Chapter 1 - Talia
Kasalukuyan akong naglalakad ngayon sa ilalim ng matirik na araw upang makahanap ng matutuluyan. Sukbit ko ang aking green na backpack na bigay sakin ni mama noong ika-12 birthday ko laman ang mga damit at iilan kong pansariling gamit. Sa kanang kamay ko ay hawak-hawak ko ang aking sirang payong na hinigit ko lang mula sa lagayan ng aming sapatusan. Nagamit ko pa ito kanina ngunit dahil mumurahin lang ito at sa malakas na paghigit kanina buhat ng pagmamadali , madali itong nasira.
Lumapit ako sa isang tindahan para bumili ng softdrink upang mapatid ang aking uhaw at makasilong na rin. Sobrang nakakapaso ang init na tumatama sa aking balat kaya nagdesisyon akong mamahinga sa tindahan. Dahil na rin sa sobrang kapaguran ay hindi ko namalayang nakaidlip na pala ako.
"Ne, oy ne aba gising. Tindahan ito hindi ito hotel." sita sakin nung matanda at masungit na tindera.
"Ah oho. Pasensya na po. Sensya na talaga." Tumango-tango ako dahil sa sobrang pagkahiya. Ikaw ba naman makatulog sa pampublikong lugar ay mahihiya ka talaga. Baka nga ay may nangtrip pa sakin eh, pinicturan pa ako habang tulog. Kadalasan pa naman ay nakanga-nga pa ako at humihilik pa. Ayy, ano ba yan nakakahiya.
Paalis na ako nun nang may nakita akong nakapaskil sa pader sa tabi ng tindahan- WANTED: BEDSPACER.
Shet! Pag sineswerte ka nga naman oh.
Dali-dali kong pinindot ang doorbell. Naeexcite ako dahil sa wakas, makakahanap na rin ako ng ginhawa. Madaling araw ako umalis sa amin at hindi pa ako nakakapahinga ng maayos, bukod na lang sa mabilis na pag-idlip sa tindahan. Hay, naalala ko na naman ang kahihiyan ko kanina.
"Bakit? Sino ka?" tanong sakin ng matandang babaeng naninigarilyo. Siya siguro ang may-ari ng bahay.
"Magandang umaga po. Balak ko po sanang magtanong tungkol po sa bedspace. Ako po si Nat-" Hindi, dapat walang makaalam ng pangalan ko o ang tunay na pagkatao ko. Kanina ko pa napagdesisyunan yan ngunit hindi ko naisip ang ipapangalan ko. Napalingon ako sa gawing kanan, may nakadikit doon sa poste ng kuryente at may nakasulat na 'VOTE SANDRA MARQUEZ FOR COUNCILOR!' Tama! Ayun ang pangalang gagamitin ko. "Sandra Marquez po-"
"Niloloko mo ba ako? Eh konsehala yang si Sandra Marquez ah!" pataray na tanong niya. Hala, napansin niya kaya ang paglingon ko?
"Ahh ehh, baka kapangalan ko po siya. Tama, madami naman pong Sandra Marquez diba?" Kabado kong sagot. Di ko pa nga alam kung effective to eh.
"Sabagay. Oh bakit? Ano ulit sabi mo?"
"Ahh, magtatanong lang po ako sa bedspace. Kung meron pa ho."
"Hmm, meron pa. Bakit? Kukuha ka?" sabay buga sakin ng usok mula sa sigarilyo. Mabuti na lang at nakaiwas ako.
"O-opo." Utal kong sagot. Naiilang kasi ako sa ginawa niya, bugahan ba naman ng usok. Ayy bakit ba ako naiilang, siya na nga may kasalanan. "Ahh magkano po?"
"P1,800 kada buwan. P6000 downpayment, pang dalawang buwan. Teka kukuha ka nga? Eh ang bata mo pa ah!"
Nga-nga. Grabe ang mahal. Di ko alam na ganun pala kamahal ang bedspace. Kulang pa ang dala kong pera. Dalawang libo lang, inipon ko pa ito buong 2nd yr ko. Mahilig kasi akong mag-ipon, nanay ko ang nagturo sakin nito bata pa lang ako. Kaya sa murang edad, alam ko na agad ang halaga ng pera.
"Ahh hindi na po. Sige po, alis na ako." paalam ko.
"Hay ano ba yan hindi naman pala kukuha. Istorbo!" pahabol pa ng matanda bago pa pumasok ulit. Eh sa hindi ko kaya eh! Patirahin mo ako ng libre.
Tuluyan na akong naglakad palayo. Sa kasamaang palad, kumukulimlim pa! Peste, uulan pa nga ata. Tsk, napakamalas!