Nakakapagod

84 1 0
                                        

Naalala mo pa ba ang mga salitang iyong binitawan sa mga taong nakasalamuha mo na?
Ang pangit mo, wala bang salamin sa bahay niyo?
Ang taba mo, ilang pahina na ba 'yang bilbil mo?
Ang payat mo, kumain ka nga!
Uy negra! Kailan ka puputi?

Ilan lang 'yan sa mga pang-asar na maaaring nagawa o narinig mo na
Simpleng mga salita pero sa oras na iyong ibato, tiyak na malaki ang epekto at nakakasakit ng todo
Hindi man nila aminin, tawanan man nila 'yan, sa loob-loob nila sila'y nasasaktan
Pilit tinatago ang nararamdaman

Ang paulit-ulit na sakit, takot at lungkot
Sakit mula sa panghuhusga ng mga taong 'di ka naman tunay na kilala
Takot na magtiwala dahil baka ito lang ay masira
At ang nag-uumapaw na lungkot dahil sa pag-iisa, lungkot na hindi mo alam kung saan pupunta

Nakakapagod ang paulit-ulit na pagkukumpara
Pagkukumpara kung bakit mas magaling siya, bakit hanggang diyan ka lang, bakit hindi ka katulad niya
Hindi talaga dahil iba siya, iba ka, magkaiba kayong dalawa, hindi kayo iisa
Nakakapagod ang makulong sa kadiliman at walang liwanag na masilayan

Pakiramdam ko nalulunod ako at hindi ko alam kung paano ako makakaahon, o kung makakaahon pa ba ako
Gusto kong lumipad na para bang isang ibon ngunit batid kong babagsak din ako tulad ng isang dahon
Gusto kong matulog at huwag nang magising upang matapos na ang buhay kong walang ningning
Nais kong wakasan na ang mga problema dahil nakakapagod na

Hindi ko alam kung saan nagmumula itong aking labis na kalungkutan
Basta nalulungkot ako, nalulungkot ako dahil mag-isa ako kahit kasama ko ka'yo, nalulungkot ako dahil walang nakakaintindi sa nararamdaman ko

Madaling magbitaw ng mga salita, ngunit mahirapan patunayan at isagawa
"Nandito lang kami para sa'yo."
Paulit-ulit na sabi niyo pero na saan kayo ngayong nag-iisa ako
Nariyan kayo ngunit hindi niyo alam ang aking tunay na nararamdaman

Mula sa hangin tila may bumubulong sa akin
Nagsasabing kalimutan ang tama at gawin ang masama
Hindi, ayoko, ayokong marinig ang boses mula sa isip ko
Ayokong sundin siya, dahil hindi tama ang nais niya

Batid ko na ang Panginoon lang talaga ang aking maasahan
Dahil sa Kanya natanaw ko ang liwanag mula sa kadiliman
Dahil sa Kanya unti-unti kong nalabanan ang labis na kalungkutan at nahanap ang tunay na kaligayahan
Alam kong nakakapagod na pero kakayanin ko pa

Mga Tula ni LigayaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon