Heart Rending

5.9K 120 8
                                    


CHAPTER 8

HINDI makatulog si Lucie. Uminom na siya ng gatas kanina ngunit lampas-ala una na nang hatinggabi ay dilat na dilat pa rin siya.
Nahihirapan na siya sa sitwasyon. Alam niyang may bahagi na si Emil sa puso niya ngunit hindi pa rin mawala sa sistema niya si Jaime. Lalo na ngayong madalas na naman siyang puntahan nito at kausapin. Oo nga at wala itong sinasabing nanliligaw na naman ito sa kanya. Ngunit ang mga tingin nito at sulyap, ang mga kilos nito sa kanya ay nagpaparamdam na nanliligaw na naman ito.
Kung minsan, nagdududa siya tuloy kung tama ba na sinagot niya ang panliligaw ni Emil. Daig pa niya ngayon ang naiipit sa dalawang nag-uumpugang bato. Malinaw nang pinagseselosan ng boyfriend niya si Jaime, at hindi niya ito masisisi. Hindi niya mapigilan ang sarili niya na maging bukambibig si Jaime. Apektado siya ng malalim na lungkot nito. Apektado siya kahit ng presensiya lang nito.
Natatakot na tuloy siya. Ayaw niyang saktan si Emil. Lalo na ngayon, ipinararamdam na nitong gusto na nitong yayain siyang pakasal. At kapag dumating na ang pagkakataon, alam niyang hindi niya ito matatanggihan.
Tumunog ang message alert tone ng cell phone niya. Nagtaka siya nang mabasang kay Jaime galing ang mensahe. I saw the light in your room. Are you still awake?
Napatingin siya sa kabilang bahay. Buhay din ang ilaw sa isang silid doon. Gising din pala si Jaime.
Wala siyang balak sagutin ang text ngunit muli na naman itong nag-text sa kanya. If you're still awake, can I come over? Hindi rin ako makatulog. Hirap na hirap na ako.
Hindi siya agad maka-reply sa text nito. Dapat ba niyang papasukin na naman ito sa kanila?
Muli na namang nag-text ito. Sobrang sakit ng ulo ko. Hindi man lang nabawasan sa pain killer na ininom ko.
Nakakatawa ngunit relief ang naramdaman niya na kaya nahihirapan ito ay dahil sa sakit ng ulo. Nakaramdam din siya ng awa rito. Matagal na ring walang nag-aasikaso rito. Lalo na ngayong live out ang dalawang kasambahay nito. Nag-text na siya. Okay, you can come over.
Wala pang dalawang minuto ang dumaan nang mamataan niya ito sa harap ng gate nila. Nakasuot ito ng jacket na ipinatong nito sa suot nitong pajama. Parang ginaw na ginaw ito gayong hindi naman malamig.
"Salamat, Lucie," maamong sabi nito nang papasukin niya. Napansin niyang parang paos ang boses nito.
"Kailan pa sumakit ang ulo mo?" bungad niya. "Ano ba'ng nararamdaman mo bukod sa sakit ng ulo? May lagnat ka ba?" tanong niya sabay salat sa noo nito. "Mainit ka, ah."
Sumiksik agad ito sa sulok ng sofa. Tila nanginginig ang katawan nito. "Kanina lang ito. Naulanan ako kagabi nang maglakad ako sa oval. Pero uminom naman ako ng gamot."
Iniwan niya ito sandali para kumuha ng comforter. Pagkatapos ay ipinagtimpla niya ito ng caffeine-free tea na pinigaan niya ng lemon. Ikinuha na rin niya ito ng gamot at ng bulsa de yelo.
"Salamat," sabi nito bago higupin ang tsaa.
"Tingin ko trangkaso ang dumapo sa iyo. Kanina ka pa sana nakainom ng gamot para sa flu."
Malungkot na ngumiti ito. "Magpapakasal na ba kayo ni Emil?"
"Hindi, ah." Napipilan siya pagkatapos. Napabigla ang sagot niya. Kung bakit naman kasi bigla na lang nitong isiningit ang tanong na iyon.
"Pero kapag nag-propose siya sa iyo, tatanggapin mo?"
Ilang sandali muna ang dumaan bago niya ito nasagot. "Dapat lang namang tanggapin ko, di ba? Masuwerte ako kay Emil. Mahal niya talaga ako. Mabait siya, dependable. Open siya sa pagpapakita kung gaano niya ako pinahahalagahan."
Naglihis ito ng tingin na tila nasaktan. "Pero tatanggapin mo nga?"
"S-siguro."
"Kung mahal mo rin siya, magiging sigurado ka sa sagot mo."
"I would need time to think it over."
"Anong panahon pa ang kailangan mo eh thirty-something ka na?"
Muntik na siyang mapangiwi. Ipagdiinan ba ang edad ko? "Ipinagtutulakan mo na naman ba ako sa pag-aasawa?"
"Kahit kailan, hindi kita itutulak na mag-asawa sa ibang lalaki," sabi nitong bumaling sa kanya. Hindi niya magawang salubungin ang matiim na titig nito. "But I want you to be happy, Lucie. And I mean it. You may not believe it, though."
"I-inumin mo na ang gamot mo," pag-iiba niya. Ngunit talagang pursigido si Jaime na ituloy ang paksa.
"Kaya rin naman kitang paligayahin. I, too can be dependable. Hindi ko masusukat kung gaano ka kaimportante sa akin pero napakahalaga mo sa akin. At hindi iyon dahil lang sa kailangan kita. By now, I guess... I guess you've pretty much weighed up how much you meant to me. Pero hindi ko na ipagpipilitan ang sarili ko sa iyo. Gusto ko lang malaman mo na nandito lang ako... naghihintay."
Para siyang mabibikig sa pagbaha ng emosyon sa dibdib niya. Walang paalam na iniwan niya ito bago pa niya maipagkanulo ang kanyang sarili.
Tinanghali siya ng gising kinabukasan. Nakapasok na sa school si Mariz nang magising siya. May iniwan itong note na idinikit ng magnet sa ref. Nagulat daw ito na may natutulog silang bisita sa sala. May hotdogs daw sa microwave at may mainit na tubig sa percolator. Tumawag daw si Ate Nona na hindi muna makakapasok dahil may trangkaso raw ang bunsong anak. Mukhang kumakalat ang flu virus. At gaya ni Jaime, pati ang anak ni Ate Nona ay hindi nakaligtas doon.
Binuksan niya ang ref at naglabas ng mga itlog. Kadalasang cereal drink, lacatan at toasts lang ang kinakain nila sa umaga. Ngunit dahil naroon si Jaime ay nagsalang siya ng kape sa coffeemaker. Nagprito rin siya ng itlog at nagsalang ng tinapay sa toaster.
Napangiwi siya nang mapansin niyang lampas nang alas nuwebe sa orasan sa kusina. Tinawagan niya ang assistant niya sa shop at sinabing bago mag-lunch pa siya makakapasok.
Tulog na tulog pa rin si Jaime nang tingnan niya ito sa sala. Kailangan na nitong makainom ng gamot kaya napilitan siyang gisingin ito.
"Thank you for taking me in for the night. Salamat din sa pag-aalaga. Sorry, ha? Nang-abala na naman ako," apologetic na sabi nito nang magising at yayain niyang dumulog na sa breakfast table. "Ito na siguro ang pinakamatinong tulog ko mula nang lumabas ako sa rehab."
Nang salatin niya ang noo nito kanina ay wala na itong lagnat. Ngunit halata pa rin ang pamamalat nito. "You have to take care of yourself. Lalo na ngayong nalaman mo nang buhay pa si Yanie."
"I was hoping it would be you who'd do the caring part."
"Hindi magugustuhan ni Emil kung maririnig niya ang sinabi mo."
Hindi na ito umimik. Tahimik nitong tinapos ang almusal at agad na nagpaalam sa kanya. "Maraming salamat, Lucie. I owe you again."
"Huwag mong isipin 'yon. Teka, hindi mo pa pala nainom ang gamot mo."
Hindi niya inaasahang lilikumin nito ang kamay niya nang iabot niya rito ang kapsula. Napatingin siya rito na noon ay nakatitig pala sa kanya. Dama niya ang sagitsit ng malakuryenteng puwersang nagmumula sa palad nito. Daig pa niya ang nahihipnotismong nakatingin lang dito at walang ginagawang pagtutol kahit na nang dalhin nito ang kamay niya sa bibig nito.
"Bakit gano'n?" anas nito pagkatapos. "Kapag nakikita kitang kasama ni Emil, para na naman akong nauulila. Ang sakit-sakit, Lucie. Parang hindi ko kakayaning makita na makasal ka sa kanya. But I also know that you deserve somebody like him. Kaya... kaya para wala akong magawang bagay na makakasakit sa relasyon ninyo, siguro doon muna ako uuwi sa dating bahay ng parents ko."
Ibig sabihin noon ay baka matagalan o hindi na niya makita ito. Tutol ang loob niya roon. Ayaw niyang mapalayo ito sa kanya.
Pero hindi rin niya kayang saktan ang kalooban ni Emil.
Parang mawawasak ang puso niya nang tumalikod na si Jaime at lumabas na ito ng bahay nila.

Isla Sanctuario (Love Heals) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon