Chapter 1

153 3 0
                                    

NAMANGHA si Leighton sa kagandahan at sa teknolohiyang nakikita niya mula sa himpapawid. Nang lumapag at bumaba na sila mula sa spaceship na kinalululanan nilang apat ay napahanga siya sa paligid dito sa mundo ng mga Quasarian. Nakita niya ang mga lumilipad na mga sasakyan na may apat na tigda-dalawang hanay, ayon sa bawat direksyong pinanggalingan o pinupuntahan ng mga ito.

May isang grupong sumalubong sa kanila at nakita niya ang isang may edad na lalaking tila nangunguna sa mga ito. May mabalasik itong mukha, mahaba ang buhok na hanggang balikat na kulay puti katulad ng ibang kalalakihan sa Quasar at kulay dilaw ang mga mata nito.

Agad niyang nakilala ito ayon sa nasabi na sa kanya ni Raz tungkol kay Xuatur081281. Napatitig siya rito habang napuna niyang may isang magandang babaeng sumalubong kaagad kay Raz at hinaplos ang pisngi nitong may ngiti sa mga labi. Tinawag nitong Pommea111351 ang babae at nakuha niyang ito pala ang ina ng dalaga. Napakaganda rin pala ng ina nitong parang kasing-edad lang ng dalaga.

"Dumating na rin kayo sa wakas. Ngunit... may kasama kayong isang dayuhang taga-Earth." Narinig pa niyang sabi ni Xuatur081281 na nasa kanya nakatuon ang matalim nitong paningin.

Naramdaman niya kaagad ang tila pagkamuhi nito sa kanya. At kahit alam niyang nababasa nito ang nasa isipan niya'y hindi niya maiwasang magkaroon ng galit rito nang dahil sa mga kuwento ni Raz. Ngunit naalala niyang dapat nga palang maging magalang siya at dapat na magkagaanan ng loob sa mga Quasarian kung nais niyang manatili rito sa tabi ni Raz. At dahil doon ay napuna niya ang kakaibang ngiti sa labi ng pinuno ng mga taga-Hilaga.

Binati na lang niya ito at ang ibang mga kasamahan nito. Saka ipinakilala niya ang kanyang sarili.

"Ako po ay si Leighton Reeds, ang nobyo ni Raz—I mean, Stauwraz661980."

Nakita niya ang tuwa sa iba ngunit may iba namang nakasimangot nang dahil sa sinabi niya. Agad namang ipinaliwanag ni Raz ang tungkol sa pagtawag niya rito ng "Raz" at napatango-tango ang mga ito maliban kay Xuatur081281.

"Ridryrq030613, ikaw na muna ang bahala sa nobyo ni Stauwraz661980." Ang narinig niyang sabi ni Xuatur081281.

Napabaling siya sa magandang lalaking Quasarian na pinagseselosan. Hindi naman niya mababasa ang ekspresyon nitong blangko habang inilagay nito ang kamao sa ibaba ng baba nito bilang pagsaludo sa pinuno ng mga taga-Hilaga. Nalaman na niya ang weird na salute ng mga Quasarian. Saka napatingin siyang muli kay Xuatur081281. "Mamaya na ako susunod sa isang 'to. Gusto kong makita ang kabuuan ng Quasar. Maaari po ba?"

Napatitig sa kanya ang lahat.

"Hindi kasama sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Quasarian ang salitang pag-ibig. Leighton Reeds, ano ba talaga ang layunin mo sa pagsama mo kay Stauwraz661980?" ang may pagdududang tanong ni Xuatur081281 sa kanya.

Napabaling muli ang mga Quasarian sa kanya. Ngumisi naman siya rito. "Gusto kong ipakita sa lahat ng mga naririto kung ano ang tunay na pag-ibig."

Nakita niyang tila nang-uuyam ang mga mata ni Xuatur081281 sa narinig. Humakbang itong palapit sa kanya. "Isa ba itong panghahamon sa akin, Leighton Reeds na taga-Earth?"

Ngumiti lang siya rito at kumakanta na naman sa kanyang isipan upang hindi nito mabasa ang nararamdaman niya. Kahit papaano ay medyo natatakot din siya sa Xuatur081281 na ito.

"Ako na ang bahala sa kanya, Pinunong Xuatur081281," sabat pa ni Ridryrq030613.

Bumaling siya kay Raz. Seryoso ang berde't asul na mga mata nitong nakatingin sa kanya. Saka tumango naman ito. Gumalaw ang may kombinasyong itim at puti nitong buhok na mahaba. Gusto niya iyong haplusin ngunit nagpigil siya dahil sa mga Quasarian na naririto.

Her Boyfriend is an Alien (Book 2) - Published under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon