1. Eyeing

21K 304 24
                                    


Naranasan mo na bang sumaya dahil lang paglabas mo ng bahay, pakiramdam mo, ang lahat ng nakikita mo ay maganda? Mababa ang balumbon ng mga mapuputing ulap na parang kayang abutin iyon ng mga kamay ko. Nakangiti ang araw. May musika sa bulong ng hangin. Walang puwang sa panahon ang masamang balita. At hindi darating ang bagyo kahit tag-ulan.

Ganoon ang naramdaman ko noong una kong mapansin na maganda ka pala... Na dalaga ka na. Na ang galaw ng ulo mo, ang imbay ng mga balikat, ang kumpas ng mga kamay mo ay graceful lahat sa paningin ko.

Tulad din ngayon ang araw na iyon. Dahil sisimulan ko nang gawin ang tree house. Napuno kasi ng inspirasyon ang isip at puso ko nang makita uli kita.

Ewan ko, basta ko na lang naisip na magugustuhan mo ang isang bagay na gaya ng tree house. Kaya siguro namalayan ko na lang na iginuguhit ko na ang plano niyon. Dahil kapag nagawa na iyon, tiyak na magugustuhan ko rin na tanawin ang paligid mula roon... habang kasama kita.

Pangarap. Iyon pa lang ang meron ako ngayon. Hindi ko alam kung mapapansin mo rin ako. Hindi ko tiyak kung sapat na ba na nang makita mong nakatingin ako sa iyo ay tiningnan mo rin ako nang higit na matagal kaysa sa isang kaswal na sulyap. Ibinaling mo kasi sa iba ang tingin mo pagkatapos noon...

1

“Bakit n’yo ba ako pinipilit na sumama sa inyo sa Lokuake, Mommy? Gusto ko pang bantayan si Lolo. Hayaan n’yo na lang na maiwan ako dito. Kasama n’yo naman ang mga kapatid ko.”

Sa halip na sumagot ay kinuha lang ni Rosita—ang ina ni Lilac—ang suitcase niya sa closet. Ipinatong nito iyon sa ibabaw ng kanyang kama.

“Mommy—”

“Sa daddy mo ikaw umapela, huwag sa akin.”

“Puwede namang sumunod na lang ako doon sa isang linggo.” Kauumpisa pa lang ng summer vacation. Bukod sa pagbabantay sa kanyang lolo ay gusto pa muna niyang makapag-unwind sila ng kanyang mga kabarkada sa isang beach resort.

Walang beach sa Lokuake. May dagat nga sa labas niyon ngunit wala iyong baybayin. Ilog, lawa at waterfalls lang ang mayroon doon at hindi pa siya maaaring magsuot ng tamang swimsuit. Konserbatibo pa ang karamihan sa mga tao roon. 

“Isang buwan nang magaling ang lolo mo. Ano pa ba naman ang ikakatakot mo at kailangan mo pa siyang bantayan? Hindi naman siya pinababayaan ng tita mo,” tukoy ng ina sa nakababatang kapatid na dalaga.

Kailan lang natuklasan na may diabetes ang Lolo Ignacio niya, ama ng kanyang ina. Dumaing ito na nanghihina at madaling mapagod. Namamanhid daw ang mga paa nito. Kaya imbes na sa isang buwan pa gawin ang executive checkup nito ay napaaga iyon.

Sa kanilang apat na magkakapatid, siya ang pinakamalapit sa kanyang lolo. Kaya naman hindi lingid sa mga ito na siya ang paboritong apo ng matanda.

Gusto kasi niyang kausap ito. Lahat ng bagay ay nasasabi niya rito kaysa sa kanyang mga magulang. Kaya alam niya—hindi man ipahalata ng kanyang mga kapatid—na may lihim na inggit sa kanya ang mga ito.

Alam niyang hindi magdedesisyon ang kanyang ina nang pabor sa hinihiling niya. Kaya lakas-loob na kinausap niya ang kanyang ama na si Enrico nang dumating galing ng opisina.

“Dad, puwede bang sumunod na lang ako sa inyo sa Lokuake sa isang linggo?” malambing na pakiusap niya rito. “Gusto ko pa kasing alagaan si Lolo.”

“Anak, hindi puwede. Magdi-dinner sa mansiyon ang mga Villareal sa Biyernes ng gabi. At sa Linggo naman, inaasahan tayo sa kanila. Importanteng naroon ka sa parehong okasyon.”

“Bakit, Dad?”

Ngumiti ito. Para bang sa pamamagitan niyon ay nakatitiyak itong hindi na siya tatanggi pa. “Sorpresa ko 'yon sa 'yo, anak.”

Braveheart Series 3 Chino Villareal Helpless Romantic COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon