"May nagawa ba kong kasalanan?" untag ni Lance kay Marivic.
Napakislot siya sa biglaang pagsalita ng lalaki kaya naman hindi niya napaghandaan ang isasagot dito. Alam niyang kanina pa nito nahahalata ang pananahimik niya simula nang makaalis sila ng farm.
Kunwari ay natawa siya. "Bakit mo naman naisip yan?"
Kumibit ito ng balikat. "Nananahimik ka lang naman kapag asar na asar ka na sakin eh."
Muli siyang nagbigay ng isang plastic na tawa. "Patawa ka, Lance. Napagod lang ako kaya trip kong manahimik ngayon. Yun lang yun."
Saglit siya nitong tinitigan na parang hinahanap sa mga mata niya ang katotohanan. Ipinagpasalamat niya na lang na nagdadrive ito kaya hindi ito makatingin ng maayos sa kanya. Hindi nito nakita ang totoong nararamdaman niya.
"Nag-enjoy ka ba?"
Tumango siya. "Oo naman. Ang bait ng mga empleyado mo eh. Asikasong-asikaso nila ako kanina nung umalis ka saglit. San ka nga pala pumunta nun?"
"Ha?" para itong nahuling nagtataksil sa asawa sa ekspresyon ng mata nito. "Ano, may problema lang yung isang kaibigan ko. Naaksidente kasi ang nanay niya. Humingi ng tulong kaya sinamahan ko sa hospital. Hindi ko kasi matanggihan eh."
Siyempre, mahal mo eh. Gugustuhin mo bang tumanggi sa kanya gayong iyon na ang pagkakataon mong makasama siya? Matapos lumapit si Arlene dito ay saglit lang itong pumunta sa kanya para sabihing may importante lang itong aasikasuhin. Pagkatapos nun ay dali-daling pumasok na ito ng bahay para maligo. Nakita niya rin ang pag-alis ng sasakyan nito sakay si Arlene.
Tumango-tango siya kunwari. "Kumusta naman yung nanay niya?"
"Maayos naman."
Muli siyang tumango. Pagkatapos ay katahimikan na ang sunod na namayani sa kanila. Maging nang humimpil ang sasakyan ito sa harap ng bahay nila.
"Salamat nga pala sa pag-imbita."
"Sigurado ka ba talagang ayos ka lang?" nag-aalalang tanong nito sa kanya.
Pinilit niyang ngumiti. "Oo naman. Napagod lang ako. Ang kulit kasi ni Mulo eh."
Alam niyang hindi ito totally kumbisido sa sagot niya. Pero dahil ramdam nitong ayaw niyang umamin ay pinabayaan na siya ng binata. Lumabas ito para ipagbukas siya ng pinto.
"Kita na lang tayo bukas." anito nang nasa harap na sila ng gate.
"Baka pass muna ko. Ang dami ko ng nakatambak na trabaho eh." tanggi niya. A part of her wanted him to insists on going out together. While a part of her wanted the opposite. Hindi niya kasi alam kung papano aakto sa harap ng binata na ganito ang nararamdaman. Hindi siya sanay. Wala sa usapan nilang makaramdam siya ng lungkot dahil lamang nalaman niyang may muntik na palang mapakasalan si Lance noon kung hindi lang nagkamali ang babae.
Nang tumango ito ay mas lalo siyang nalungkot.
"Ikaw ang bahala. Asikasuhin ko na lang yung iba kong dapat asikasuhin."
Gaya ng pagbisita sa nanay ng mahal mo.
Lumapit ito sa kanya para hagkan siya sa noo. Pumikit siya at ninamnam ang halik nito. Bakit may pakiramdam siyang iyon na ang huling pagkakataon na mararamdaman niya ang halik ng binata?
=================================
Pasado alas onse na sa wall clock ni Marivic pero hanggang ngayon ay gising na gising pa rin siya at nakaharap pa rin sa laptop niya. Ini-edit niya ang mga nakuhang pictures ng debut party na dinaluhan niya noong isang linggo.
BINABASA MO ANG
The Unscripted Love (UNEDITED & COMPLETED)
RomancePUBLISHED: May 2011 Dalawa ang rason ni Marivic kaya pumayag siya sa pakulo ng kanyang ina na makipag-date siya kay Lance. Una, gusto niyang makuha ang pinakaaasam na bakanteng unit sa commercial building na pag-aari ng pamilya niya para sa itatayo...