GHOST 1 - TANGLED FATES

664 28 3
                                    

"Effective talaga ito huh?" tanong sa akin ng mayamang matandang kaharap ko. Ang init init na nga ng panahon ay hindi pa rin niya magawang tanggalin ang dose dosenang alahas na nakasabit sa buo niyang katawan. Kulang na lang ay maging pawnshop siya sa itsura niya ngayon.

"Hindi ka ba naniniwala sa maganda kong pagmumukhang ito?" umarte akong naaasar sabay agaw sa hawak hawak ng kliyente kong maliit na bote na may lamang manilaw nilaw na likido.

"Ikaw naman, hindi ka na mabiro. Bibilhin ko na ito Hannah, tantanan lang ako ng namayapa ko ng asawa at ng makalabas labas na rin ako para mag party." pinaagaw ko ulit yung hawak kong bote tsaka ko inilabas ang palad ko para hingin ang limang libong pisong bayad ng pantaboy sa multo.

"Kukunin mo rin naman pala eh. Nagpakipot ka pa." nagtatampo kong sagot sabay hugot sa ilinalabas na pera nung matanda.

"Salamat Hannah ah. Hulog ka ng langit." pasasalamat nung matanda tsaka na ako sumibat.

Paglabas na paglabas ko naman sa building ay lumabas na ang aking konsensya - si Datu Makisig. Isang saksakan ng gwapong multo na nabuhay raw noong siglong hindi pa ako pinapanganak. Itataboy ko sana noon ang espirito niya ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagmahalan kaming dalawa.

"Hannah, linoko mo na naman yung matanda. Hindi naman iyon pantaboy ng multo kundi ihi ng isang matanda sa golden homes." sermon ni Makisig. Buti nga at hindi na malalim ang tagalog ni Makisig. Noong una kasi ay parang kausap ko ang Lolo ng aking ninuno.

"Effective din yun. Ikaw nga ay takot dun." sagot ko naman.

"Isa akong Datu! Wa-wala akong kinakatakutan." nagtatapang tapangan na depensa ni Makisig. Ilinabas pa nga niya ang kanyang sandata o punyal.

"Sige nga." tsaka kong nagbibirong bubuksan ang isa pang bote nang lumayo na sa akin si Makisig.

"Oh ano ngayon? Eh di takot ka rin?"

"Pe-pero kung malaman nung matanda na peke yung ibinigay mo?"

"Hindi niya malalaman. Una, dahil wala na sa bahay nila ang namayapa niyang asawa. Pangalawa at pinakaimportante." tsaka ko itinuro ang isang matandang multo na may kaakbay na isa pang mas batang multong babae. Pilit na tinatanggal ng babae ang pagkakaakbay sa kanya tsaka tatakbo at hahabulin ulit ito ng matanda. Napanganga na lang si Makisig sa kanyang nakita.

"Gets mo na? Hayun sumakabilang bahay na rin ang sumakabilang buhay." dagdag ko pa habang pailing-iling pa rin si Makisig. Nagtaka naman ako kung bakit mukhang hindi sang-ayon si Makisig sa kanyang nakita eh kung sa pagkakaalam ko ay maraming asawa ang isang datu. Nakaramdam naman ako ng kaunting pagseselos ng naisip ko iyon.

"Makisig, hindi ka rin ba nakapag-asawa ng marami nung buhay ka pa?" tanong ko habang patuloy kaming naglalakad. Pasikreto kong pinagmasdan ang imahe ni Makisig. Totoo ngang wala siyang katawan ngayon pero bakas ang kagwapuhan niya. Ang mahaba niyang buhok at ang katawan niyang nakikita sa suot niyang pang mandirigma. Hindi maikakailang maraming babae ang nabaliw sa kanya noon.

"Maaga akong binawian ng buhay at tanging pagsasanay sa paghawak ng sandata ang araw araw kong inatupag noon." malungkot na sagot ni Makisig.

"Kung ganon ay gusto mo ring maranasan magka-girlfriend kung may tiyansa ka ganun?" galit kong sagot tsaka ko ilinabas ang isang maliit na punyal na gamit ko sa pagtataboy ng espirito.

Agad namang natakot si Makisig at nagmakaawa.

"Ikaw lang ang iniirog ko." pambobola ni Makisig. Syempre kinilig ako. Patweetums kong isinuksok ulit ang punyal sa bewang ko.

THE EXORCIST'S LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon