Kabanata Diyes: Ang Hindi Maipaliwanag na Damdamin at Ang Sabik na Puso
HABANG abala ang magkakapatid na sina Sola at Starra sa pagsusubaybay kina Selena at Lovell sa mundo ng mga mortal, iyon din ang nagaganap sa pangkat ni Tore sa kaniyang kaharian.
Seryosong hinarap ni Tore sina Galantino at Galaxia. Bakas sa kanilang mga mukha ang pangamba dahil alam nilang may nagawa silang kasalanan.
Palipat-lipat ang tingin ni Tore sa dalawa. Napapalunok na si Galantino at ramdam na ramdam naman ni Galaxia ang bilis ng tibok ng kaniyang puso sa dibdib dahil sa hindi maipaliwanag na katahimikan ng kanilang pinuno.
Tikom ang bibig.
Naniningkit ang mga mata.
Alam ng dalawa na galit pa si Tore. Gayunpaman, hindi pa rin nila mabasa kung ano ang tumatakbo sa isipan niya.
Takot na takot si Galaxia dahil natikman niya ang hagupit ng palad ni Tore. Hanggang sa mga oras na pinatawag silang muli, sariwa pa ang sugat sa kaniyang labi. Kung alalahanin ni Galaxia ang parusang natikman niya kay Tore, iyon ay maihahalintulad sa isang nagbabagang apoy na palad na dumapo sa kaniyang pisngi.
Nanginginig pa ang katawan ni Galaxia at napansin ito ng kaniyang kakambal. Dumikit ng bahagya si Galantino sa kaniya upang kahit panandalian lamang ay kumalma ang damdamin nito.
Kahit mga alagad sila ni Tore, ang pagmamahal nila sa isa’t isa bilang magkapatid ay nangingibabaw pa rin. Alam din ni Galantino ang lihim na pag-ibig ni Galaxia kay Tore. Kahit hindi sabihin ni Galaxia, alam na alam ni Galantino ang dumadaloy sa damdamin ng kakambal.
“Kahit hindi ninyo sabihin sa akin, nababasa ko ang inyong mga isipan. Kahit anong tago ninyo sa akin sa mga tunay ninyong damdamin alam ko rin ang mga iyan. Bibigyan ko kayo ng pagkakataon na magpaliwanag sa akin kung bakit hindi ninyo nagawa nang maayos ang aking mga utos. Galantino, Galaxia, magsalita kayo!”
Sa wakas ay nabasag na rin ang katahimikang kanina pa ay namayani. Ngunit, hindi magawang ibuka ng magkapatid ang kanilang mga bibig. Napapalunok na lamang sila. Naghihintay kung sino ang mauuna sa kanilang magsalita.
“Lahat ng kilos at galaw ninyo pati na rin ang mga sinasabi ninyo ay alam ko. Hindi pa ba sapat ang nakita mong pagmamalupit ko kay Galaxia, Galantino?” dagdag pa ni Tore.
Nabuo ang pagtataka sa mukha ng magkapatid. Iniisip nila ang sinabi ni Tore sa kanila. Naglalaro sa isipan ni Galantino kung paano nalaman ni Tore na siya ay nagmamatyag sa isang tabi habang nakikita niyang sinasaktan ni Tore si Galaxia. Laging maingat si Galantino sa pagmamasid.
“P--pe--” saktong naibuka lang ni Galantino ang kanyang bibig nang biglang may narinig silang halakhak.
Malakas.
Tuso.
Lumingon-lingon sina Galantino at Galaxia sa kanilang paligid, ngunit walang ibang imortal na naroon.
Nagtama ang mga mata nina Galantino at Galaxia.
Sila’y nagtitigan at nag-uusap sa mata. Bumalik ang kanilang paningin kay Tore, ngunit kalmado lang na nakaupo si Tore sa kaniyang trono habang hawak ang kaniyang pisngi.
“Mga hangal! Ako ang mata ni Tore sa inyong mga ginagawa,” umalingawngaw ang boses. Hindi mawari nina Galantino at Galaxia kung ito ay isang lalaki o babae.
“Kahit saan kayo magpunta, kahit saan man kayo naroon ako’y laging nakasubaybay sa inyo,” dagdag pa ng boses at siya ay muling humalakhak.
“Tama na ‘yan, Prima!” utos ni Tore.
BINABASA MO ANG
A Wolf's Love To The Moon
Fantasy"Dumaan man ang napakahabang panahon, makakalimot ba ang puso sa taong kay tagal nitong pinanabikan at hinintay?" A Wolf's Love To The Moon is a collaboration novel written by MeasMrNiceGuy and MysteriousCharm27