Prologue

33.6K 436 11
                                    

"Are you all right, hijo?"

Napatingin si Kiko sa kanyang mommy. Nasa sasakyan sila at pauwi sa probinsiya. Pupuntahan nila ang kanyang daddy at kapatid. "I am," matipid na sagot niya.

Ang totoo, nagtatampo siya sa ina. Matagal na silang hindi nakakabisita sa kanyang daddy at kapatid. Naging abala kasi ang mommy niya sa trabaho. Ito ang presidente ng Zenith Industries, isang korporasyon na itinatag ng ama nito—ang lolo niya.

Hindi maintindihan ni Kiko kung bakit kailangan pang maghiwalay ng kanyang mga magulang. Matagal na panahon na iyong nangyari. Halos wala pang malay ang kapatid niyang si Toto na four years old pa lang noon.

Ang akala niya noong una, maibabalik din ang samahan ng mga magulang. Gusto niyang magkaroon ng ordinaryong pamilyang magkakasama sa ilalim ng iisang bubong. Miss na miss niya palagi ang kanyang kapatid. Ramdam niyang malayo na ngayon ang loob nila sa isa't isa. At ayaw niya niyon.

Wala namang ibang lalaki sa buhay ng mommy ni Kiko at wala rin namang ibang babae sa buhay ng kanyang daddy. Pero ayaw na ng dalawa na magsama. Kaya sila ni Toto ang nahihirapan.

Ang sabi naman ng mommy niya, mas mabuti raw ang ganoong setup. Ipapaliwanag naman daw nito ang tungkol doon pagdating ng panahon, kapag matured na raw siya.

Isa pa iyon sa ikinakatampo ni Kiko sa ina. Maiintindihan naman niya kung ano pa man ang dahilan nito. Fourteen years old na siya. Pero iba ang opinyon ng kanyang mommy at wala siyang magagawa para mabago iyon.

"Are you sure?" tanong uli ng mommy niya. "Kanina ka pa nakasimangot."

"It's just that I miss Daddy and Toto so much and I don't understand why we can't all be together."

Bumuntong-hininga ang mommy niya at tinapik ang kanyang likod. "In time, you'll understand. Saka doon ka naman magbabakasyon, 'di ba?"

Tumango na lang si Kiko. Kahit palaging may tanong, naniniwala siya na tama ang kanyang mommy. Wala pa itong ginustong ipagawa sa kanya na natanggihan niya. Halimbawa, kapag gusto nitong sumama siya sa kanyang mga pinsan na hindi kasundo, ano man ang sabihin niya, susunod din siya.

Naaawa siguro siya sa ina. Alam niyang pinili nito ang ganoong kalagayan ng pamilya nila pero hindi nakaligtas sa kanya ang lungkot na palaging nasa mga mata nito.

Dala ni Kiko ang mga gamit at marami rin siyang pasalubong sa kapatid at ama. He was looking forward to that summer vacation. Nandoon sa kabilang bayan ang kaibigan niyang si Anton. Anak ito ng kaibigan ng mommy niya.

Noong Christmas vacation lang ay ipinakilala sa kanya ni Anton ang mga kaibigan nito. Kasundo naman niya ang lahat. Nagtawagan pa sila ni Anton at sinabi nito na balak daw ng barkada na mag-hiking. Siyempre, kasama siya.

Taga-Pakyit-pakyitan ang grupo nina Anton habang taga-Capitañes naman siya. Magkatabi ang dalawang bayan. May punerarya ang pamilya ng kanyang ama at ito ang funeral director.

Nang makarating sa De Cambre Funeral Homes ay nakita agad ni Kiko ang ama. Nakalahad ang mga kamay nito sa kanya. Niyakap siya nito, pero saglit lang.

"Binata na nga pala ang isang ito," sabi ng kanyang ama habang ginugulo ang buhok niya. Itinaas nito ang kamay na tinampal naman niya.

Masayang-masaya siya. Kahit bihira silang magkitang mag-ama, sa tingin niya ay wala pa rin itong kapantay bilang isang ama.

Nang makita ni Kiko ang kapatid ay niyakap agad niya ito. "Marami akong pasalubong sa 'yo, Toto!"

"Laruan, Kuya?" Nanlalaki ang mga mata nito. Hindi malaki ang agwat ng edad nila pero parang batang-bata pa si Toto. Dahil siguro sa simpleng pamumuhay sa probinsiya. Isa pa, ang pinsan nilang mas bata nang ilang taon ang kalaro ni Toto.

Territorio de los Hombres 5: Francisco de CambreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon