“ANG GUWAPO niya talaga!” kinikilig na pahayag ni Jessy, isa sa mga kakaunting kaibigan niya sa Benitez School of Music kung saan sila nagtatrabaho bilang music coaches. Nagku-kuwento ito ng nangyari sa meet-up nito at ng lalaking nakilala nito sa isang website. “In fact, he texted me earlier. He wanted to see me again right after school,” dagdag pa nito. Kitang kita niya na kinikilig at tuwang-tuwa ang kaibigan pero dahil nag-aalala siya, binara niya ng tuluyan ang kaligayahan nito.
“Mamaya, masamang tao ‘yang Emilio na ‘yan,” babala niya. “Modus-operandi nila na makipagkilala sa internet tapos makikipagkita. Then after a few meet-ups, may masamang gagawin na sa’yo. Baka ma-rape ka pa. Or worst, baka hindi ka lang pagsamantalahan. Baka hingian ka pa muna ng pera, tapos pagsamantalahan ka bago ka patayin!” tuloy niya.
Ngumiwi si Jessy at marahan siyang hinampas sa braso. “MJ naman! Gumagana na naman ‘yang imahinasyon mo. Puwede ba? Isulat mo na lang ‘yang naiisip mo. Tutal wala ka kamong maisip na plot kaya hindi ka makasulat ng bago mong nobela. Ganyan na lang ang gawin mo. Isulat mo ‘yan. Huwag mo kaming idamay ni Emilio, my loves ko!” reklamo nito.
Natigilan siya. Nagdagsaan kasi sa utak niya bigla ang matagal na niyang hinihintay – plot para sa bagong kuwentong gagawin niya. Bukod kasi sa pagiging isang music coach sa eskwelahang pagmamay-ari ng pamilya niya, libangan rin niya ang pagsusulat ng mga romance novels. Wala naman kasi siyang ibang libangan kundi tumugtog ng musika at sumulat ng kanta o istorya.
“Oh, wala ka nang masabi ‘no? Bakit kaya hindi ka na lang mag-sign up sa website kung saan kami nagkita ni Emilio? Baka makatagpo ka rin doon ng lalaking gusto mo. Matagal ka nang walang boyfriend, sakto!” suhestiyon nito.“Shh!” suway niya sa kaibigan. “Huwag ka munang maingay. Sandali.” Mabilis niyang inilabas ang notebook niya upang isulat doon ang mga naiisip niya. Mabilis siyang makalimot sa mga detalye kung hindi niya isusulat ang mga iyon. Pahirapan na naman sa pag-alala kapag nagkataon. Alam na iyon ng kaibigan niya kaya tumahimik din ito habang hinihintay siyang matapos.
Ilang minuto na siyang nagsusulat ng mga karakter at pagkatao ng magiging bida sa kuwento nang mahinto siya sa isang tanong na hindi niya alam kung paano sasagutin. Tumingin siya sa kaibigan.
“Tapos ka na?” nakangiting tanong nito sa kanya habang mataman din siyang tinitingnan. “You know, it’s a joy watching you being consumed with your ideas. Para ka lang tumutugtog ng instrumento kapag nasa stage. Nagkakaroon ka ng sarili mong mundo. Hindi mo napapansin ang mga taong nanonood sa’yo. Hindi mo napapansin ang oras. But, you do very well. You do just great!” puri nito sa kanya. Ngunit wala doon ang atensiyon niya.
“Paano ko pagtatagpuin sa tunay na mundo ang mga bida ko kung sa virtual world lang sila nagkakilala?” seryosong tanong niya kay Jessy.
Natawa naman ito. “Aha! Sinasabi ko na nga ba! Love story namin ni Emilio ang inspirasyon ng bago mong kuwento! Pahinging komisyon ‘pag naipasa mo ‘yan sa editor mo.”
Tinapik niya ang kamay nito. “Sagutin mo ako. Kailangan ko ng sagot,” aniya na binabalewala ang lahat ng sinasabi nito. Gusto lang niyang mahanap ang sagot sa tanong niya. Paano magkakaroon ng romance ang story kung sa virtual world lang?
“Meet-ups. Kagaya ng ginawa namin ni Emilio.”
“Paano ‘yon? Ano’ng ginagawa sa gano’n? Ano ang pinag-uusapan niyo? Ano ang nararamdaman niyo?” sunud-sunod niyang tanong. Wala kasi siyang ideya. Hindi pa niya naranasan iyon sa buong buhay niya.
Nainis pa siya nang hindi siya sagutin ng kaibigan. Sa halip ay nagtipa lang ito sa cellphone nito. Nang ibalik ni Jessy sa kanya ang tingin ay abot na sa mata ang pagkakangiti ng babae.
“Kailangan ko sabi ng sagot!” mataray niyang sabi.
“I’ve just texted you the website where Emilio and I met, virtually. I suggest na mag-sign up ka doon at makipagkilala sa iba. Then I will help you arrange a meet-up.”
BINABASA MO ANG
Blackmailing the Music-hater [PHR] - Completed
Romance"Ang sabi dito sa ending ng nobela mo, MJ kissed the love of her life while whispering how much she loved him. Ano pa ang hinihintay mo? Handa na ang mga labi ko. Halikan mo na ako."