8

536 29 0
                                    

FELECITY

NANGINGILID NG mga luha ang mga mata niya. Nanginginig naman ang kaniyang kalamnan pero kahit ganoon ay tila napako siya sa kaniyang kinatatayuan. Naging mabigat ang kaniyang katawan at ayaw nitong sumunod sa kaniya. Nanatiling nakatingin at nakikinig siya sa karumaldumal na nagaganap sa likod ng shelf, ang kataksilan ng taong una niyang minahal at ang kataksilan ng taong una niyang pinagkatiwalaan bukod sa kaniyang pamilya.

Bakit ganito? Hindi ko naman puso ito ah? Pero bakit masakit pa rin? Nasasaktan pa rin ako. Daing niya sa kaniyang isipan na punong-puno ng paghihinagpis. At sa unang pagkakataon, ngayon pa kung saan patay na siya, ay nakaramdam siya ng matinding galit. Tama nga siguro ang kasabihang may maliit na nag-uugnay sa pagmamahal at pagkapoot. Tumutulo man ang kaniyang mga luha ay hindi lungkot ang sinasalamin ng kaniyang mga mata kun'di purong pagkasuklam.

Nasa ganito siyang estado nang bigla siyang mahulugan ng isang libro mula sa kaniyang uluhan. Alam niyang hindi masyadong malakas ang impact pero nabuway ang kaniyang pagkakatayo at nanlabo ang kaniyang mga mata. Tila may mga usok siyang nakikita pero wala naman siyang naamoy. Hanggang sa tuluyan nga siyang matumba na lumikha ng ingay na nakapagpagulat hindi lamang sa dalawang taong nasa likod ng shelf kun'di sa buong tao na nasa loob ng library.

"SHIT!" 'YON ang salitang unang narinig ni Xyril kasabay ng tila mga nagmamadaling yabag palayo. Mabilis na napadilat siya nang maramdaman niyang nakahiga siya sa malamig sa konkretong sahig ng library. Hindi niya alam kung bakit siya nakahiga lalo na sa library. Una, hindi niya ugaling matulog kung saan-saan. Ikalawa, hindi niya akalaing malapit nang maggabi base sa dilim na sinasaad ng mga bintana. Mabilis siyang napatayo nang magsidatingan ang mga pamilyar na mukha nina Mila, Ed, Lyndrian, ang guro nilang si Mister Reyes at ang school librarian na si Miss Sheena. Puro mga nagtataka ang mga mukha nito pero alam din niyang tila salamin ang pinapakita ng kaniyang mukha, nagtataka rin siya.

"Anong nangyari?" takang tanong ni Mila na agad lumapit sa kaniya at inilapit pa nito ang mukha nito upang tingnan ang lagay niya. Awtomatiko naman siyang nailang. "Ah.. eh.." Akmang aatras siya palayo rito nang biglaan nitong hinawakan ang kaniyang noo sabay salat sa temperatura niya. Doon siya nanlamig at nanigas.

"Namumutla ka Xy!" punong-puno ng pag-aalala ang boses at mukha ni Mila. Lumingon ito kina Ed at Lyndrian. "Nawalan yata siya ng malay."

Natatawang lumapit si Lyndrian sa kanila ni Mila. "Kaya pala para kang nakasinghot." Isang supalpal ang natamo nito mula kay Mila. "Hindi magandang biro 'yan Lyndrian!"

"Oo na mama bear," nakasimangot na sagot ni Lyndrian. Tahimik lang si Ed na nasa tabi niya at naka-akbay sa kaniya. Kung hindi lang siya magmumukhang bastos, matagal na niyang inalis ang kamay nito sa kaniyang balikat. Xyril is itching to shrug Ed's hand off from his shoulders but refrains himself because of Mr. Reyes.

"Ano ang nangyari Mister Higashino?" tanong ng guro nila. 'Yan din ang gusto kong itanong, sir. Sagot niya sa kaniyang isipan. Mabilis siyang humanap ng dahilan nang mahagip niya ng tingin ang isang libro na nasa sahig malapit lamang sa kinatatayuan niya. "Nahulugan ako ng libro sir," sagot niya sabay turo sa katamtaman lang ang kakapalan na libro.

"The next time, be careful. Nakakadisturbo ka ng dahil sa katangahan mo," istriktong saad ng librarian bago tumalikod sa kanila. Silang lahat ay nakatingin lamang dito hanggang sa maglaho ang pigura nito.

"Ayos ka lang? Baka may bukol ka?" tanong ng guro nila sa kaniya. Hindi siya komportable na siya ang sentro ng paksa kaya kahit medyo mabigat pa ang kaniyang ulo ay ngumiti lamang siya ng matipid. "Ayos lang ako sir. I think I should go. Medyo hindi maganda ang pakiramdam ko."

Ghostly Romance (Published Under Chapters of Love Indie Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon