final chapter

254 10 1
                                    

CHAPTER TEN

NALUKOT KAAGAD ang mukha ni Krissa nang mapagbuksan ng pinto si Lorra kasama ang asawa nito.  Nais niyang dambahin ito at pagsasampalin dahil sa laki ng kasalanan nito sa kaniya pero napigilan niya pa rin ang kaniyang sarili.

“Anong ginagawa niyo dito?”  Tanong niya sa mga ito habang bumabayo ang kaniyang dibdib.

“Alam kong wala na kaming karapatan na magpakita pa sa iyo matapos ang lahat ng nagawa ko sa iyo.”  Anitong napayuko.

“Buti alam mo!”  Narinig niyang sabi ni Jessica na nasa likod na pala niya.  Hawak nito ang isa sa mga kambal at hawak naman ng yaya ang isa.

Nakita niyang nanlaki ang mga mata ni Lorra nang makita ang mga apo.  Ilang saglit ding nakatunganga lang ito at nakatitig sa mga bata.  Nakita niya ang pagkapit nito sa kamay ng asawa.  “Ipasok niyo ang mga bata sa kuwarto.”  Utos niya sa dalawa.  Ayaw niyang bigyan ng kaligayahan ang mga ito.  Nakita niya kasing nangislap ang mata ng dalawang kaharap nang makita ang mga anak niya.

Nakita niyang nagkandahaba pa ang leeg ng dalawa sa pagsunod ng tingin sa mga anak niya.

“Makakaalis na kayo Mr and Mrs Carlos, marami kaming ginagawa.”  Aniyang itinaboy na ang mga ito.  Wala siyang pakialam kung sabihin man ng mga itong bastos siya. 

“Si Charles, ilang araw ng hindi lumalabas ng silid.  Nag-aalala ako para sa aking anak.”  Anitong tumulo na ang luha.

Naapektuhan siya sa sinabi nito pero sinikap niyang huwag iyong ipahalata sa mga ito.  “Hindi ko na iyan problema Mrs. Carlos, matagal na kaming wala ni Charles.”

Napaiyak na ito.  “Inaamin ko sa iyo, walang kinalaman si Charles sa lahat ng plano namin ni Sarah kaya hindi deserve ng anak ko ang masaktan ng ganito katindi.” 

“Resulta iyan ng iyong pagkakamali Mrs Carlos.”  Aniyang pinigilan din ang pagpatak ng kaniyang luha. Anong karapatan nitong saktan sila ni Charles ng ganito?

“Nagmamakaawa ako sa iyo Krissa, kailangan ka ni Charles ngayon.  Kailangan niya rin ang mga anak mo.  Kung may nalalabi ka pang pag-ibig sa kaniya ay puntahan mo siya.”

Napaismid siya.  “Pasensiya na po pero ayaw ko ng makialam sa problema niyong mag-ina.”  Aniyang tinalikuran na ang mga ito.

“Parang awa mo na Krissa, gagawin ko ang lahat.”  Anitong lalong lumakas ang pag-iyak.

“Magkano?” Humarap siyang muli sa mga ito.  “Magkano naman ngayon ang iooffer mo sa akin para puntahan naman ang anak mo?  Dalawang milyon, tatlong milyon?”  Hindi na niya napigilan ang pagpatak ng kaniyang luha.  “Hindi mo ako kayang bilhin Mrs. Carlos kaya wala ka ng magagawa para magbago pa ang isip ko.”

“Ina ka na rin Krissa kaya alam kong naiintindihan mo ang nararamdaman ko ngayon. Kung kinakailangang lumuhod ako sa harapan mo ay gagawin ko, puntahan mo lang ang anak ko.”

“Sige nga!”  Narinig niyang muli ang tinig ni Jessica.  Nasa hagdan pala ito at nanonood sa kanila.

Inirapan niya ito kasi nakita niyang namula ng husto ang mukha ni Lorra. 

Nakita niya rin na pinigilan ng asawa nito ang siko ni Lorra nang tangkain nitong lumuhod sa harap niya.

Tumulo na ang luha niya.  Alam niyang mahirap sa isang mayamang tulad nito ang lumuhod sa harap ng isang mahirap lang na gaya niya. Sobrang naantig ang kalooban niya nang makitang tinabig nito ang kamay ng asawa at lumuhod nga ito sa harap niya.

Nakita niyang lumuha rin ang asawa nito, maya-maya pa ay lumuhod na rin ang lalaki at sinamahan ang asawa.

Napatalikod siya kasabay ng pagyugyog ng balikat niya. Hindi na niya kinaya ang nakitang eksena. “Tumayo na kayong dalawa.”  Aniyang hindi nilingon ang mga ito. Tiningala niya si Jessica na mukhang na-touched din sa nakita. “Bihisan niyo ang mga bata, papasyal sila sa ama nila.”  Aniyang pumasok na lang sa kusina upang doon itago ang kaniyang pagluha.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 13, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Almost over you (complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon