"Kumusta'ng date?"
Muntik nang atakihin sa puso si Marivic nang magsalita agad ang mama Julia niya pagkabukas na pagkabukas niya ng ilaw sa sala. Nasapo niya ang puso at hinimas-himas ito habang hinarap ang magaling na ina. Gabi na at hindi niya inaasahang gising pa ito.
Prenteng nakaupo ito sa sofa. Nakahalukipkip, nakapatong ang dalawang paa sa center table at nakadamit pantulog na. Maputing-maputi rin ang mukha nito dulot ng white cream na palagian nitong nilalagay sa mukha tuwing gabi. Pampaputi at pampakinis daw iyon ng mukha.
"'Ma naman eh!" pinandilatan niya ito ng mata.
"Oh bakit?" painosenteng tanong nito.
"Bumusina naman kayo ng maayos. Aatakehin ako sa puso sa inyo."
"Magugulatin ka lang talaga. Oh, kumusta na sabi ang date?"
Nagsalubong ang kilay niya at nalukot ang mukha. Kapagkuwa'y ngumiti ng sarkastiko. "Great 'Ma! Sobrang nag-enjoy ako sa ahente ng mga gamot na iyon. In fact, binigyan niya pa ako ng homework at mukhang may quiz kami bukas." Itinirik niya ang mga mata.
Unexpected ang date na iyon. Ipinaalam lang ng nanay niya sa kanya kahapon na may nakaschedule daw siyang dinner date sa anak ng kaibigan ng kumare nito. At dahil isa siyang masunuring anak at sanay na sa pinaggagagawa ng nanay niya sa love life niya, umuo na lang siya. Hindi na siya nag-effort pang magpaganda at sinuot na lang ang nadampot na bestida sa cabinet. At gaya ng laging mga nakakadate niya, nagtatapos iyon na puro pintas ang nirereport niya sa ina.
Napahampas ito sa hangin. "Hus! Isang beses pa nga lang kayo nagdedate, ganyan ka na kung makapintas? Nag-ooverreact ka lang, anak."
Mas lalong hindi maidrawing ang mukha niya sa sagot nito. "Overreact?! Nay, wala kaming ibang pinag-usapan kanina kundi ang mga generic name ng kung anu-anong gamot at kung para saan ang mga iyon. Binilinan pa kong tandaan iyon para naman sa susunod na may mangyari sakin ay alam ko na daw ang dapat kong bilhin."
"Ayaw mo nun? Concern yung tao sa kalusugan mo. Sa panahon ngayon, bawal ang magkasakit." hiniram nito ang tagline ng isang commercial.
Napailing siya. Nilapag niya ang ladies bag sa center table, tinabihan ito at ginaya ang posisyon. "So ibig sabihin, willing kayong magkaroon ng manugang na pandak, manipis na ang buhok at paniguradong ilang taon na lang ay makakalbo na at malaki ang tiyan?"
Automatic na napatingin ito sa kanya. Tiniyak munang nagsasabi siya ng totoo bago nagsalita. "Ganun ang ka-date?"
Ngumisi siya at itinaas-baba ang dalawang kilay bilang sagot. Okay, she was exaggerating. Hindi talaga pandak ang lalaki – lamang lang siya dito ng dalawang pulgada. Manipis nga ang buhok nito pero hindi pa naman ito makakalbo in the next ten years. At mas lalong hindi naman ganun kalaki ang tiyan nito. Siguro ay dahil hindi lang ito nag-eexercise kaya may konting umbok ang tiyan.
Saglit muna itong nag-isip. "Okay na yun kaysa naman tumanda kang dalaga."
"Ma!" napataas ang boses niya.
"Oh bakit? Bente-otso anyos ka na Marivic pero wala pa ring nobyo hanggang ngayon. Kelan mo pa balak kumuha? Kapag trenta ka na? At ilang taon ka na nun pag nagkataong nagpakasal kayo? Trenta 'y singko? Papano pa kapag nagkaanak ka na? Bente anyos pa lang ang anak mo, malapit ka ng magretiro. Hindi ka na makakasabay sa kanya."
"Para kayong ewan 'Ma." reklamo niya. Ganun ang nanay niya. Masyadong mabilis mag-isip. Two thousand ten pa lang pero ang iniisip na ay ang mangyayari sa taong two thousand seventy. Naniniwala ito sa matagalang relasyon kaya may timeline na ang relasyon niya sakaling ngayong taon siya makakahanap ng boyfriend.
BINABASA MO ANG
The Unscripted Love (UNEDITED & COMPLETED)
RomancePUBLISHED: May 2011 Dalawa ang rason ni Marivic kaya pumayag siya sa pakulo ng kanyang ina na makipag-date siya kay Lance. Una, gusto niyang makuha ang pinakaaasam na bakanteng unit sa commercial building na pag-aari ng pamilya niya para sa itatayo...