Ang Panlilinlang ni Kidlat

506 15 1
                                    

Kabanata Katorse: Ang Panlilinlang ni Kidlat

Hindi inaasahan nina Leo, Selena, Lovell at maging ng batang si Adolfo ang paglitaw ng isang nilalang. Nakilala naman ng lubos nina Lovell at Selena kung sino ang nasa harap nila ngayon.

"Ikaw?" ani Selena.

"Tore!" wika naman ni Lovell.

"Ha-ha-ha-ha. Magaling! Magaling! Nakilala ninyo ako. Oo, ako nga si Tore. Hindi ko hahayaan ang masaya ninyong pagtitinginan ay mangibabaw sa gabing ito, Selena. Ito ang magiging huling gabi na magkasama kayong dalawa," halakhak nang halakhak si Kidlat sa katauhan ni Tore nang mga sandaling iyon.

Para sa kaniya ay hindi niya papahintulutan ang pag-ibig na mangibabaw sa puso ng isang imortal at mortal.

"Leo, kunin mo si Adolfo at lumayo kayo ritong dalawa. Bilis!" natataranta man at mulagat ang mukha ay agad na kinarga ni Leo si Adolfo.

"Walang p'wedeng umalis ni isa sa inyo. Bata man o matanda ay walang kawala sa akin!" at isang puting liwanag ang lumabas sa mga daliri ni Kidlat at tinamaan sa braso si Leo. Muntik na niyang mabitawan si Adolfo pero yakap-yakap niya pa rin ang bata nang matumba ito.

Gulat na gulat naman ang mga mata ni Selena sa kaniyang nasaksihan habang si Lovell ay hindi maipinta ang mukha at agad na tinungo ang sugatang matalik na kaibigan.
Nang mga sandaling iyon at habang pinagmamasdan ang mukha ni Selena ay bigla na lamang siyang napahawak sa kaniyang leeg at may biglang naalala.

Nasaan ang kuwintas?
At isang saglit na pag-alala ang sumagi sa kaniyang isipan kung nasaan ang kuwintas -- kung nasaan si Tore.

"Pakawalan mo ako rito, Kidlat!" sigaw nang sigaw si Tore sa loob ng isang maliit na boteng ginawang palawit sa kuwintas nang mga oras na iyon.
"Naririndi ako sa iyo! Ang mabuti pa ay iwan na lamang kita rito sa Torebabel," aniya.
"Tama! Iyon nga ang gagawin ko. Hindi ka naman mahahanap at hindi naman alam ng mga alagad mong ako ang nasa katawan mo."
Isang nakabibibinging halakhak ang maririnig sa loob ng Torebabel at tinanggal ni Kidlat ang kuwintas sa kaniyang leeg at inilagay iyon sa isang bahagi ng Torebabel.

"Akala ko ay nawala ka. Iniwan lang pala kita roon. Ako na muna ang bahala sa iyong pinakamamahal na si Selena."
Naisatinig na lamang ni Kidlat ang kaniyang sasabihin at muling ginawaran ng mala-demonyong ngiti ang nasa harapan niya.

"Iyan ang mapapala kapag may isang umalis dito," lalong dumagundong ang halakhak nito. Ngunit, hindi iyon umubra sa mga titig ni Selena.

Si Selena naman ay matamang nag-iisip kung si Tore nga ba ang kaharap nila. Alam ni Selena ang limitasyon ng mga mortal. Hindi sila nananakit ng tao maliban na lamang kung puno nang kasamaan ang puso ng isang imortal.

"Bakit, Selena? Hindi mo ba nagustuhan ang ginawa ko?"

“Tumigil ka!” sigaw ni Selena. Sa kanyang galit na nararamdaman, katawan niya ay nagningning. Ang batang walang muwang na si Adolfo ay takot na takot sa nasasaksihan. Umiyak siya nang umiyak. Nadudurog ang puso ni Selena at Lovell sa boses na naririnig nila mula kay Adolfo.

“Huwag mong idamay ang anak ko sa kasamaan mo! Tanggapin mo na lang na hindi kita kayang mahalin. Hayaan mo na akong maging masaya sa piling ng aking tunay na iniibig. Umalis ka na lang, Tore!”

Mas lalong nagliwanag ang katawan ni Selena. Kibit balikat lang ang naging tugon ni Tore. ‘Saka siya humalakhak nang malakas. Ito ay napuna ni Selena. Naramdaman ni Selena ang malamig na puso ni Tore. Walang pakiramdam. Kahit anong isipin ni Selena kahit galit si Tore hindi siya nito magagawang saktan.

"Wala kang karapatang saktan ang anak ko at ang aking matalik na kaibigan, Tore! Labag iyan sa inyong batas bilang imortal!" sigaw ni Lovell habang pinagmamasdan ang nanghihinang si Leo habang si Adolfo naman ay umiiyak na nang mga sandaling iyon.

A Wolf's Love To The MoonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon