"TONG ITS!"
"Ang daya! Bakit lagi kang panalo? Naninigas na ang tiyan ko sa kaka-sit ups!"
Napangiti si Erisha nang marinig ang pag-uusap sa loob ng silid na sadya niya. Pinihit niya ang siradura at tulad ng inaasahan niya, naglalaro ng tong-its ang ilang miyembro ng Southern Fever sa rehearsal studio ng mga ito.
"Hi guys!" bati niya.
Agad bumaling sa kanya ang tatlong lalaki. Ang isa sa mga ito ay nakahiga sa sahig at nagsimulang magsit ups.
"Rish!" masayang bati ng vocalist na si Bryan. Sinalubong siya nito sa pinto. Kinuha nito ang mga paperbags na bitbit niya.
"Dumating na pala ang bakasyunista! Pasalubong?" si Jigs naman iyon na siyang drummer ng banda. Noong isang araw lang ay nakabalik siya sa Davao mula sa isang taong pamamalagi niya sa Dubai. Naisipan niyang dumalaw sa rehearsal studio ng mga ito upang ibigay ang mga pasalubong niya.
"Nandiyan. Para sa inyo," aniya at nilinga ang paligid. "Wala pa si Ruben?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang bestfriend niya at kababata. Robert Benjamin Salcedo ang totoo nitong pangalan ngunit Ruben ang palayaw nito. At dahil bestfriend niya si Ruben, hindi na bago sa mga kasamahan nito sa banda na makita siya roon.
Naroon siya nang unang nakilala ni Ruben si Marco right after their college graduation. Siya ang unang pumalakpak para sa mga ito noong unang beses na nag-perform ang Southern Fever sa isang bar noon. Madalas silang tinutukso ng mga kaibigan nito ngunit tulad ng dati, magkaibigan pa rin sila ni Ruben. Isang pagkakaibigang pinagtibay ng pagsubok at panahon.
Mula sa pagkakahiga sa sahig ay tumayo si Marco. Halatang ito ang natalo sa laro at sit-ups ang naging parusa nito.
"Nagpapa-cute na naman iyon sa mga babae," hinihingal na sagot nito.
Nakangiting napailing na lang siya. Umupo siya sa sofa.
"Well, what's new? Palagi namang abala iyon sa mga trophies niya," sagot niya na ang tinutukoy ay ang mga babaeng pinagkakaabalahan ni Ruben.
"Pagsabihan mo nga iyon. Muntik na niyang naagaw sa akin ang fiancee ko noon ha? Mabuti na lang mahal na mahal ako ni Jannah dahil kung hindi, hinamon ko na siguro ng suntukan si Ruben," dugtong pa ni Marco.
Tumawa siya nang mahina. Hindi na iyon bago sa kanya. Mula pa noong mga bata pa lang sila ay obsessed na ito sa mga magaganda. Parang hindi kumpleto ang araw nito kapag hindi ito nakikipag-date sa kung sinu-sinong magandang babaeng magustuhan nito. Huminto lang ito nang makilala nito si Hannah, ang unang girlfriend nito for four years. Ngunit nang iwan ito ni Hanna three years ago ay bumalik uli ito sa dati nitong gawain.
Ilang sandali pa ay bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang lalaking pinag-uusapan nila. Kasabay nito si Kristoff, ang bass guitarist ng grupo. Bakas ang pagkagulat sa mukha ni Ruben nang makita siya.
"Rish! You're back!" tuwang-tuwang sambit nito. Mabilis nitong tinawid ang distansiya nila at tumabi sa kanya sa sofa. Sandaling pinagmasdan nito ang kanyang mukha pagkuwan ay niyakap siya ng mahigpit.
"God, I missed you!" sambi nito.
Napangiwi siya sa higpit ng yakap nito. "Ouch! Huwag mo naman akong masyadong i-hug! Hindi ako makahinga," angal niya. Tila natauhan naman ito at agad siyang pinakawalan.
"I'm sorry. Ang tagal mo kasing nawala. Akala ko nag-asawa ka na ng Arabo doon," anito sabay gagap sa dalawang kamay niya.
"Anong hinahanap mo?" tanong niya nang mapansing sinusuri nito ang suot niyang singsing. It was still the same ring he gave her years ago. Letrang R ang hugis ng bato niyon. Sinipat din niya ang daliri nito. Suot din nito ang singsing na ibinigay niya sa pinakamaliit nitong daliri. Letrang E naman ang bato niyon. R for Ruben and E for Erisha. It was their friendship ring.
BINABASA MO ANG
Love Was Made for Us [PHR]
Teen FictionSEQUEL TO Marco and Jannah's story entitled UNTIL YOU FOUND ME. Southern Fever Band Book 3. ----------- "It's not bad to fall in love with a friend. Just be sure of what you feel and be ready to risk something because loving a friend is the most be...