"Himala!"
Natigil sa ginagawa si Marivic sa biglaang pagsulpot ng ate Marilou niya sa tabi niya. Saglit lang niyang kinunutan ito ng noo pagkuwa'y binalewala na niya at pinagpatuloy ang ginagawa – ang tumunganga sa mga dahong masayang sumasayaw sa hangin na nasa harapan niya habang nakahiga siya sa hammock na matatagpuan sa gilid ng hardin nila.
"Anong nakain mo't hindi ka na nagkukulong sa kwarto mo ngayon? Tinamad kang magtrabaho?" Humila ito ng isang upuan at inilagay sa bandang ulunan niya. Umupo ito doon.
"Masama na bang magpahinga ngayon?"
Pagak itong tumawa. "Ang init ng ulo natin ah."
Humalukipkip lang siya. Wala siya sa mood makipag-usap kaninuman. Siguro naman ay halata iyon ng ate niya sa hilatsa ng mukha at sagot niya, ano?
"Mabuti pa, tikman mo tong bagong recipe ko."
Binalikan niya ulit ito ng tingin. Noon niya lang napansin na may dala-dala pala itong mangkok. Iyon ang narinig niya kaninang pinag-uusapan nito at ng Mama niya. Umaga pa lang, pero ayun at nandoon na ang ate niya para ipagmayabang sa ina ang putaheng ineksperimento nito.
"Panigurado namang masarap yan." sagot niya na lang. Ibig sabihin ay wala siya sa mood maging hurado ng luto nito.
Nakita niya sa sulok ng mata ang pagngisi ng ate niya. Pagkuwa'y nilagay sa kandungan nito at sinabayan siya sa pagtingin sa mga dahon sa itaas. "Ano bang problema ng mga dahon?"
Alam niya, siya ang dahon na tinutukoy nito.
"Ewan." Tanging sagot niya.
"Sabi ni Mama, tatlong araw na raw'ng hindi nagpapakita dito si Lance."
Sa pagbanggit nito ng pangalan ng lalaki ay umalsa ang ilang araw niya ng tinatagong inis para sa lalaki. Nagsalubong ang kilay niya. "Pakialam ko sa lalaking yun? Ang saya ko lang na hindi na siya nagpaparamdam." Naghihimutok ang dibdib na sabi niya dito. Humalukipkip siya.
Dahil sa sagot niya ay tuluyan ng humalakhak ang ate niya. "Halata ngang wala kang pakialam. Kaya ang tsismis sakin ni Mama ay aburido ka na simula pa kahapon dahil tatlong araw ng hindi nagpapakita sayo si Lance."
"Naniwala ka naman kay Mama? Lahat na lang ginagawang isyu nun eh."
Natawa ito. "Huwag ka ng magtampo diyan. Eh diba, may salu-salo sa kanila next week? Baka abala yun kaya di pa nagpaparamdam sayo."
"Abala daw..." naiinis na gagad at bulong niya sa sarili. Bakit kailangang sa Mama niya lang sabihin iyon? Kahit man lang sana simpleng text gaya ng, "Hoy Miss, hindi ako magpaparamdam ng tatlong araw. Huwag ka munang aasa ha?" ay gawin nito. Pero ang damuho, simula nang magdinner sa kanila at halikan-halikan pa siya sa noo nang gabing iyon ay hindi na nagpakita pa sa kanya! Iyon ba ang sinasabi nitong ito na ang bahala sa drama nila? Papano siya magtitiwala dito kung parang sumusuko na ito sa palabas nila?
"Tinatablan ka na no?" tukso sa kanya ng ate Marilou niya. Tumaas-baba ang kilay nito.
"Tinatablan ng ano?" singhal niya sa kapatid.
"Ng charm ni Lance! Kaya kahapon ka pa ganyan. Malamang hindi ka na sanay na hindi siya nakikita o nakakasama kaya hindi maipinta yang mukha mo."
"Huwag ka ngang imbento, ate." mas lalong nagsalubong ang kilay niya. "Ba't ako mahuhulog sa buhawi'ng yun eh wala naman kagustu-gusto sa ugali niya?"
BINABASA MO ANG
The Unscripted Love (UNEDITED & COMPLETED)
RomansaPUBLISHED: May 2011 Dalawa ang rason ni Marivic kaya pumayag siya sa pakulo ng kanyang ina na makipag-date siya kay Lance. Una, gusto niyang makuha ang pinakaaasam na bakanteng unit sa commercial building na pag-aari ng pamilya niya para sa itatayo...