Sa bawat panaghoy ay uhaw na labi
Katapat ay perlas mula sa paghikbi
Pag-asang ilaw ay nasawi
Kasabay ng paglubog ng kaytamis na ngiti.
Sabi nila habang may buhay may pag-asa
Ngunit ngayon nasaan na?
Kung sa bawat araw na lumipas hatid ay problema
Lubog na araw ay hindi na sisikat pa.
Mausok na kalsada ay siyang tahanan
Hindi batid ang takot ng rumaragasang sasakyan.
Baryang bigay ng taong nagdaraan
Ang siyang sagot sa kumakalam na tiyan.
Kung iniluwal ka sa kalsada, kalsada pa rin ang kalalakhan
Pati edukasyon hindi na masisilayan
Buhay na mangmang ay siyang ipaglalaban
Mabuhay lang sa kanyang kahirapan.
Sabi ng gobyerno, proyekto sa magandang ekonomiya
Pagbabago para sa kaunlaran ng bawat isa.
Ngunit ngayon nasaan na ang yaman ng bansa?
Hindi ba't nasa kamay na ng nasa pulitika?
Hustisya'y hindi mahagilap ng biktimang mamamayan
Buwis na binabayaran hindi na rin napupunta sa bayan.
Proyektong pampamahalaan ay pinagmulan ng korapsyon ng iilan
Kaya naman sila'y mayaman sa salaping ninakawan.
Nasaan na ba ang butil ng pag-asa?
Nasaan na kaya ang pangakong makata?
Kaysarap pakinggan sa panahon ng eleksyon
Ngunit sa huli'y sa wala din maibabaon.

BINABASA MO ANG
Wala Ka Na
PuisiGuys, this is a collection of my poems (mga tula) made during my high school and college years. Sa tuwing nalulungkot ako pupunta ako sa lilim ng mga puno habang dala dala ko ang aking makapal na recycled MAPEH notebook at isang piraso ng ballpen. ...