Kabanata Kinse: Ang Labanan ng Ulap at ng Buwan
Sa kabila nang mga nangyayari sa lupa, malaki ang naging pagdududa ni Galaxia sa asal na ginawa ni Kidlat nang sila ay sandaling nagkita. Kaya hindi siya mapakali sa loob ng kaniyang silid sa kaharian ng Bolta. Kinukutuban siyang may maling nangyayari sa kanilang kaharian.
Kaya naman, nagdesisyon siyang pumunta sa ToreBabel. Sa pagkakataon na iyon ay wala nang pakialam si Galaxia kung ano man ang puwedeng gawin ni Tore sa kaniya.
“Saan ka pupunta, mahal kong kapatid?” tanong ni Galantino habang hinaharangan ang kapatid.
“Umalis ka sa harapan ko, Galantino.”
“Alam ko kung saan ka tutungo. Hindi kita maaaring pabayaan na puntahan mo si Panginoong Tore,” pigil ni Galantino kay Galaxia. Nag-aalala siya sa kaniyang kapatid. Iniisip niya ang maaaring gawin ni Tore sa kaniya.
“Huwag mo akong pigilan, Galantino. Hindi mo ba nararamdaman, na… may mali sa ating kaharian?” pagpupumilit na sabi ni Galaxia kay Galantino. Paroo't parito siya sa pasilyo. Balisa ang kaniyang pakiramdam.
Malambot naman ang puso ni Galantino sa kaniyang kapatid. Hindi niya kayang makitang nahihirapan si Galaxia.
“Sige, papayagan kita. Pero, sa isang kundisyon!” ani Galantino.
“Ano’ng kundisyon?”
“Sasama ako sa ‘yo. Hindi kita p’wedeng pabayaan nang mag-isa ka lang. Kahit siya ang Hari o Panginoon dito sa ating kaharian, hindi ko hahayaang saktan ka pa niya kahit buhay ko pa ang magiging kapalit.”
“G--galantino…” tanging sambit ni Galaxia na nang mga sandaling iyon ay namumuo na ang mga luha sa kaniyang mga mata.
“Mahal kita kapatid ko. At totoong mahal ko si Sola. Sa pagkakataon na ito ayaw kong gumawa ng kasamaan. Gusto ko ring maramdaman kung ano ang pakiramdam ng ipinaglalaban ang pag-ibig na nasa puso,” patuloy na sabi ni Galantino. Hindi makapagsalita si Galaxia. Parang hinahagod ang kaniyang puso sa mga salitang naririnig niya mula sa kapatid.
“Naiintindihan ko ang nararamdaman mo, Galaxia, kaya buong puso kitang tutulungan sa nararamdaman mo para kay Panginoong Tore. Ipaglaban natin ang mga totoong nasa damdamin natin.”
Walang salita na maisambit si Galaxia. Tumakbo siya sa kaniyang kapatid at niyakap ito. Nagkatinginan sila at sabay silang nawala sa kinaroroonan nila. Ginamit ni Galantino ang kapangyarihan niyang maglaho.
Nang makarating sila sa silid ni Tore ay napansin nila ang nakabibinging katahimikan. Ngunit, nararamdaman pa rin nila ang presensiya ni Tore. Pinakiramdaman nila ang buong ToreBabel. Tinalasan ang mata at pandinig pero bigo silang makita ang kanilang pinuno.
“Nasaan si Panginoong Tore?” nag-aalalang tanong ni Galaxia sa kapatid.
“Masama ang kutob ko,” sagot agad ni Galantino.
Ang hindi nila alam, naroon si Tore sa kaniyang trono. Nasa maliit na bote siyang nakalawit sa isang kuwintas. Nakikita ni Tore ang dalawang alagad niya. Panay ang kalabog nito sa loob nh bote. Sigaw siya nang sigaw pero hindi pa rin siya naririnig o napapansin ng dalawa.
“Galantino! Galaxia! Narito ako, tulungan ninyo ako!” walang tigil ang pagsigaw ni Tore sa loob, subalit hindi siya naririnig.
“Patawarin niyo ako sa aking pagmamalupit sa inyo. Parang awa niyo na, tulungan niyo akong makaalis dito. Papatayin ni Kidlat si Selena!” pagmamakaawa ni Tore.
“Halika na, Galaxia. Baka may pinuntahan lang si Panginoong Tore,” anyaya ni Galantino sa kapatid.
“Hindi, Galantino! Narito si Panginoong Kidlat, b--baka m--may ginawa siya kay Panginoong Tore!” naluluhang sabi ni Galaxia.
BINABASA MO ANG
A Wolf's Love To The Moon
Fantasy"Dumaan man ang napakahabang panahon, makakalimot ba ang puso sa taong kay tagal nitong pinanabikan at hinintay?" A Wolf's Love To The Moon is a collaboration novel written by MeasMrNiceGuy and MysteriousCharm27