I: Balat-Sibuyas na Bakunawa

40 0 0
                                    

"Ab Intra, Ab origine"

from within, from the source

Sabi-sabi, pala-palagay, kuro-kuro... dumadagsa ang mga katawagan kahit iisang bagay lamang ito.

Sa munting pagkakilanlan ng isang taong siyang humuhubog. Sabi-sabi, ang huwad na kadenang baluktot. Kahit malamig, kahit matigas, kahit walang awa... Ito ang batayan ng ating lipunan kung sino ang mabuti at masama. Sa ganitong paraan, walang ligtas ngunit protektado pa rin ang lahat.

Sa pagbukas ng kadena, maaliwalas na hangin ang kumikilabot sa damdamin. Mapayapa ang saloobin kahit humahantong ito sa mas lalong pagsisira ng sabi-sabi tungkol sa iyo. Bakit? Wala ka nang depensa eh. Hindi ka na apektado at hindi na rin nakikipagpalitan ng sabi-sabi. Isa ka nang dayuhan, ipinagkait ng boses.

"Marisol Chen?" Dito nagsimula ang lahat.

"Sino kaya yun?" At ito ang patuloy na sambit ni Loralei; na siyang may labing ngiting ngiti sa matatamis na sabi-sabi.

Ito ang kanilang nakasanayang gawi tuwing bago ang leksyon ng guro, manghusga sa iba. Tulad na lamang ng mga bangaw na pumapaligid-ligid na umiikot sa apoy.

"Koreana siya-" Umirap nang matinis si Hazelle, sinusuri ang anyo ng bagong dating. Malayo ang tingin ni Marisol, at paminsan-minsan tinatapik ang kanyang army boots. "Siguro mula sa North."

Pahampas na binaba ni Loralei ang abaniko. Ito na ba ang katapusan ng panunungkulan niya bilang reyna ng eskuwelahan? O siya, 'pagkat may bago pumapalit na agad sa nakatatanda.

"Baguhang estudyante pa lamang siya sa ating Academia de Memoriam." Paanas ni Rey Banawag, ang nakatatandang kapatid ni Hazelle.

"Paniguraduhin nating maraming makakapansin sa kanya." Sa antalang ito, nagtitimpi na ng mga balak ang halimaw. "Itikom ang bibig, kung hindi... magigising mula sa kanlungan ang mga humihikbi!" Humalakhak si Loralei.

Tamad na tamad umikot ang mga bentilador kaya't wala nang dress code ang eskuwelahan. Kahit manipis ang suot ay pinapayagan sa init. Malaya kang manamit ngunit alalahanin na may mga pating na kakainin ka sa iyong pagpili.

"Hoy, ang hot nung chick na iyon!" Ang panaghoy ng isang lalaki na sinundan pa ng pag-angat ng kilay kay Marisol. Ayon sa jersey na kanyang suot, Guinto apelyido niya.

Matipuno ang mga bisig na siguro kinagigiliwan ng mga kababaihan. Moreno, may mga matang nanlilisik habang nilapitan niya si Marisol.

"Annyoungsayo! Koreana ka diba?" Walang bahid ng kasalanan ay mahahanap sa kanyang mukha, at may malaking tawa pa kasunod dito.

Sumiklab ang inis ni Loralei Narciso. Siya dapat ang pinupuri! Nakasalalay ang kanyang reputasyon- At kapag ang kamahalan ay naiinis...

"Tinatawag akong Marisol Chen. Sa kapanangakan, binibigyan tayo ng pangalan. Walang bisa ito pag hindi ginamit..." Rosas ang labi niya ngunit lason ang lumalabas. "At para sa tanong mo, Filipino-Korean ako, hindi ako manok." Tinapik niya ang pisngi ni Isko Guinto.

Tinulak ni Hazelle ang salamin niya. "Sa ganyang ugali, may maakit pa kaya siyang lalaki?"

Ngunit may nakalimutan si Hazelle Banawag. Sino pang makakalimot sa kanyang gawi? Iyan ang pang-akit ng mga kababaihan ngayon.

"Sa mukhang iyan, wala pa siyang BF? Di ako naniniwala!" Lumapit din si Loralei sa upuan ni Marisol. Click... Ang matataas na heels. Click...

"Loralei Narciso." Inabot niya ang kamay kay Marisol. Ayan na naman ang ngiting puno ng asukal.

"Hindi gaanong mahalaga ang labas kung ang puso mo ay poot." Di man lang siyang tumingin sa mga mata ni Loralei. "Oo, naririnig ko ang bawat salita mo."

Napatigagal si Loralei sa mga salita ng nakababata. Karaniwang mayumi ang mga Koreana, ngunit itong si Marisol... Ibang-iba talaga. Makabagong antas ng pag-iisip.

Sa tumalab na api, lumagpas sa kanyang isipan ang mahalagang konteksto ng sambit ni Marisol. Di naman patungkol sa kanya ang marahas na pananalita.

"Magsisimula na ang klase!" Bulalas na salita ng isang lalaki. "Padating na si Hibang Catindig!"

Hibang... Baliw? Sa puntong iyon, bumukas ang pinto at naglakad papasok ang guro.

"Huling taon niyo na dito, kaya't magpakatino na!" Pambungad na salita... Sabay suklay ng kaniyang abo na buhok, kahit magulo pa rin pagkatapos. "Ang literaturang aaralin natin ay mga mito ng Korea." Binagsak ni Ginoong Catindig ang mga papel sa mesa.

Lumingon ang klase kay Marisol. Uminit tenga niya sa atensyon. Naririnig ang pagngitngit ng ipin ni Loralei sa isang tabi.

"Ayon sa mga kuwento, isang soro na nabuhay nang isang libong taon ay nagiging isang kumiho, tulad ng mga kitsune sa Hapon at mga huli jing sa Tsina. Ito ay malayang nagiiba ng anyo, bukod sa iba pang mga bagay, sa isang magandang babae madalas na masulsulan ng lalaki..."

Marami pang sinabi si Ginoong Catindig ngunit di na nakikinig si Loralei. Nakatutok ang atensyon niya kay Marisol. Sino siya para angkinin sina Abian Bulanon, Hazelle Banawag, at ang iba pa niyang kaibigan? Magsasawa din sila buhat ng panahon.

"Tahimik... Mataray... Marami nang nabiyak na puso iyan, sinasabi ko na!" Nagsusungit na palahaw ng halimaw.

"Balikan mo ako pag mayroon ka nang tunay na palagay ukol sa akin. Sa pansamantalang gawi, maging kaibigan muna tayo." Pagtugon ni Marisol.

Tumalikod siya, sa ibang mga kaklase. "Pitong buwan at unti-unti ring magiging tulad ko si Marisol. Tignan natin kung sino ang makapangyarihan!"

Nilapatan ng mga poster ang puting puti pader. Kung maari lamang magsalita ito, isasambit nila ang mga kababalaghang nangyari dito. Malinis sana ang silid ng paaralan ngunit ang mga kabataan ay palatapon ng basura kahit saan.

Lumabas mula sa dilim ang isang mestisong payat na kaklase din nila. Nilinga-linga niya ang paligid.

"Ah, Matthias. Sinasabi na matipuno siya pagkat Amerikano kahit kabaliktaran naman ito." Ngiti ni Loralei. "Wala kang sasabihin kung ayaw mong masiraan."

"Huwag naman kayong maniwala sa mga sabi-sabi sa paligid." Sa pagkakataong ito, ipinakita ni Matthias ang kakaibang lakas ng loob.

Siyempre, ayan ang makamundong Loralei at ang kanyang paghihiganti sa bawat kamalian ng iba. Buntong hininga niya bago nagpatuloy sa kantina.

"Ano kaya tinatago mo Marisol Chen?" Ngumiti si Loralei, may balak na iniisip.




Sabi-SabiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon