Ibang Mahal

8K 176 2
                                    


CHAPTER 3

“ANONG oras daw darating d’yan si Mama, Ate Marge?” tanong ni Jaime sa kapatid niya. Tinawagan siya nito sa telepono. Nasa ospital na ito na pinapasukan ng mama niya. Doon ito nagpa-admit matapos manganak.
“Nandito na siya,” sagot nito. “Kaninang umaga pa siya nag-duty. Matatapos na nga ang oras niya. Sabi niya dito muna raw siya sa private room ko kapag natapos ang duty niya. Kaya pumunta na kayo rito ni Papa. Ngayon na.”
“Kanina pa kami ready ni Papa sa pagpunta d’yan. Hinihintay lang namin ang tawag mo. Sige, aalis na kami.”
Nang maibaba na niya ang telepono ay nakita niyang dalawang bungkos ng bulaklak ang hawak ng papa niya. “Pupunta na ba tayo sa hospital?” tanong nito.
“Opo, ‘Pa. Para kay Mama po ba ang isang bouquet ng bulaklak?”
“Oo, anak. Sana naman tanggapin niya.”
“Paano po kung hindi niya tanggapin?”
Nagbuntong-hininga ito. “Well, matatagalan pa siguro ang panliligaw ko sa kanya kung gano’n.”
Tinapik niya ito sa balikat. “Ganyan nga, ‘Pa. Huwag kayong susuko.”
Ngumiti ito. “Jaime, hinding-hindi ko susukuan ang mama mo.”
Pagdating nila sa ospital ay wala sa silid ng Ate Marge niya ang kanilang ina. “O, nasaan na si Mama?” tanong niya rito.
“Bumaba lang sandali sa nursery. Siya na raw ang kukuha sa baby ko. Ang cute ng pamangkin mo, kamukha ni Papa.”
“Really?” nakangiting sabi ng kanilang ama. “Guwapo pala siya?”
Nagkatawanan sila. Noon bumukas ang pinto ng silid at lumitaw ang mama niya at ang isang nurse na kalong ang sanggol.
Nakita niyang medyo nagulat ang mama niya nang makita nito roon ang papa niya. Ngunit saglit lang. Mabilis din itong nakabawi. Kaswal lang ang kilos at ang reaksiyon nito. Samantalang ang papa niya ay hindi na naalis ang tingin dito matapos makita ang bagong apo nito.
“Para sa iyo,” sabi nito sa mama niya nang iabot ang bungkos ng mga bulaklak.
“Salamat.”
“Uuy, dapat may kiss,” kantiyaw ng ate niya.
Tahimik lang siya at nakikiramdam sa mga magulang niya. Nang umakma ang papa niya na hahalik sa mama niya ay ang pisngi nito ang iniharap sa papa niya.
“Yes!” sabi ng ate niya na hindi pansin na nawala sa kasisilang na anak nito ang pansin ng lahat.
“Dalawin mo naman kami ni Jaime sa bahay,” masuyong sabi ng papa niya sa mama niya.
“Bakit, ikaw ba dumadalaw sa bahay?” sagot naman ng mama niya.
Kung ibang tao lang na hindi nakakaalam sa sitwasyon nila ang makakarinig sa mga magulang niya ay tiyak na mawiwindang ang utak. Ang totoo, nako-corny-han siya sa palitan ng reaksiyon ng mga ito. Ngunit masaya siya. Mas mabuti na ang ganoon kaysa nagsisinghalan at nag-iiwasan ang mga ito.
“Papapasukin mo ba ako kapag dumalaw ako roon?”
“Hindi naman kita puwedeng bawalan. Bahay mo rin ‘yon.”
“Pakipot pa si Mama,” kantiyaw na naman dito ng ate niya. “Naku, ‘Pa, hinihintay ka lang po ni Mama na dumalaw doon.”
“Tumigil ka nga d’yan, Margarita,” kunwari ay sikmat ng mama niya sa Ate Marge niya. Kinuha nito ang sanggol sa ate niya. Ito ang kumalong sa sanggol at pinagmasdan iyon.
“Ano ba ang off mo rito sa hospital?”
“Babaguhin daw next week. Hindi ko pa alam.”
Napangiti siya. Tama nga yata ang palagay ng ate niya na nagpapakipot ang kanilang ina. Nakakatanaw na siya ng pag-asa na magkakabalikan pa ang mga ito.

WALANG choice si Jaime kundi ang magtungo sa dati nilang bahay. Hindi pa naisauli ng kaklase niya ang hiniram nitong T-square sa kanya. Kaya kukunin na lang niya ang lumang T-square niya sa kanila.
Tumunog ang message alert tone ng cell phone niya habang nagmamaneho siya ng sasakyan. Si Lucie ang nag-text. Magko-commute na lang ako. Thirty minutes na akong naghihintay rito pero wala pa rin kahit anino ng beetle mo.
Napangiwi siya. Nakalimutan niyang nagprisinta nga pala siya rito na susunduin ito sa school nito ng araw na iyon dahil marami itong bitbit. May school play ang drama guild na kinaaaniban nito at iuuwi muna raw nito ang dalawang set ng costume na gagamitin nito sa play. Nag-reply siya sa text nito. Naku, sorry. Nawala sa isip ko. Sige, pupunta na ako d’yan ngayon. Wait lang. 
Malalaki na ang titik ng naging reply nito. Di bale na lang! Sumakay na ako ng taxi!
Tinawagan niya ito. Nakakaisang ring pa lang ay pinagpatayan na siya nito ng cell phone. Napangiwi na naman siya. Kundangan namang nawala talaga sa isip niya na nag-offer siyang susunduin ito nang araw na iyon. Bumigat tuloy ang dibdib niya. Siguradong ilang araw siyang hindi iimikan ni Lucie dahil sa pagkakamali niya.
Nagulat siya nang makarating siya sa dating bahay nila. Naroon ang sasakyan ng papa niya. Bukas ang front door kaya tuluy-tuloy siyang pumasok. Napahinto nga lang siya nang marinig niya ang malakas na pagsasalita ng mama niya.
“Hindi ba ‘yon nga ang dahilan kaya mo ako pinakasalan noon? Inaasahan mo na may mag-aasikaso sa iyo! May aasahan kang magpatakbo ng pamilya! At may tutugon sa sexual needs mo!”
Wala siyang narinig na tugon doon.
“Bakit hindi ka makasagot? Aminin mong totoo ang mga sinabi ko!”
“Oo, totoo.” Boses iyon ng papa niya, mas mahina ang tinig.
“And it went for years! Tiniis ko ang mga pambabalewala mo sa mga karapatan ko! Tiniis kong para lang akong isang gamit sa bahay na ito! Tiniis ko ang lahat para sa mga anak n-natin,” basag na ang tinig ng mama niya sa puntong iyon. “Kaya wala kang k-karapatan na pilitin akong magbalikan tayo. Ngayon ko pa lang nararamdaman ang halaga ko bilang tao.”
“I’m sorry, Ana.”
“Hindi mabubura ng sorry mo ang sakit ng kalooban na matagal kong tiniis sa piling mo.”
“Pero hindi pa naman siguro huli ang lahat para magbago ako. You see, ganito ako pinalaki ng mga magulang ko. Ganito nila ako iminulat. Na ang lalaki ang hari ng isang pamilya at siya ang pinagsisilbihan. Kung mali iyon sa palagay mo, sana noon pa lang bagong mag-asawa tayo kinumpronta mo na ako. Maiintindihan ko naman siguro ang punto mo.”
“Kung mahal mo talaga ako, hindi ko na kailangang ipamukha pa sa iyo ang mga karapatan ko. Dapat naramdaman mo na iyon. You should be sensitive enough!”
Nanlulumong tumalikod na lang siya at tahimik na lumabas ng bahay nang hindi nakukuha ang pakay niya roon. Iyon pala ang tunay na dahilan kaya nag-walk out sa buhay ng papa niya ang kanyang ina.
Naging aral sa kanya ang sitwasyong iyon ng mga magulang niya. Ipinangako niya sa sarili niya na kapag nagmahal siya ng isang babae at naging mag-asawa sila, magiging bukas siya na ipakita rito ang pagmamahal at pagpapahalaga niya rito. Hindi siya gagaya sa papa niya. 

Isla Sanctuario (Love Heals) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon