Noong gabing pinili kong huminto sa paghakbang,
Inilagay ko ang aking mga kamay sa aking bulsa at
tiningala ko ang kalangitan,
Sinubukan kong hanapin ang mga bituin at baka sakaling
ako'y malibang.
Pero wala sila.
Ipinikit ko ng sandali ang mga mata ko at huminga ng malalim,
Iminulat ko silang muli at walang pinagkaiba ang parehong dilim,
Ang parehong lamig ng hangin,
Ang parehong kulay na itim.
Pumikit ulit ako.
At ikaw ang nakita ko.
Noong gabing niyaya mo ako na makinig sa mga kwento mo,
Na makinig sa mga istorya ng umaga mo,
Na kung ano ang tinanghalian mo at kung sino ang kasama mo.
Nakinig ako.
Hindi lang sa mga kwento mo,
Hindi lang sa mga tawa mo,
Hindi lang sa mga biro mo,
Kundi maging sa tibok ng puso mo,
Sa pamumula ng mga pisngi mo,
At pati na rin ang liwanag na nanggagaling sa inyong mga mata...
Iyon ang umaga.
Hanggang sa tumulo ang mga luha.
Dito sa parehong kalsada kung saan kita hinihintay,
Kung saan hawak ko ang iyong kamay,
Kung saan sinabi ko ang aking mga pangako na sa tuwing hahanapin mo ako,
kakailanganin mo ako,
darating ako...
Kase mahal kita.
Muli kong binuksan ang aking mga mata.
Isinara ang mga kamao kong nakatago sa aking bulsa at tinanong
ko sa kalangitan?
Bakit ikinukubli ng mga ulap ang buwan?
Bakit pare-pareho lang kahit ang bawat tala'y may pangalan?
Bakit kusang tinatalikuran ng mundo ang araw?
At bakit hindi maaring hintayin ang umagang tinatanaw?
Pero walang sumagot.
Bumalik lang sakin ang mga ipinila kong tanong,
Isang listahan na nagpatong-patong hanggang nauwi sa tulang ito,
na alam ko kahit mabasa mo ay hindi mo masasagot,
Dahil hindi mo maiintindihan,
At hindi mo mauunawaan,
Pero siguradong malulungkot ka lang,
Dahil baka sakaling ikaw ay nanghihinayang,
Ikaw ay nakatulalang iniisip ang sagot sa bugtong na:
Paano kaya kung ituloy na lang?
Sinimulan ko ulit maglakad.
Kasama ang tunog at sakit ng paang kinakaladkad,
Ang kulog ng pusong gusto lang umuwi sa ating tahanan,
Wala ng away at doon maghihintay at doon mahihimlay.
At bubuksan ko ang pintuan.
Hahakbang tungo sa kwarto kung saan ang tanging nandoon ay ako,...
At ang mga ala-ala mo.
BINABASA MO ANG
Poetry
PoetryA collection of some of poems made from random thoughts. Most of which made before going to sleep.