Kabanata Bente Dos: Ang Liwanag sa Kasamaan
Gulat na gulat ang mga mukha ng imortal nang makilala ang isang pamilyar na mukha sa kanilang harapan. Sa halip na ngumiti ay lalo lamang nakitaan ng pag-aalala ang lahat lalong-lalo na ang mukha ni Selena.
"Mukhang may bago akong bisita," napaarko ang kilay ni Prima nang masilayan ang isang hindi pamilyar na mukha. "May nararamdaman akong kakaibang enerhiyang nagmumula sa bisitang ito. Isang magandang senyales na naman upang madagdagan ang aking naipong kapangyarihan."
At mula sa himpapawid ay unti-unting bumababa si Prima upang kilalanin ang kaniyang nasa harapan.
"Tatay Lovell!" pupungas-pungas ang matang tawag ng batang si Adolfo sa kaniyang amang si Lovell. Matalas ang pandinig ng lobo nang mga sandaling iyon at pinilit na ibangon ang katawan upang tingnan ang kinaroroonan ng tumawag sa kaniya.
Nasa anyong lobo man siya ay napakabilis naman ng pagtibok ng kaniyang puso nang mga sandaling iyon. Ang tinig na nagmumula sa batang si Adolfo ang nagbibigay sa kaniya ngayon ng lakas na kailangan niyang upang lumaban. Gayundin si Selena na pilit nilalabanan ang mga nagsisibagsakang mga kidlat upang makawala rito.
"Siya pala ang anak ng lobo at ng buwan! Siya pala si Adolfo. Pero bakit tila ramdam ko ang lakas ng kapangyarihan ng batang iyan! Kailangan siyang mapasa-akin!" sigaw ni Prima.
Muntik na sanang malapitan ni Prima ang batang si Adolfo nang bigla na lamang lumitaw ang mga higanteng baging at matataas na punong likha ng nagagalit na si Livia.
"Walang p'wedeng gumalaw sa batang ito, PRIMA!" at lumitaw sa harapan ni Prima ang galit na galit na mukha ni Livia na ang mga kamay ay naging hugis malalaking baging na handang makipaghatawan sa kalaban.
"Walang makakapigil sa akin kahit na sinong nilalang! ANG GUSTO KO AY MAKUKUHA KO!" at walang magawa si Livia kung hindi ang labanan si Prima habang ang mga puno at halamang naroon ay akap-akap at pinoprotektahan ang batang si Adolfo.
Pilitin mang itayo nina Starra at Sola ang kani-kanilang mga katawan ay hindi na nila magawa dahil tuluyan na silang nanghihina. Panay pa rin ang pangunguryente sa karagatan kay Sola ng kapangyarihan ni Prima habang si Starra naman ay pulang-pula na ang katawan sa mga dugong nagsisilabasan dulot ng pagbaon ng matulis na buntot ng halimaw na si Prima.
"Ipagpaumanhin mo, Selena. Hindi namin magawang tulungan si Livia at proteksyunan si Adolfo," pilit na nagpapakatatag si Sola nang mga oras na iyon kahit ang totoo ay unti-unti na ring pumipikit ang mga talukap sa kaniyang mga mata.
"LIVIA!" tanging pagsigaw na lamang ang nagawa ni Starra. Nagbabasakaling marinig siya ng babaeng kay tagal rin niyang masambit ang pangalan.
Narinig naman ni Livia ang tinig ng lalaking kaniyang mahal, ngunit ang atensiyon niya ay nasa kay Prima.
"Wala akong pinapanigan na kahit sino mang mortal o imortal sa mundo man ng Kaluwalhatian o mundo ng mga tao, Prima. Pero ang saktan ang inosenteng batang ito at sugatan ang mga taong napamahal na sa puso ko ay hindi ko na mapapalampas pa!"
At mula sa ilalim ng lupa ay nabuhay ang mga ugat-puno at naging kamay ni Livia upang paghahampas-hampasin ang bawat parte ng katawan ni Prima. Hindi lamang ito basta-basta ugat dahil nagiging metal ang dulo nito na maaaring humiwa sa kahit ano mang bagay na matamaan.
Nagawang maputol ni Livia ang buntot na tumarak sa kaniyang mahal na si Starra maging ang mga pakpak nitong kanina pa nagtatapon ng mga nakamamatay na kidlat ay natanggal at nakawala si Selena. Si Sola naman ay bumulusok paibaba sa karagatan. Nakita iyon ni Galantino at kahit na hindi pa naghihilom ang kaniyang sugat ay agad siyang lumusong upang sagipin si Sola sa ilalim ng karagatan.
BINABASA MO ANG
A Wolf's Love To The Moon
Fantasy"Dumaan man ang napakahabang panahon, makakalimot ba ang puso sa taong kay tagal nitong pinanabikan at hinintay?" A Wolf's Love To The Moon is a collaboration novel written by MeasMrNiceGuy and MysteriousCharm27