Chapter 3: The One With The Line

856 25 21
                                    


CHAPTER 3

GINUSTO ko 'to. Ito talaga ang gusto kong mangyari. Yung makita ni Mama na masama ako. Malaman ni Papa na masama ako. Maabutan akong gumagawa nang ipinagbabawal sa bahay na ito. Ilang beses ko nang sinubukang gumawa nang mabuti, naging pinakamabuti na rin nga ako minsan, pero wala, hindi nila napansin. Ngayon sigurong masama na ako. Makukuha ko na ang kanilang atensyon.

Nanatiling nakatayo si Mama sa may pinto. Tiningnan ang buo kong kwarto. Una sa akin. Tapos, sa nagkalat na mga chips at mga bote ng beer sa sahig. Tapos sa gitara kong na mesa, nakatakip sa mga notebooks at calculator ko. Tapos, sa lalaking nakatapis ng twalya. Tapos, bumalik ang mga mata niya sa akin na kapirasong kumot lang ang nagtatakip sa katawan.

"Mag-c-CR lang ako," sabi ni Mama. "Nagpa-park na ang Papa mo."

Tumalikod si Mama at iniwan kami.

Hindi ko alam ang mararamdaman. Hanggang sa tumingin sa akin ang lalaking pain ko sa mga plano ko. Kabado siya. naramdaman ko. Lumipat sa akin ang kaba niya. Nagkatitigan pa kami at pinagsama ang takot namin sa aming mga mata. Kaunting tango, tapos alam na namin. Kailangan na naming maghiwalay.

Mabilis na nagbihis ang kasama kong lalaki na hindi ko matandaan ang pangalan. Nagtapis naman ako ng twalya. Tapos ay inihatid ko siya sa kusina kung saan may daan palabas ng bahay.

"Pakisara ang gate," sabi ko, na lilinga-linga na baka makita kami ni Papa. Akala ko matapang ako. Akala ko, kaya ko ang sitwasyon. Pero nang makita ko na ang mga mata ni Mama kanina, hindi ko pala kaya. Lalo pa ang mangyayari kung si Papa ang makakaalam.

GUMISING ako sa oras na pasok pa sa itinakda para gumising. Breakfast na. Pupungas-pungas pa ako nang tumabi sa upuan ni Mama. Nilalagyan na ni Papa ng pagkain ang plato ni Patrick na nasa kanan niya.

Dumating si Mama na may dala pang isang putahe. Ang aga-aga para sa kare-kare. Paborito ni Patrick.

Umupo si Mama sa tabi ko.

"Kumain ka na rin," sabi ni Mama sa akin. Sumunod na lang ako.

Kaunti lang ang usapan habang kumakain. Mga kwento ni Patrick tungkol sa Singapore. Kung paanong second place sila sa kanilang project. At kung paanong muntik na silang manalo.

Marami pa, pero iyon na lang ang inalala ko. Second place. Napangiti ako. Napansin pala ni Papa.

"Hindi ka pa naliligo?" tanong ni Papa.

"Mamaya na po, bago pumasok," paalam ko.

"Hindi ka ba sasabay sa amin ni Patrick?" tanong ni Papa.

"May tatapusin pa po akong paper," sabi ko.

"Ilang taon mo nang tinatapos ang paper na 'yan," sabi ni Papa.

"Five years naman po talaga ang Engineering," sabi kong proud pa. Fifth year na ako. Hindi pa ako overstaying.

"Pero ga-graduate ka ba?" Iyon lang. Doon ako natameme. Fifth year nga ako ngayon, pero hindi ako graduating. Napahinga nang malalim si Mama at naramdaman ko ang mga mata niya sa gilid ng mata ko.

"Baka magkasabay pa kayo ni Patrick grumadweyt sa isang taon," tuloy ni Papa

"E di bongga," sabi ko.

Nanlaki ang mga mata ni Mama na tuluyan nang tumingin sa akin. Napatitingin din sa akin sina Papa at Patrick.

"E di sabay, double celebration," tuloy ko. "Sa kasal lang naman may sukob."

Michael's Song (BoyXBoy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon