansin. Nagkataon lang ba na sa dinami-dami ng mga tao sa sinehan ay nakatabi pa niya ito? Dumakot na rin siya ng popcorn at sumubo. Walang kamalay-malay si Irene sa nangyayari na noon ay kasalukuyang nakapagkit ang mga mata sa pinanonood nila.
Sa minsang pagdukot niya sa bucket ay nagsabay sila ni Jaime. Likod ng palad niya ang nadakot nito. Sa halip na bitiwan iyon ay isinubo lang nito ang pop corn na nasa kamay niya. Ngumisi pa ito sa kanya pagkatapos. Saka lang nito pinakawalan ang kamay niya.
May kilabot na hatid sa kanya ang ginawa nito. Iniisip niyang dala lang ng palabirong personalidad nito ang aktuwasyong iyon. Ngunit ayaw paawat ng puso niya na tingnan iyon nang may romantic notion. At nakalimutan niyang turn-off sa mga lalaki ang pagiging heavy weight niya.
Sandaling pumalit sa screen ang ibang characters ng pelikula kaya nagawa na ni Irene na balingan siya. “O, saan galing ang pop corn mo?” mahinang tanong nito sa kanya.
Itinuro niya si Jaime. “Siya ang may dala nito, si Jaime.” Kinalabit niya ang binata. “Si Irene, bestfriend ko.”
“Hi,” kaway nito kay Irene. “Nagkita na tayo minsan.”
Kumaway rin dito ang kaibigan niya. “Hi. Oo, natatandaan ko.” Lumabas muli si Brad Pitt sa screen at doon na naman natuon ang pansin nito.
“Maka-Brad Pitt siya, ‘no?” bulong sa kanya ni Jaime na sa pagkilos ay bahagyang dumaiti ang labi sa tainga niya.
“Obvious ba?” sabi niya habang pinipigil na mapakaligkig. Alam niyang aksidente lang at hindi nito sinadya iyon. Pero alam kaya ng lalaking ito kung ano ang epekto sa kanya ng mga ginagawa nito? Kung nakatapat lang siya sa liwanag ay tiyak na mapapansin ng lahat na namumula siya sa magkahalong awareness at kilig.
“Ikaw, alam ko kung sino ang idol mo,” bulong na naman nito.
“Sino?”
“’Yang popcorn. Ang lakas mo palang lumafang niyan.”
Natatawang siniko niya ito.
Nang matapos silang manood ng sine ay nagyaya siyang kumain sa fastfood na nasa ibabang palapag ng sinehan.
“Pagkain na naman?” angal ni Jaime. “Hindi ka pa ba nabusog sa isang baldeng popcorn?” malakas nang sabi nito na ikinalingon sa kanila ng ibang tao roon.
“Huwag kang mag-alala,” napahiya at asar na sabi niya, “hindi ako magpapalibre sa iyo.”
Bahagya nitong siniko ang braso niya. “Hus, pusong mamon. Hindi ka talaga puwedeng magpalibre sa akin dahil two hundred pesos na lang ang pera ko dito. Kaya ako ang magpapalibre sa iyo.”
Nang pumila na siya sa counter ay hindi naman ito humiwalay sa kanya. Pinakamalaking burger ang iniungot nito sa kanya bago ibigay ang dalawandaan nito.
“Talagang two hundred pesos lang ang perang dala mo?” tanong niyang hindi naniniwala rito.
“Kapkapan mo man ako.” Inilabas nito ang loob ng mga bulsa ng pantalong suot nito.
“Shocks! Hindi ka pala puwedeng manligaw ng babae. ‘Kakahiyang sabihin na value meal lang ang kaya mong ipakain sa kanya.”
“Kaya nga hindi ako nanliligaw.”
“Maliit ba ang allowance na ‘binibigay sa iyo ni Tito Julio?”
“Hindi naman. Ayos lang.”
“Eh bakit wala kang pera?”
“Wala lang akong dalang malaking pera.”
“Bakit nga?”
“Alam mo kasi, ang isang magaling na negosyante, hindi waldas sa pera. Kaya ngayon pa lang, nagpa-practice na ako. Dahil alam ko, one day, magiging magaling na businessman ako. At ikaw, Lucie, my friend, ang unang makaka-witness kapag dumating na ang araw na ‘yon,” sabi nitong inakbayan siya, hinapit at nginitian.
Muntik nang magkabikig ang lalamunan niya. Ganoon kalinaw ang direksiyon nito sa buhay. At binigyan siya nito ng karangalang maging saksi sa tagumpay nito hindi pa man dumarating iyon. Pakiramdam niya tuloy ay napakahalaga niya rito. Higit sa lahat, mas lalo pa silang naging close ngayon kaysa dati.

Isla Sanctuario (Love Heals) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon