Prologue

699 8 2
                                    

NAGKAKATITIGAN sina Leighton at Ridryrq030613. Narating nila noon ni Raz ang kinaroroonan ng ama nitong si Ouxeb060254. Binigyan naman siya ng huli ng isang tableta na nilunok niya kaagad habang ipinaliwanag ng dalaga na iyon ay upang makaintindi siya sa lenggwaheng Quasarian.

Binati niya ang ama ng dalaga. Tumango lang naman ito sa kanya at bumaling sa anak nitong hinahawakan pa rin niya sa kamay.

"Stauwraz661980, handa ka na ba?" tanong pa ng gwapong Quasarian sa anak. Maputi at hanggang balikat ang tuwid nitong buhok katulad ng kasama nito. Asul naman ang mga mata nitong tila nanghihigop sa anumang tinitingnan nito.

Tumango naman ang dalaga. "Pero isasama natin si Leighton. Tayo na," ang himok pa ni Raz at walang nagawa ang mga ito.

Marami na ang mga taong nagkakagulo sa hindi kalayuan. Balitang-balita na ang naka-landing na spaceship at may iilang press na nakakuha ng retrato rito. Kaya dapat lang na umalis sila sa lalong panahon bago pa man may mangyaring hindi kaaya-aya.

Lumulan na sila sa malaking spaceship. Iiwan lang pala ni Raz ang kanyang naayos na mini-spaceship nito. Naisipan rin nitong bumalik saglit sa bahay niya upang maghabilin ito kay Angel na baklang PA niya. Nang bumalik na ito'y nahalata niyang hindi na nito suot ang choker.

Nagtaka naman siya noong una at naintindihan rin iyon nang ngumiti ito sa kanya. Nais nitong magkaroon siya ng komunikasyon sa baklang PA at sa pamilya niya—kina Lola Nita niya at Violy na pamangkin niya—kapag kinakailangan sa pamamagitan niyon.

Ang choker ng dalaga ay daig pa ang Skype at anumang social network o app na makakausap ang sinumang wala sa Earth at makikita ang kausap sa pamamagitan ng isang hologram. At nang bumaling siya sa nagpipiloto'y nakita niyang may button itong pinindot.

Naramdaman na niyang pumapaitaas na ang spaceship na walang kaingay-ingay, hindi katulad ng eroplano o kaya'y helicopter. Napalingon siya sa tabi niyang si Ridryrq030613 na siyang piloto ng sasakyan. Saka nakita niyang umuulan na sa baba't kumikidlat pa.

'Cool!' naisip pa niya dahil nagsitakbuhan na ang mga tao para humanap ng masisilungan.

Samantalang ibinigay sa kanya ni Raz ang bawat detalye kung saka-sakaling magkaroon ng emergency. Sa isipan lang sila nag-uusap habang tahimik silang nakasakay sa high-tech na spaceship ng mga Quasarian. Napamangha naman siya sa himpapawid at lalo na nang makaalis na sila sa atmospera ng Earth. Saglit niyang nakita ang mga satellites, ang International Space Station, mga space junk at iba pang mga bagay sa kalawakan.

'Nakakamangha pala ang kalawakan,' naisip pa niya. Pinigilan lang niya ang sariling huwag mapasigaw nang pumasok sa isang madilim na wormhole ang kanilang sinasakyan at ilang segundo rin siguro iyon bago nila iyon nalagpasan. Saka bumungad sa kanyang mga mata ang dalawang wormholes sa Andromeda Galaxy na minsan na ring naikuwento ni Raz sa kanya.

Papalayo sila roon nang papalayo hanggang sa makita niya ang kulay lilang atmospera. Iyon ay hudyat nang malapit na sila sa planetang Quasar. Sa tantiya niya'y hindi naman siguro umabot ng isang araw ang paglalakbay nilang ito sa kalawakan nang dahil sa napakabilis ng spaceship na kanilang sinasakyan. Daig pa nito ang ilang taong paglalakbay sa palabas na "Interstellar" na ang isang oras ay pitong taon ang nakalipas sa Earth.

Her Boyfriend is an Alien (Book 2) - Published under LifebooksTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon