"DANNY!" Tumakbo si Ruth palapit sa kababata at hinawakan ang magkabilang pisngi nito. Pero kahit na magkaharap sila parang hindi siya nito nakikita. Uminit ang mga mata niya. Lalo na nang makalapit na rin si Selna, natataranta ring hinawakan naman ang mga kamay ng kababata nila.
"Sabi ko sa kaniya tiisin niya kaso hindi na niya kinaya ang gutom niya. Parang bigla na lang siya nawala sa tamang katinuan, tumayo at sinubo lahat ng mahawakan. Ruth, anong nangyayari sa kaniya?"
"Nasa ilalim siya ng kapangyarihan ng lugar na ito kasi kinain niya ang pagkain dito. Kapag hindi siya nakawala sa mahika matutulad siya sa mga matatandang alipin na nandito," garalgal na sagot niya.
Naramdaman niya ang presensiya ni Andres sa tabi niya. "Ano ang puwede nating gawin?" nagaalalang tanong nito.
Dumagundong ang malakas na kulog. Gulat na napatingala silang tatlo sa langit. Nagkaroon uli ng nakakabinging kulog pero wala namang humiwang kidlat sa langit. Nanlaki ang mga mata niya nang marealize na ang Bakunawa ang gumagawa ng ingay na parang kulog. Pagkatapos parang galit na lumipad ito palayo, na parang nainis na kasi hindi nagtagumpay makakain ng buwan. Isang malakas na kulog uli ang nag echo sa paligid at saka tuluyang nawala ang Bakunawa. Malamang bumalik na sa pinakailalim ng dagat kung saan ito nakatira. Kasi mayamaya pa, natahimik na ang langit at wala na rin ang tila bituing kumikinang galing sa mga kaliskis nito.
Biglang gumalaw si Danny. Napunta uli rito ang tingin nilang magkakaibigan. Nagulat si Ruth nang hawiin sila ng binatilyo at nagsimulang maglakad palapit sa mga residente ng Sitio Nawawala. Nataranta sila at sinubukan itong hawakan para pigilan pero para bang nagkaroon ito ng kakaibang lakas. Imbes kasi na mapigilan ito silang tatlo pang nakahawak dito ang nakakaladkad sa bawat hakbang nito. Kahit paulit-ulit nilang tawagin ang pangalan nito parang hindi sila naririnig. Hanggang mapabitaw na sila at tuluyan itong makalapit sa mga residente.
Napanganga si Ruth nang ipaikot ng magandang babae ang mga braso nito sa katawan ni Danny. May nakaguhit na ngiting tagumpay sa mga labi ng babae habang nakatingin sa kanila. "Kahit anong gawin niyo, hindi na niya kayo maririnig. Kami na lang ang pakikinggan niya mula ngayon. Pag-aari na namin siya nang sandaling tanggapin niya ang pagkaing nasa lamesa."
"Hindi," pahikbing ungol ni Selna.
"Please, ibalik niyo siya sa amin," sabi ni Andres na humakbang paharap, hinarang ang katawan kina Ruth at Selna. "Kaya niyo siya pakawalan kung gugustuhin niyo, 'di ba?"
"Pero ayaw namin siya pakawalan," ngiting ngiti na sabi ng isa pang babae na mukhang teenager. Nagulat siya kasi ngayon lang niya ito napansin. Na para bang sinadya nitong itago ang presensiya mula pa kanina.
"Ah, ito ang anak ko," sabi ng magandang babae na hinaplos ang buhok ng teenager. "Naiinip siya dahil wala siyang kaedad dito sa amin. Ngayon may makakasama na siya."
"Pakawalan niyo si Danny," sigaw ni Selna.
Ni hindi man lang ito tinapunan ng tingin ng magandang babae pero sumagot naman. "Puwede namin siyang pakawalan pero kailangan may kapalit. Ikaw," biglang turo nito kay Andres. "Kung magpapaiwan ka, aalisin ko ang mahikang nakabalot sa kaniya ngayon. Sa totoo lang, mas tipo ka namin ng anak ko. At kung magsasakripisyo ka, hindi lang namin ibabalik ang lalaking ito, makakauwi na rin silang tatlo ngayon mismo. Ano? Maganda ang alok ko, 'di ba?"
"Hindi kami papayag," mabilis na sagot ni Ruth. "Wala kaming iiwan dito. Makakauwi kaming apat."
Napunta sa kaniya ang tingin ng magandang babae. Nawala ang ngiti nito at naningkit ang mga mata. "At paano kayo makakauwi? Ah... naniniwala kang babalikan kayo ni master Lukas? Huwag mo lokohin ang sarili mo. Hindi na siya babalik. Wala siyang rason para intindihin kayo. Baka nga kung nasaan man siya ngayon ay hindi na niya kayo naaalala. Iba siya sa ating lahat. Bakit siya magaaksaya ng panahon sa inyo?"
Kumuyom ang mga kamao ni Ruth at mariing itinikom ang bibig. "Naniniwala ako sa kaniya. Sinabi niyang babalik siya bago mag bukangliwayway," mariing sagot niya.
Tumawa ang magandang babae. Histerikal. Nakakakilabot. "Si master Lukas, pinapaniwalaan mo? Mali ka ng pinagkakatiwalaan. Mas nakakatakot at walang awa pa siya kaysa sa amin. Isa pa, kung ako sa inyo hindi ko na hihintayin magbukangliwayway. Kasi oras na lumiwanag at nasa ilalim pa rin ang lalaking ito ng kapangyarihan namin, hindi na siya makakabalik sa dati. Sa oras na iyon wala nang makakapagpalaya sa kaniya. Matutulad siya sa iba naming alipin. Dito siya tatanda at kalaunan dito rin siya mamamatay at magiging pagkain ng mga demonyo at halimaw na nagtatago ngayon sa dilim."
Umiiyak na si Selna. Parang nilalamutak ang puso ni Ruth kaya nahihirapan siya mag-isip ng paraan para mautakan ang mga residente ng Sitio Nawawala. Nakatuon na kasi sa kanila ang buong atensiyon ng lahat. Wala na kasi ang Bakunawa na kinatatakutan ng mga ito.
"O kung ayaw niyo talagang may maiwan... bakit hindi rin kayo kumain ng mga pagkain namin?" nakangiting sabi ng isang lalaki na humakbang palayo sa grupo. Ibinuka pa nito ang mga braso, umaastang friendly at welcoming. "Wala na akong alipin at kanina ko pa kayo gustong dalawa. Hindi ako katulad ni Eugenia." Turo nito sa magandang babae na nakahawak pa rin kay Danny. "Hindi ko pinapagod at pinapahirapan ang mga nagiging alipin ko. Inaalagaan ko sila. Magiging masaya kayo sa piling ko. Ano sa tingin niyo?"
May malisya ang titig ng lalaki na pinaraan pa ang dila sa ibabang labi. Naramdaman ni Ruth na natensiyon si Andres at lalo pang hinarang ang katawan sa kanila ni Selna. Nang sulyapan niya ang mukha nito napansin niyang mariing nakatiim ang bagang nito at halatang galit. Pagkatapos bumuka ang bibig nito at hindi pa man nanlamig na siya kasi alam niya ang sasabihin nito.
"Magpapaiwan ako. Pakawalan niyo si Danny at pauwiin niyo na silang tatlo," determinadong sabi ni Andres.
Ngumisi ang magandang babae na ngayon ay alam na nilang Eugenia ang pangalan. Unti-unti nitong binitiwan si Danny at iginalaw ang mga daliri, sinesenyasan si Andres na lumapit. Tumango ang binatilyo at kumilos para maglakad pero mahigpit nila itong nahawakan ni Selna sa magkabilang braso.
"Huwag. Hindi puwedeng may maiwan sa atin," mariing sabi ni Selna.
Tumango si Ruth. Pagkatapos pinagtama niya ang mga paningin nila ni Andres. "Apat tayo nakarating dito kaya apat din tayong lalabas. Magkakaibigan tayo. Walang iwanan."
Malungkot na ngumiti ang binatilyo at dahan-dahang kumawala sa hawak nila ni Selna. "Pero mas mapapanatag ako kung magkakasama kayong tatlo. Mga bata pa kayo magkakaibigan na kayo. Mula pa noon naiinggit at humahanga na ako sa bond na mayroon kayong tatlo. Ako ang pinakahuling naging bahagi ng grupo kaya ako ang magpapaiwan."
Nainis si Ruth sa dahilan ni Andres. Akala pa naman kasi niya hindi na nito dinidistansiya ang sarili sa kanila pero ginagawa na naman nito. Itinaas niya ang noo. "Ako na lang ang magpapaiwan tutal ako naman ang dahilan kaya tayo napadpad dito."
Nanlaki ang mga mata nito at marahas na umiling. Si Selna suminghot at kahit nanginginig ang boses ay nagsalita na rin, "Hindi. Ako na lang ang magpapaiwan."
"Huwag na kayo magtalo. Sabi ko naman welcome kayong lahat dito," natatawang sabi ng lalaking nakakatakot. Pagkatapos nagsimula na rin sumang-ayon ang ibang residente at nakangising humakbang palapit sa kanila. Nahinto sila sa pagtatalo at naging alerto. Kung titigan na kasi sila ng mga ito ay parang gusto na silang kainin.
"Aw... gusto ko ang takot sa mukha ng isang 'to."
Napasinghap sila nang sa isang iglap nasa tabi na nila ang nakakatakot na lalaki at hinawakan ang braso ni Selna. Tumili ang bestfriend niya. Hindi na nag-isip si Ruth. Naunahan na siya ng protective instinct niya para sa kaibigan. Mabilis na hinawakan niya ang kamay ng lalaki at pakalmot iyong hinila para mabitawan si Selna.
Nagulat ang lalaki, napahiyaw at nanlilisik ang mga mata na itinaas ang kamay na nakalmot niya. Bago pa may makapagreact sa kanilang tatlo ay kumilos na ang kamay na iyon at hinablot ang braso niya. Napangiwi siya sa sakit ng pagbaon ng mga kuko nito sa balat niya. Hinila siya nito hanggang halos madikit na siya sa katawan nito. Pagkatapos hinawakan naman ng isa pa nitong kamay ang baba niya at halos bumaon din ang mga kuko nito sa kanyang mga pisngi.
"Bitawanmo siya!" sigaw ni Andres at akmang hihilahin siya para bawiin pero biglang maymalakas na puwersang lumabas sa nakakatakot na lalaki. Tumilapon si Andres atSelna. Nanlaki ang mga mata ni Ruth nang magtama ang mga paningin nila nglalaki. Itim na itim na kasi ang mga mata nito. "Pinapasabik mo ako, dayo.Higit sa takot na babae, mas gusto ko ang palaban na katulad mo. Mas masayamagpaamo at umangkin ng rebeldeng alipin. Bagay tayong dalawa, dayo."

BINABASA MO ANG
SPIRAL GANG 1st Tale: Ang Nawawalang Bayan
ParanormalTHIS IS A MOON BRIDE PREQUEL SERIES. Ang mga pangyayari sa series na ito ay naganap ilang buwan bago ipanganak si Ayesha, sa bayan kung saan siya lumaki. Let's go back to year 1999, when internet is still not the center of our lives. Siguro maiisi...