Prologue

185 8 0
                                    

Prologue

Umihip ang malamig na hangin sa madilim na kagubatang matatagpuan sa timog-silangang bahagi ng Hilagang Kaharian.

Pilit na inaaninag ng limang taong gulang na si Aurora ang madilim at masukal na kakahuyan habang hawak hawak ng kanyang ama ang munti niyang kamay.

Ramdam niya ang pagmamadali nito at ng dalawa pang lalaking kasama nila sa paglalakbay.

Kahit pa sumasabit ang makakapal nilang kasuotan sa mga sangang nadadaanan o ang mga mumuntikang pagkapatid sa mga naglalakihang ugat ng matatayog na puno ng kagubatan ay tila parang wala lamang sa mga ito. Kahit ang malamig na klimang nagdudulot ng pag-ulan ng niyebe na bumabalot sa kagubatan ay hindi naging balakid sa kanilang pagmamadali.

Mapapansin ang mabilis na paglakad ni Haring Declan Lionel. May butil butil na pawis ang kanyang mukha, wari'y kinakabahan, tila balisa, parang may tinatakbuhan.

Pagkalabas ng apat mula sa masukal na kagubatan ay tumambad sa kanila ang isang malawak na baybayin.

Mapapansin ang isang munting liwanag na nagmumula sa isang lampara sa kaisa-isahang sasakyang pandagat na nakadaong sa madilim na dalampasigan.

Makikita sa likod ng itim at makakapal na cloak ang pagod na mukha ng tatlong nakatatandang kasama ni Aurora. Pagod man ngunit tila nabawasan ang pagkabalisa ng mga ito nang marinig ang malalakas na hampas ng alon sa baybayin mula sa karagatan ng Gaia, ang karagatang naghahati sa apat na kaharian sa kalupaan ng Argus.

-

Matagal na naghihintay si Aurora sa sala ng tahanan ni Amelia Yue.

Si Amelia ay mamamayan ng Eastern Kingdom at naninirahan sa maliit ngunit komportableng barong barong sa tahimik na lalawagin ng Orson.

Payapa kung bibigyang larawan ng puslit na si Aurora ang tahanan, ngunit hindi nito pansin ang tensyon mula sa isang silid kung saan nagtitipon sina Declan, Horace, Carlos at Amelia.

Seryoso ang mga ito sa kanilang pinag-uusapan.

Patuloy na ipinapaliwanag ng punong pantas ng Hilaga na si Horace ang sitwasyon sa babae. Mula sa kakaibang katangian ng batang si Aurora, sa magiging kalagayan ng anak nitong si Celeste na nasa pangangalaga na ng Hilagang Kaharian, hanggang sa matingkad at kulay berdeng likidong nakalagay sa isang botelyang hawak nito.

"Hindi natin dapat ilihim ang kalagayan ng prinsesa mula sa council, Declan. Makapangyarihan ka. Maaaring bigyan nila ito ng konsiderasyon. Bukod doon, hindi natin malalaman ang mga kakayanan ng prinsesa kung gagawin natin ito. Maaari niyang sapitin ang kapalarang tinahak ni Julian," nag-aalalang mungkahi ni Amelia.

Walang dumaan na emosyon sa mukha ng hari mula sa itinuran ni babae.

"Ngunit ano bang ginawa ng council kay Julian, Amelia?" Singit ni Carlos, ang punong heneral at kanang kamay ng hari ng Hilagang Kaharian. "At ano ang maaaring sapitin ni Celeste kung malalaman din ng council ang sitwasyon nito?"

Napalunok si Amelia sa mga isinambit ng kanyang pinsan.

Dumaan ang ilang minutong katahimikan ng muling magsalita ang babae. "Ngunit hanggang kailan natin ito maitatago? Hindi natin ito maitatago kailanman, alam ninyo iyan."

Napangisi ang pantas na si Horace sa naging katanungan nito. "Mayroon pa akong limang taon para paghandaan ang bagay na 'yan. Wala kang dapat na ikabahala, Amelia."

Napanganga ang babae dahil sa pagiging kalmado't wari'y nasisiyahan pang lalaki. Tila ang mga pangyayari ay isa lamang simpleng palaisipan para sa pinakamahusay na pantas ng Argus.

-

Walang kamuwang muwang ang batang si Aurora sa mga nangyayari. Akala niya ay binibisita lamang nila si Amelia Yue dahil malapit na kaibigan ito ng kanyang ama at matapos ang pagdalaw nilang ito ay uuwi rin sila sa palasyo ng Hilagang Kaharian kaya nang lumabas ang mga ito mula sa isa sa mga silid ng barong barong ay mabilis na ngumuso ang bata na siyang nagpangiti sa mga ito.

Dumiretso ang hari sa kinauupuan ng anak at saka umupo sa harapan nito para magpantay ang kanilang mukha.

"Tagal n'yo po, papa," reklamo ng paslit.

Natawa ang hari. "Are you tired? Nagugutom ka ba? Gusto mo ba ng maiinom?" Tanong nito saka malambing na pinangko ang anak.

Mabilis na tumango ang bata kasabay ng pag-angkla ng mumunti nitong bisig sa leeg ng kanyang ama.

Sumenyas kaagad ang hari kay Horace upang maabutan ito ng inumin. Wala pang ilang minuto ay may iniabot nang baso ang pantas sa hari na siya namang iniabot nito sa anak.

Inosenteng nagpasalamat ang prinsesa kay Horace sabay ng mabilis na pag-inom nito mula sa baso habang buhat buhat pa rin ng kanyang ama.

Matamis na nakangiti si Declan habang tinitingnan nito ang prinsesa.

Mayamaya pa ay iniabot na ng prinsesa ang baso sa ama at marahang kinusot ang kulay abo nitong mga mata.

"Sleepy?"

Hindi na sumagot ang bata at mabilis na lamang na bumagsak ang ulo sa balikat ng ama. Maging ang mahinang paghilik nito ay mabilis na umabot sa pandinig ni Declan.

Napatitig ang hari sa kanyang nahihimbing na na anak.

Marahan nitong hinaplos ang kulay niyebe nitong buhok at buong pagmamahal na bumulong, "I'll miss you, my light."

**

Argus: Angels and CrownsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon