“MJ, HINDI muna kita masasamahan ngayong weekend. Si Sunshine kasi, niyayaya akong magpunta sa Tagaytay. Magkakape daw kami doon,” nagbuntong hininga pa ito na tila hindi gusto ang gagawin.
“Magkakape na naman? Noong isang gabi lang, kaya tayo hindi natuloy sa Gorilla’s dahil nagkape rin kayo ‘di ba? Pati noong isang beses na sabi mong a-attend tayo ng birthday party ng vice president ng company mo, hindi mo rin ako naisama dahil nagpumilit siyang siya na lang ang sasama.”
“MJ, marami na akong atraso. I know. I’m really sorry.”
“Bakit ‘di mo tanggihan? Hindi mo naman ‘kamo girlfriend ‘yan?” pagtataray niya sa kabilang linya.
Ang masaya niyang umaga ay biglang napalitan ng inis. May naka-schedule silang gagawin ni Wax ngayon. Nagbibihis na nga siya dahil kakatapos niya lang maligo. Pupunta dapat siya sa bahay nito dahil tuturuan siya nitong gumawa ng cupcakes. Halos dalawang linggo na silang hindi nagkikita dahil lagi itong isinasama ni Sunshine kung saan-saan. Excited pa naman siyang makita ito ngayong araw. Akala niya wala nang istorbo. Well, akala lang pala niya.
“Nagpupumilit siya, MJ. I’m really sorry,” hirap na hirap na sagot nito.
“Simple lang naman. Kung ayaw mo siyang samahan, ‘di sabihin mo na ayaw mo,” muli ay sagot niya.
“Babawi ako, MJ. Kapag maaga kaming nakauwi, puwede pa naman nating ituloy."
Lalo lang siyang nainis sa sinabi nito. Parang charity case tuloy ang dating niya dahil isisingit lang siya sa schedule nito na dapat ay nakalaan naman talaga sa kanya. Paninindigan na sana niya na dapat matuloy ang schedule nila nang may bigla siyang maisip. Naalala niya ang sinabi nito noon kay Carina. Ayaw nito ng demanding. Baka maisip pa ni Wax na nag-a-assume na siya nang higit sa friendship.
“Ah. I get it. Sige, okay lang naman, Wax. Baka ako ang ayaw mo talagang makita. Okay lang,” kalmado niyang tuloy. Iyon nga siguro ang dahilan. Saka ilang beses na ring hindi natutuloy ang mga lakad nila dahil sa Sunshine na ‘yon. Baka nga ayaw na siyang makita nito dahil sa babaeng iyon.
“MJ, hindi ganoon iyon. Ano ka ba?” mabilis na sagot nito.
“You don’t need to explain. Baka mamaya masabihan mo pa akong demanding. Sige na. Gagawa na lang ako ng ibang bagay ngayon. Enjoy your day! ‘Bye!” kunwa’y masigla niyang paalam.
Agad niyang pinutol ang linya at tuluyang ini-off ang cellphone. Sa totoo lang, naiinis siya dahil hindi natuloy ang schedule niya nang araw na iyon. Ni-reschedule pa naman niya ang practice nila ng mga estudyante niya para unahin si Wax tapos bigla itong magbabago ng plano. Iyon ang ayaw na ayaw niya sa isang tao, mag-se-set ng appointment sa kanya at pagkatapos ay ikakansela lang sa huling minuto.
“’Yong Sunshine naman na iyon akala mo mamamatay kapag hindi nakapagkape! Regaluhan ko nga ng isang sakong Arabica ‘yon!” pagmamaktol niya.
Ano ngayon ang gagawin niya? Kinuha niya ang laptop at sinimulang dugtungan ang isinusulat sa kuwento ni Karlos at MJ. Gumawa na lang siya ng isang eksena doon kung saan nangako si Karlos na tuturuan nitong gumawa ng cupcake si MJ pero hindi natuloy dahil sa isang hindi inaasahang ‘buwisita’. Doon niya ibinuhos ang inis na nararamdaman.
Nang sa tingin niya ay okay na siya, napagdesisyunan na lang niyang yayain ang mommy niya sa pamamasyal. Matagal-tagal na nilang hindi nagagawa iyon dahil naging busy ang weekends niya sa iba’t ibang recital at paglabas nila ni Wax.
Kinatok niya sa kabilang silid ang ina. “Mom! Are you there? Mag-shopping tayo!” sigaw niya.
Mayamaya pa ay bumukas ang pinto. Naka-pantulog pa ang mommy niya. “Anak, ang aga mong magyaya.”
BINABASA MO ANG
Blackmailing the Music-hater [PHR] - Completed
Romance"Ang sabi dito sa ending ng nobela mo, MJ kissed the love of her life while whispering how much she loved him. Ano pa ang hinihintay mo? Handa na ang mga labi ko. Halikan mo na ako."
![Blackmailing the Music-hater [PHR] - Completed](https://img.wattpad.com/cover/139917905-64-k581492.jpg)