Chapter 3

82 7 2
                                    

KAAGAD niyang pinatay ang sindi sa palito ng posporong hawak niya. May bigla kasi siyang naalala mula sa libro na nabasa niya noon. Na mangyayari lamang raw ang bagay na iyon sa ganap na ika-tatlo ng umaga. Walang anu-ano'y tinignan niya ang wrist watch na suot. Nakalimutan niyang hubarin iyon sa kaniyang kamay dala na rin ng sobrang antok. Maghapon ba naman silang naghuntahan ni Wincy.

Nabanggit pa nitong darating rin ang mga kaibigan nito sa San Agustin at doon din mananatili hanggang sa kasal. Marahil ay mga malalapit na kaibigan lamang iyon ng kaniyang pinsan. Sinamahan pa niya itong hintayin ang mga paparating na bisita ngunit mag-a-alas dose na ng hating gabi ay wala pa rin ang mga ito. Kaya sa huli, sabay na rin silang umakyat ni Wincy at ang nobyo na lamang nitong si Red ang naiwan sa baba.

Halos limang minuto pa bago sumapit ang ikatlo ng umaga. Wala pang isang minuto ay kating kati na siyang gawin ang ritwal. Hindi pa man din niya dala ang kaniyang cellphone. Kung alam lamang niya na gagawin niya ito'y sana binitbit na rin niya ang naturang gadget. Ang pagbutinting kasi sa bagay na iyon ang ginagawa niya sa tuwing naghihintay siya ng oras. Isa pa, hindi naman niya sigurado kung ano ang mga katagang iuusal niya kapag nakaharap na siya sa salamin mamaya. Sa pagkakatanda niya ay mayroon ding isang ritwal na ginagawa sa kaparehong oras kung saan may isang duguang babae na nagpapakita sa salamin. Maisip pa lamang niya ay kinikilabutan na siya. Para tuloy gusto niyang umatras at isantabi na nang tuluyan ang kung anumang kalokohang naiisipan niya.

It's now or never! pagkumbinsi sa kaniya ng kung saang bahagi ng isip niya.

Muli siyang tumingin sa wristwatch, isang minuto nalang pala bago mag-alas tres. At nang makita niya ang malikot na kamay ng orasan na tumapat sa ika-walong numero, may pagmamadali na ngang sinindihan niya ang kandila. Nang masigurong may apoy nang naglalandas sa kandila ay pikit matang humarap siya sa salamin. Muli na namang sumingit sa isip niya ang imahe ng babaeng duguan. Kaya hindi pa man din niya nauusal ang mga katagang pilit niyang pinaulit ulit sabihin sa isip kanina ay napadilat na siya. At ganoon nalang ang panlalaki ng mga mata niya sa nakita. Napalakas yata ang sigaw niya kaya mabilis nitong tinakpan ang bibig niya.

Napatigil lang siya sa pagpupumiglas nang narinig niya itong dumaing. Bigla siya nitong pinakawalan at sinundan niya ng tingin ang paghagod sa braso nitong sa tingin niya ay natuluan ng kandilang hawak niya.

"Are you okay?" agad niya itong dinaluhan at wala sa sariling hinawakan ang napaso nitong braso.

Ramdam naman niya na tila baga nanigas ito sa kinatatayuan dahil sa ginawa niyang paghawak sa braso nito.

"T-teka, kukuha lang ako ng ointment sa itaas," akmang aalis na siya ngunit maagap nitong hinawakan ang braso niya.

Mas nagtriple tuloy ang kabang nararamdaman niya ngayon. Bakit ba naman kasi bigla bigla nalang itong susulpot? At sa lahat ng taong pwedeng maging kabute katulad ng ginawa nito, ay bakit ito pa? Totoong nagulat siya nang makita ang mukha nito sa salamin kanina. Magkahalong takot at kaba ang naramdaman niya. Nandoon na tila baga may nabuhay rin na kung anumang damdamin sa puso niya. Iyon bang damdamin na matagal niyang sinupil sa kaniyang sistema.

"No need, Syd. Okay lang naman. Malayo naman ito sa bituka eh. Huwag ka nang pumanhik at baka mamaya, hindi ka na naman bumalik," kausap nito sa kaniya.

Bakit ganoon? Tila may pangungulila sa boses nito? Bakit parang may nais itong ipahiwatig sa mga sinabi nito? Bakit parang natatakot itong mawala siya sa paningin nito? God, bigla siyang nalito sa inaakto nito.

Sa huli ay pinili niya itong harapin. Nakahawak pa rin ito sa braso niya kaya ganoon nalang kaliit ang agwat nila sa isa't-isa. At ngayon ngang magkalapit lang sila, mas nasiguro niyang si Luke nga ang taong kaharap niya ngayon. Akala niya kanina'y namamalikmata lamang siya.

My Man in the Mirror (✔)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon