Laruan

154 1 0
                                        


Noong mga bata pa tayo, wala tayong ibang problema kung hindi isipin kung anong susunod na lalaruin
Nariyan ang tayaan, taguaan, piko, chinese garter, luksong baka, isama mo na ang bente uno, patintero at tumbang preso,  pati na text, holen at pogs
Kung minsan pa nga, sa sobrang kagustuhan mo na maglaro pati pagligo ay nakakalimutan mo na, madalas ay inaayawan mo pa
Tipong sisigawan ka pa ng nanay mo para maligo dahil gabi na pero amoy araw ka pa rin

Ganoon ka rin ba? Kasi ako, aamin ko, oo, ganoon ako dati
Ang sarap balikan ng nakaraan
Ang sarap maging bata at maglaro sa ilalim ng ulan, magtampisaw at makipaghabulan
Pero hindi naman pwedeng habang buhay ay bata ka, dahil sa ayaw at gusto mo, tatanda at tatanda ka, at sa paglipas ng panahon, magmamahal ka

Teka, mahal? Isang salita, limang letra, M. A.H. A. L.
Mahal, mahal, mahal
Napakadaling sabihin pero mahirap panindigan at patunayan
Kapag naririnig ng mga tao ang salitang 'mahal o pag-ibig' ay nabubuhayan sila, nagiging interesado sila lalo na kung ay topic ay lovelife mo na
Kung makapagpayo tila ba isang dakilang eksperto

Madaling sabihin na mahal mo ang isang tao, pero sigurado ka ba sa sinasabi mo?
O baka naman nakikisabay ka lang sa uso
Tipong pagsinabi niyang mahal ka niya o mahal mo siya, mahal niyo ang isa't isa, sasabihin niyong kayo na, wala ng ligaw ligaw pa
Napakabilis ng pangyayari hindi ba?, pero paglipas ng ilang araw o linggo, swerte na kung aabot ng buwan, wala na, wala ng ikaw at siya, wala ng kayo

Tapos na ang kwento niyo
Nauna pang matapos kaysa sa kwento ni Cardo sa Probinsyano
'Yan ba ang tinatawag na pagmamahal?
Pagmamahal na hindi man lang nagtagal

Kapag sinabi mong mahal mo ang isang tao, siguraduhin mong seryoso ka
Siguraduhin mong kaya mong panindigan, hindi iyong pagdating sa dulo bigla ka na lang mang-iiwan
Siguraduhin mong hindi ka lang puro salita at pangako na lagi namang napapako
Magpakatotoo ka hindi lang sa mga tao sa paligid mo kundi pati sa sarili mo dahil sa oras na lokohin mo sila, una mong niloko ang sarili mo kaya ikaw din ang talo

Huwag mong gawing laruan ang pag-ibig
Dahil ang pag-ibig ay hindi laruan na basta mo na lang iiwan kapag ayaw mo na
Ang pag-ibig ay hindi laruan na babaliwalain mo na lang 'pag nagsawa ka na
Hindi ito laruan na kukunin mo lang kapag kailangan
Hindi ito laruan na pwede mong paglaruan

Kung ayaw mong gawin sa'yo, huwag mo ring gawin sa iba
Pamilyar na kasabihan pero ang iba walang pakiaalam
Hindi ko sinasabing mali ang magmahal, dahil may tamang panahon para riyan
Ang bagay na madali mong nakuha paniguradong madali ring mawawala

Ang tao ay tao, hindi ito kahit kailan naging at magiging bagay na pwedeng paglaruan
Para naman sa mga taong alam nilang pinaglalaruan na, huwag kayong masokista
Huwag kayong tumulad kay Barbie na pinaglalaruan na nga, nakangiti pa
Masyado kang mahalaga para paglaruan lang ng iba

Bago ka magmahal ng iba, mahalin mo muna ang sarili mo
Baka sa kahahanap mo ng pagmamahal mula sa ibang tao, pati sarili mong halaga ay hindi mo na nakita
Huwag kang pumayag na paglaruan ka lang

Ngayon, hinaharap natin ang reyalidad ng mundo
Paniguradong iba't ibang problema na ang naranasan ninyo
Bawat isa sa iniyo ay may kanya-kanyang kwento
May masaya, may malungkot, may nakakatakot at nakakapanlumo pero wala eh,  ganoon talaga dahil ang buhay ay 'di perpekto

Habang tumatagal, unti-unti kong napapagtanto ang buhay na mayroon ako
Malayo pa ang dulo
Umpisa pa lang ng laban ko
Pero bakit inaantok na ako? Bakit gusto nang pumikit ng mga mata ko?

Gusto kong matulog nang mahaba, humilata sa kama buong araw pero hindi ko magawa
Dahil alam kong wala akong mapapala
Gusto kong magpahinga at kalimutan ang mga problema, pero paggising ko hindi naman mawawala at magbabago
Napagtanto ko na pwede namang bawiin ang tulog sa ibang araw, marami pang araw para matulog
Dapat nating gawing makabuluhan ang buhay dahil hindi ito pang magpakailanman

Lahat naman ay may wakas at hangganan
Nasa saiyo na lang kung paano nais ito wakasan
Nariyan ang mga mahal mo sa buhay
Isipin mo na lang sila para hindi ka panghinaan ng kalooban

Mga Tula ni LigayaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon