Kabanata XI: Los Baños

2K 6 0
                                    

Buod

Ang Kap. Heneral ay nangaso sa Bosoboso. May kasama siyang banda ng musiko sapagka’t siya ang pangalawang patrono real ng Pilipinas o kinatawan ng patrono real ng hari. Walang nabaril na ibon o usa ang Kapitan heneral. Ibig na sanang pagbihisang- usa ang isang tao. Mabuti na raw iyon sapagka’t maawain siya sa hayop. Ang totoo’y natutuwa siya’t di makikita na di siya makatatama ng ibon o usang babarilin. Nagbalik sila sa Los Banos.

Noo’y ika-31 ng Disyembre.

Naglalaro ng tresilyo sa bahay-aliwan sa Los-Banos ang Kapitan Heneral, si Padre Sibyla at Padre Irene. Galit na galit naman si Padre Camorra. Hindi alam ng huli na kaya nagpapatalo ang dalawang kura ay sapagka’t nais nilang makalamang sa isa sa pakikipag-usap sa Kapitan ukol sa paaralan ng kastilang balak ng kabataan.

Samantalang nagsusugal ay pinag-aralan at pinasyahan ng Kapitan ang mga papeles ng pamamahala na inisa-isa ng kalihim pagpapalit ng tungkulin, pagbibigay ng biyaya, pagpapatapon at iba pa. Saka na ang ukol sa paaralan ng kastila. Naroon si Don Custodio at isang prayleng Dominiko- si Padre Fernandez.

Nagalit si Padre Camorra dahil sa isang sinadyang maling sugal ni Padre Irene na ikinapanalo ng Kapitan. Punyales, si Kristo na ang makipagsugal sa inyo! ani Padre Camorra at tumayo na.

Si Simoun ang pumalit kay Padre Camorra. Siya ay biniro ni Padre Irene na kanyang itaya ang kanyang mga brilyante. Pumayag si Simoun. Wala raw namang maitataya ang kura. Ani Simoun: Ako’y babayaran ninyo ng pangako. Kayo Padre Sibyla, sa bawat limang bilang ay mangangako na kayo’y di kikilala sa karalitaan, kababaang loob, at pagsunod sa kabutihang asal (magmamalabis siya sa maluhong pamumuhay at paggugol, di siya magpapakita ng awa sa mga dukha, at di siya susunod sa mga tuntunin ng kabutihang asal.); at kayo, Padre Irene, sasabihin lamang ninyo na lilimutin ninyo ang kalinisang ugali, ang awa sa kapuwa, at iba pa. Sa maliit na hinihingi ko’y kapalit ang aking mga brilyante. At ito (tinapik pa ang Kapitan Heneral), sa limang bilang ay isang vale na limang araw sa piitan (karapatan ni Simoun na mapabilanggo sa isang tao nang limang araw); isang pag-papapiit sa limang buwan; isang utos na pagpapatapon na walang nakasulat na pangalan; karapatan sa isang madaliang utos na pagpapabaril sa iasng taong pipiliin ko at iba pa. 

Sa kakaibang kundisyong ito ng pagsusugal ay napalapit sina Don Custodio , Padre Fernandez at ang Mataas na Kawani. Ang huli ay nagtanong kung ano ang mapapala ni Simoun sa kanyang mga hiling.

Para raw luminis ang bayan at maalis na lahat ang masasamang damo, tugon ni Simoun.

Ipinalalagay ng nangakarinig na ang gayong kaisipan ni Simoun ay gawa ng pagkaharang sa kanya ng mga tulisan. Sinabi naman ni Simoun na nang pigilan siya ng mga tulisan ay walang kinuha sa kanya kundi ang 2 niyang rebolber at mga bala. Kinumusta pa raw ang heneral. Marami raw baril ang tulisan . Anang heneral ay ipagbabawal niya ang mga sandata. Ani Simoun: Huwag. Ang mga tulisan ay marangal; sila ang tanging marangal na kumikita ng ikabubuhay nila. Halimbawa, pawawalan ba ninyo ako nang di man lang kukunin ang aking mga alahas ? Ang kasamaan ay wala sa mga tulisan sa bundok nasa mga tulisan sa bayan at siyudad. 

Gaya ninyo, ani Padre Sibylang nakatawa.

Gaya natin , ganti ni Simoun, Tayo nga lamang ay mga di-hayagang tulisan. 

Ika-11:30 na. Itinigil ng heneral ang laro at parunggitan. May kalahating oras pa’t manananghali na marami pa tayong suliraning pag-uusapan. 

Ipinasiya ng heneral na ipagbawal ang armas de salon (sandatang pampalamuti sa salas). Tumutol ang Mataas na Kawani. Wala raw bansa sa daigdig na nagbabawal niyon. Manok lang daw ang kayang patayin niyon. Laging sinasalungat ang heneral ng Mataas na Kawani. Walang nangyari sa pagtutol ng huli. Nagbigay ng payo si Simoun. Huwag ipagbawal ang armas de salon liban sa iisang sukat na kasalukuyang nabibili noon. Ito ang nasunod.

Sunod na pinag-usapan ang suliranin ng paaralan sa Tiyani. Ang guro ay humihingi ng bahay-paaralan. Ani Padre Sibyla si Socrates ay nagturo sa plasa, si Plato sa ilalim ng mga kahoy at si Hesus ay sa mga bundok. Pilibustero raw ang guro sa Tiyani, ayon kay Padre Camorra. Ipinasiya ng heneral na pigilin sa pagtuturo ang guro. Tumutol ang Mataas na Kawani. 

Anang heneral ay di dapat humusay pa sa Espanya ang mga paaralan pa sa Pilipinas. Sa susunod , dugtong pa nito, lahat ng daraing ay pipigilin sa tungkulin. 

Ipinayo ni Don Custodio na gawing paaralan ang sabungan. Kung linggo at pista lang lang daw ginagamit at pinakamaayos na gusali, ang mga sabungan. Kung simpleng araw daw ay nakatiwangwang lamang.

Pinutol ng heneral ang pagtatalo. Pag-aaralan daw niya. Isinunod ang balak na paaralan ng kabataan ukol sa Wikang Kastila. Anim na buwan nang naghihintay ito ng pagpapasiya.

Tinanaong ng heneral ang kawani Sang-ayon ang tinanong. Pinuri ang balak ng kabataan. Tumutol sa balak si Padre Sibyla. Wala raw sa panahon at isang paghamak sa mga Dominiko. Ayon kay Simoun ay kahina-hinala ang balak. Iniisip ni Padre Irene na tagapagsalita ng kabataan para sa paaralan na wala nang pag-asa ang paaralan. Tutol si Simoun. Ipinasyang huwag nang magsalita. 

Inisa-isa ang kabataang may panukala ng paaralan. Si Isagani raw ay mahilig sa pagbabago at pagsulong kaya’t mapanganib. Ipinagtanggol ni Padre Fernandez si Isagani. Ani Padre Camorra, ang binata ay bastos. Sa bapor da ay itinulak niya at siya’y itinulak din nito.

Ang mayamang si Macaraig na paborito ni Padre Irene ay may taga- tangkilik na isang kondesa kaya’t di ito pinag-usapan. Isinunod si Basilio. Tubig na tulog daw ito, ayon kay Padre Irene. Tahimik daw at may pinagmulang si Padre Salvi ang higit na nakaaalam(ngunit wala si Padre Salvi.) Tila raw nakabangga na ito ng mga sibil at may ama itong napatay sa isang paghihimagsik. Itala raw ang pangalan ni Basilio, utos ng heneral. Tumutol ang kawani. Ipinagtanggol ang kabataan. Tumango sina Padre Fernandez, Padre Irene at Don Custodio.

Tumutol si Padre Camorra: Ang mga Indiyo ay di dapat matuto ng kastila at pagnatuto ay makikipagtalo sa mga kastila. 

Ani Padre Sibyla: Hindi pinag-uusapan dito ang pagtuturo ng kastila: dito ay may isang lihim ng paghahamok ng mga estudyante at ng Unibersidad ng Sto. Tomas. Pag nasunod ang kanila, natalo kami (mga Dominiko), yayabang ang mga iyan at tuloy-tuloy na. Pagkatapos naming bumagsak, isusunod nila ang Pamahalaan. 

Nagsalita si Padre Fernandez na isa ring Dominiko: Pulitikahin natin sila para di nila masabing tinalo nila tayo. Sa halip na labanan natin sila ay sang-ayunan natin at purihin sa balak nila. Bakit makikipagkagalit tayo sa Bayan; kakaunti tayo, marami sila. Kailangan natin sila, tayo’y di nila kailangan. Ngayo’y mahina ang bayan. Ngunit bukas-makalawa’y lalakas iyan. Matuwid ang mga kahilingan ng mga estudyante. Kikilala pa sila sa atin ng utang na loob. Gumaya tayo sa mga Hesuwita. 

Lalong nagalit si Padre Sibyla nang mabanggit ang hesuwita. Nagsabad- sabaran ang magkakaharap at di naunawaan ang lahat. Pumasok ang kura sa Los Banos upang sabihing nakahanda na ang pananghalian. 

Siyang pagbulong ng mga Kawani sa Heneral. Ang anak noong si Kab. Tales ay humihiling na palayain ang kanyang nuno na napipiit kapalit ng ama. 

Kumatig si Padre Camorra sa pagpapalaya. Sumang-ayon ang Heneral.

El Filibusterismo: Buod ng bawat Kabanata (1-39) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon