Tragedy

6.6K 125 6
                                    


CHAPTER 4

SIXTEEN years later…

“SO that means magro-road trip tayo papunta sa Boracay?”
Boses iyon ng pamangkin ni Lucie na si Mariz. Kadarating lang niya mula sa kanyang boutique sa Quezon City. Nasa garahe pa lang siya ay dinig na niya ang tili nito at ng isa pa sa isa sa mga matatalik nitong kaibigan.
“Oo, sure na. Bukod kina Mommy at Daddy, kasama rin natin ang driver namin.” Tama nga ang palagay niya. Boses iyon ni Yanie, ang anak nina Jaime at Amapola. “I-text mo na kay Kitch,” tukoy nito sa gay bestfriend ng mga ito.
Sa pagdaan ng mga taon ay natutuhan na niyang tanggapin na hindi sila para sa isa’t isa ni Jaime. Lalo na at nakita niya kung paano nito minahal si Amapola na humantong sa pagpapakasal ng dalawa. Hindi siya dumalo sa kasal ng mga ito. Nag-alibi siya kay Jaime na may sakit siya para lang hindi nito makita ang pag-iyak niya sa pagpapakasal nito sa iba.
Labis siyang nahirapan noong una. Ngunit sa tulong ng Diyos ay nagawa niyang pumaibabaw sa matinding sakit dala ng pagkabigo ng lihim na pag-ibig niya kay Jaime.
Nananatili pa rin ang pagkakaibigan nila, pati na rin ni Amapola. But she had maintained a safe distance from them. Ayaw na niyang magkaroon pa ng pagkakataon para masugatan na naman ang puso niya. Marahil iyon din ang dahilan kaya hindi na niya nagawang mag-asawa kahit nasa mid-thirties na siya ngayon. Kahit pa nga nakukulili na ang tainga niya sa pangungulit ng mga magulang niya na pumili na siya ng mapapangasawa sa natitira pang mga manliligaw niya.
Nagpapasalamat siya at sa Batangas na tumitira ang mga ito. Nakabili roon ng farm land ang daddy niya nang magretiro ang mga ito. Nagpatayo ng bungalow ang mga ito roon. Paghahalaman na ngayon ang libangan ng mga magulang niya roon. Nag-aalaga rin ang mga ito ng mga pugo na commercially ay pinararami ng mga ito para sa mga itlog.
Dahil yata roon kaya nagawa na niyang tuluyang magpapayat. Hindi na kasi nila kapisan ang mommy niya na mahilig magluto. Mula sa timbang na isandaan at siyamnapu’t tatlong libra, ngayon ay one hundred twenty-six pounds na lang ang bigat niya.
Nang parehong mag-abroad ang mga magulang ni Mariz noong nakaraang buwan, sila na lang ng pamangkin niya ang naiwan sa bahay nila.
“Hindi na,” sagot ng pamangkin niya kay Yanie. “Pupunta naman siya rito mamayang hapon. Grabe! Ang saya!”
“Sabihin mo na rin pala sa Tita Lucie mo. Baka maghanap pa siya ng mahihiram na sasakyan. Hindi na kailangan dahil sa Ford Escape na tayo sasakay.”
Nakangiting bumungad siya sa pinto at nakita niya ang mga ito sa sala. “Narinig ko yata ang pangalan ko?”
“Tita,” sabi ni Mariz na bakas ang excitement sa mukha. “Sasama na raw ang parents ni Yanie sa Bora. Dadalhin nila ‘yong sasakyan nila kaya hindi mo na kailangang humanap ng mahihiraman.”
Napawi ang ngiti niya. “Kung gano’n, hindi ko na pala kailangang mag-chaperone sa iyo.”
“What do you mean, Tita?”
“May chaperone na kayo, ang parents ni Yanie. Kaya hindi na ako sasama sa inyo sa Boracay.”
Nag-angalan ang dalawa. “Naka-set na talagang kasama ka, Tita. Huwag ka namang mag-back out,” sabi ni Yanie sa kanya.
“Alam mo namang gusto namin nina Yanie at Kitch na kasama ka. Wala namang iwanan, Tita,” nagtatampong sabi ni Mariz. “Excited ka nga sa trip na ‘to, di ba?”
“Look, marami akong kailangang asikasuhin sa boutique, lalo na ngayong maraming festivities na ginagawa rito sa Luzon. Marami akong kliyente ngayon. Baka mahirapan ‘yong taong iiwan ko sa shop kung ngayon ako aalis. M-mabuti na lang at makakasama pala ang parents mo, Yanie. Puwede na akong hindi sumama sa inyo.”
Pinagtulungan siyang pilitin ng dalawa. Ngunit lahat ng alibi ay maiisip niya, huwag lang niyang makasama si Jaime sa iisang lugar nang higit sa sampung minuto. Hindi pa siya ganoon katatag kahit mahaba-haba na ring panahon ang dumaan mula nang mabigo siya rito. Higit sa lahat, ayaw niyang magkasala sa Diyos at sa asawa nito kapag nangibabaw na naman ang nakatagong damdamin niya noon para kay Jaime.

“PARANG ayoko nang bumalik sa Manila.”
Napangiti si Jaime sa sinabi ni Amapola. Kasalukuyan silang naglulunoy sa malinis na dalampasigan ng Boracay sa tapat ng Club Manor. Nakasandig ito sa dibdib niya at yakap niya ito sa baywang habang nakasakay sila sa balsang provided ng resort at nakalawit ang mga paa sa tubig.
Ikalawang araw na nila noon sa Boracay Island. Kahit marami siyang dapat asikasuhin sa opisina ay pinilit niyang isingit ang bakasyong iyon ng kanilang pamilya. Matagal-tagal na rin mula nang huli silang magbakasyon doon. At kahit nagpupunta sila sa iba’t ibang pasyalan, alam niyang espesyal para sa asawa niya ang lugar na iyon. Doon sila nag-honeymoon matapos silang ikasal noon. Doon nabuo si Yanie, bagay na nagiging biruan sa pagitan nilang mag-asawa tuwing mapag-uusapan ang tungkol sa labis na pagkahilig ng anak nila sa tubig. Dahil daw iyon sa katotohanan na sa tubig nila ito binuo. Ngunit dahil takot sa maliliit na eroplano ang anak nila ay ito ang nasunod na mag-road trip na lang sila patungo roon at mag-RORO na lang kapag kailangan na nilang dumaan sa tubig.
Tatlong araw silang mamamalagi sa isla. Kasama nila ang dalawang kaibigan ni Yanie at ang driver nila.
“Gusto mo bang dito sa Boracay na lang tayo mag-set up ng business?” sabi niya sa kanyang asawa.
Tumawa ito. “I think that’s a good idea. Pero paano na ang plans natin para sa Canada?”
Nagpaplano silang mag-migrate sa Canada for a greener pasture. Inaayos na niya ang kanilang mga papeles. At kung walang magiging aberya, malamang na sa isang taon ay makalipad na silang mag-anak doon. “Puwede pa namang baguhin ang mga plano natin.”
Pinaglaro nito ang mga daliri sa suot niyang kuwintas na may wooden beads. Matagal na ang kuwintas na iyon. Sa pagdaan ng mga taon, tatlong ulit nang napalitan iyon ng tali ngunit madalas pa rin niyang isuot. “Pero ayokong baguhin ang plans natin,” sabi nito. “Wala tayong maa-accomplish kung pabagu-bago ang mga plano natin. Anyway, kapag kapwa retirees na tayo, puwede naman tayong bumalik dito at mag-put up ng business o kaya naman, lumipat ng tirahan dito.”
Ikinalang niya ang baba sa balikat nito. “Tama ka. Kaya sulitin na lang natin ang bakasyon. Baka ito na ang maging huling bakasyon natin dito.”
“Halata nang luma ang wooden beads nito,” tukoy nito sa kuwintas niya. “Bakit ba ayaw mo pa ring hubarin ito?”
“Anting-anting ko nga ‘yan,” sabi na lang niya. Kahit minsan ay hindi niya nagawang sabihin dito na galing kay Lucie ang kuwintas na labis niyang pinahahalagahan. Isa iyon sa iilang bagay na hindi niya magawang ipaalam sa kanyang asawa.
Natigil ang pag-uusap nila nang lapitan sila ng lumalangoy na si Yanie. “Daddy! Kaya ko nang mag-dolphin style!” masayang pagmamalaki nito bago sumampa sa kinaroroonan nilang balsa.
Nangitim na ito nang husto. Wala itong pagkasawa sa tubig. Kahit na tirik na tirik ang araw ay nakalublob pa rin ito sa dagat. “Talaga ba, anak. Eh ano ‘yang nasa tagiliran mo?”
Naaalarmang tumingin ang anak niya sa tagiliran nito. “Ano po ba, Daddy?”
“Magpapaniwala ka naman dito sa ama mo,” pambibisto ng asawa niya.
“Hindi nga, totoo,” natatawang biro pa rin niya. “’Ayan o, tinutubuan ka na ng palikpik.”
Tumawa lang ito at binirahan na nang dive sa tubig.

“NAIINGGIT sina Ate Marge sa atin. Napakalamig pa rin daw roon ngayon,” sabi ni Jaime kay Amapola. Pauwi na sila noon mula sa isla ng Boracay. Naroon sila sa upper deck ng barko dahil nalulula raw ito sa ibaba. Kausap niya sa Skype ang kapatid niya kaninang bago sila tumulak patungong Calapan sakay ng RORO vessel na MV Maharlika 3. May apat na taon nang naninirahan sa Canada ang Ate Marge niya at ang pamilya nito. Mula nang magkasunod na mamatay ang mga magulang nila ay nag-migrate na ang mga ito sa ibang bansa. Ito at ang bayaw niya ang tumutulong para mapabilis ang paglakad nila sa mga papeles nila patungong Canada.
“Kailan daw ba kasi sila magbabakasyon dito sa Pilipinas?”
“Ang balak nga nila, uuwi sila rito kapag malapit na tayong umalis patungong Canada. Para daw sabay-sabay na tayong aalis dito.”
Mabagal silang naglalakad malapit sa barandilya ng barko nang bigla silang makarinig ng malakas na pagsabog. Napakapit ito sa kanya nang yumanig ang barko. “Diyos ko! Jaime, ano ‘yon? Nasaan na ang anak mo?”

TULAD ng asawa niya ay nagpa-panic na rin si Jaime ganoon din ang maraming sakay ng barko. Ang iba ay tumatalon nang wala man lang suot na life jacket o salbabida. Hawak ang kamay ni Amapola ay tinakbo nila ang kinaroroonan ng mga lifeboats at life jackets. “Yanie!” sigaw niya. Hindi niya alam kung saan susuling sa pagsisikap na makita ang anak nila sa gitna ng nagkakagulong mga tao. Kay lakas ng tambol ng dibdib niya habang ang asawa naman niya ay umiiyak na. “Yanie! Nasaan ka?!”
Maagap na kumuha siya ng dalawang life jacket at isinuot ang isa sa asawa niya. Tanaw niya sa ibaba na naibagsak na ang ilang lifeboats at nagsisimula nang tumalon patungo roon ang mga tao.
“Amapola, mauna ka nang tumalon. Hahanapin ko muna ang anak natin bago ako sumunod sa iyo.”
Iyak at tango lang ang naitugon nito bago ito yumakap nang mahigpit sa kanya. Isang mabilis na halik muna ang idinampi nito sa bibig niya bago ito pumayag na alalayan niya upang makatalon.
Nang matiyak niyang maayos na nakasakay ito ng lifeboat ay tumakbo na siya para hanapin si Yanie. Ngunit hindi niya ito makita. Sa halip, si Mariz ang nasalubong niya. “Si Yanie? Nasaan si Yanie?”
“Kasama po siya ni Kitch, Tito. Malamang nauna na silang tumalon sa lifeboat. Halika na po! Baka maubusan na tayo ng space sa lifeboat!” Nagpahatak na siya rito. Ngunit pinauna niya lang na makatalon ito. Sinikap pa rin niyang hanapin si Yanie habang nakatunghay siya sa mga lifeboat na noon ay nasa tubig nang lahat.
“Go! Go! Umaapoy na ang barko at tumatagilid na! Talon!” utos ng ilang crew na itinulak na siya pati na ang iba pang naroon na hindi magawang tumalon.
Napilitan na siyang tumalon. Ngunit lubhang malayo sa binagsakan niya ang pinakamalapit na lifeboat kaya sa tubig siya bumagsak. Nilangoy na lang niya iyon. Pagod na pagod na siya nang makalapit siya sa isa. Tinulungan siya ng mga sakay noon na makasakay rin. “Salamat…” Sinisipat niya ang mga sakay ng mga lifeboat na nasa tubig nang mamataan niya ang anak niya sa bandang kanan malayo sa lifeboat na kinaroroonan niya. “Yanie!”
Lumingon ito sa gawi niya. “Daddy!” sigaw nitong naiiyak na.
Alam niyang gusto nitong lumipat sa kinaroroonan niya ngunit malayo ang distansiya nila sa isa’t isa. “Stay calm, Yanie! Makakaligtas tayo, anak.”
“Nasaan si Mommy?”
“Napunta siya sa ibang lifeboat doon sa kabilang side.” Tahimik siyang nagpasalamat sa Diyos na ligtas silang lahat. Sana lang ay may dumating agad na mga rescuers.
Hindi pa gaanong natatagalan nang marinig niya ang sigaw ng anak niya. “Daddy!”
Hindik na napamata siya sa kinaroroonan nito. “Y-Yanie…?” Mabilis na umuusad palayo ang lifeboat na sinasakyan nito kahit wala namang sumasagwan doon. Noon siya nakaramdam ng matinding takot. Diyos ko! Iligtas mo po ang anak ko.

Isla Sanctuario (Love Heals) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon