Setyembre na.
Ang bilis ng takbo ng mga araw, unti-unti na rin akong nasasanay sa college life pero hindi pa rin ako sigurado kung crush ko nga si Lloyd. Nagugulhan ako, parang problem na katulad sa Chem namin, naghahanap ka ng maraming sagot sa isang given. Ang hirap malaman ng kasagutan o baka hindi naman talaga mahirap, baka in denial lang ako o nag-iinarte at ayaw aminin sa sarili ko na crush ko nga siya.
Dahil Setyembre ngayon, uso sa lugar namin ang mga walk for a cause, run for a cause o kung ano pa man yan at para maipakit ang suporta namin sa nasabing proyekto, ni-require kaming umattend ng isang organization na sinalihan ko.
Madaling araw gaganapin yung walk for a cause na aatendan namin kaya maaga pa lang naghanda na ako.
Pagdating ko dun, kaunti pa lang ang mga tao. Napaaga yata ako masyado. Nakita ko kaagad ang ilan sa mga kaibigan ko pero nagulat ako ng may nahagip ang mata ko. Isang nilalang na hindi ko inaasahan na nandito dahil sa pagkakaalam ko hindi siya kasapi ng org na sinalihan ko.
"Hello Bea!" Bati ng nilalang na yun sa akin. Teka, totoo ba toh? Hindi ba naaalimpungatan lang ako dahil masyado pang maaga? Madaling araw pa lang eh.
Tinignan ko uli ang nilalang na yun. Hindi nga ako nanaginip. Totoo ang lahat. Binati ako ni Lloyd at alam niya ang pangalan ko.
Matipid na ngiti lang ang isinagot ko sa kanya. Sa loob-loob ko, gusto ko siyang tanungin kung paano niya nalaman ang pangalan ko. Pero may nagdikta sa isip ko na natural alam niya ang pangalan ko, kaklase ko siya eh. Pero sa pagkakatanda ko, ito ang unang beses niya akong binati at tinawag sa pangalan ko.
Nagsimula na ang parada. Walk for a cause ang sinalihan namin. Nakapila na kami, nasa kabilang gilid ko lang sya nakapwesto. Ang sarap naman sa pakiramdam na naglalakad kami ng madaling-araw at nasa tabi ko lang sya. Kung siguro laging ganito, handa akong magising nang maaga para lagi ko siyang makasama.
Naglalakad na kami. Walang nagsasalita sa aming dalawa pero sa totoo lang marami akong gustong itanong sa kanya. Mga simpleng tanong lang, random questions lang para lang makausap siya.
Pero wala ni kahit na isang tanong ang lumabas sa bibig ko. Kahit isang salita wala akong naisatinig. Mas nangingibabaw pa yata ang mabilis at malakas na tibok ng puso ko. Sana kausapin niya ako uli. Sana banggitin niya uli ang pangalan ko.
"Grabeh, nakakagutom." Narinig kong sabi niya. Ako yata ang kinakausap niya.
"Hindi ka ba nag-agahan?" Tanong ko sa kanya.
"Hindi nga eh. Kasi nagmamadali ako kanina." Nakangiting sagot niya sa akin.
Kinuha ko ang isang Voice Combo mula sa bag ko at inabot sa kanya.
"Eto oh, sa'yo na lang." Kung alam ko lang sana na hindi pa siya kumain eh di sana isang pakete ang binaon ko para sa kanya.
"Talaga?" Parang hindi siya makapaniwala na inaalok ko siya ng pagkain.
"Oo, sa'yo na yan. Nag-agahan naman kasi ako." Tinanggap niya yung biskwit ko. Masarap pala talaga sa pakiramdam kapag nagbibigay ka sa iba.
"Salamat ah! Gusto mo?" Alok niya sa akin ng biskwit na binigay ko sa kanya.
"Hindi. Okey lang. Meron pa ako dito." Tapos nilabas ko ang isa pang Voice Combo at nginitian siya.
"Salamat uli dito ah." Sabi niya uli sa akin.
Ang sayang isipin na sabay kaming kumakain habang magkasama ring naglalakad. Corny mang isipin pero kinikilig ako. Kinikilig ako kasi tinawag niya ako sa pangalan ko. Kinikilig ako kasi sabay kaming kumakain.
Nakarating na kami sa destinasyon namin. Medyo nagkahiwalay na kami dahil tinabihan ako ng mga kaibigan ko. Sayang. Sayang ang pagkakataon na makatabi sya sa upuan.
Nakapag-attendance na kami at tapos na ang program. Kailangan pa naming pumasok dahil may klase pa kami. Nawala rin bigla ang mga kaibigan ko at hindi alam kung saan sila pumunta. Ang tanging natira na lang ay ako at si Lloyd.
"Sabay na tayong pumunta ng school." Sabi niya sa akin.
Ano daw? Sabay kaming pupunta sa school? Sabay kaming papasok? Parang na-excite ako sa idea na yun. Sabay kaming pupunta ng school.
"Sige, tara na." Nakakahiya naman kung tatanggi ako sa kanya at ayaw kung palampasin ang pagkakataon na makasama siya.
Naglakad na kami papunta sa sakayan. May kaunting kwentuhan at paminsan-minsan ngumingiti sya sa akin. Kinikilig na naman ako.
Nang may dumating na jeep, agad naming pinara yun. Ako ang pinauna niyang sumakay sa sasakyan, narealize ko gentleman pala siya. Natuwa ako nung tumabi siya sa akin. Nakakatuwa kasi marami pa naman ang pwedeng upuan pero napili niyang umupo sa tabi ko. Hindi ko man siya nakatabi sa upuan kanina pero ngayon katabi ko na sya. Tadhana na yata ang gumawa ng paraan.
Sa mga nangyari kanina na kung tutuusin ay simpleng bagay lamang, may ilang bagay akong napagtanto.
Mas masarap pakinggan ang pagtawag niya ng pangalan ko kaysa sa paborito kong kanta.
Mahirap palang magpanggap na hindi kinikilig kapag nasa tabi ko siya. Mahirap magpigil ng emosyon.
At higit sa lahat, na-realize ko na crush ko nga talaga si Lloyd. Walang halong pag-aagam-agam.
--------
Yown. Nakapag-update din. Yehey!
Salamuch sayo! ^__________________^
BINABASA MO ANG
Pakisabi Na Lang...
Short StoryIto ang kwento ko, ang kwento ng isang babae na lihim na umiibig at lihim ring nasasaktan. Hindi ko alam kung hanggang kailan mananatiling lihim ang lahat ng nararamdaman ko, wala pa akong lakas ng loob para isatinig ang aking damdamin. Pero kung sa...